Nang matanda na si Isaac, malabo na ang kanyang mga mata at anupa't hindi na makakita. Tinawag niya si Esau na kanyang panganay at sinabi sa kanya, “Anak ko.” At kanyang sinabi, “Narito ako.”
At sinabi niya, “Masdan mo, ako'y matanda na at hindi ko nalalaman ang araw ng aking kamatayan.
Hinihiling ko na kunin mo ngayon ang iyong mga sandata, ang iyong lalagyan ng pana, at ang iyong busog. Pumunta ka sa parang at ihuli mo ako ng usa.
Ipaghanda mo ako ng masarap na pagkain gaya ng aking ibig, at dalhin mo rito sa akin at ako'y makakain, upang ikaw ay mabasbasan ko bago ako mamatay.”
Naririnig ni Rebecca ang pagsasalita ni Isaac kay Esau na kanyang anak. Kaya't nang pumunta si Esau sa parang upang manghuli ng usa at magdala nito,
ay sinabi ni Rebecca kay Jacob na kanyang anak, “Narinig ko ang iyong ama na nagsasabi kay Esau na iyong kapatid,
‘Dalhan mo ako ng usa, at ipaghanda mo ako ng masarap na pagkain upang ako'y makakain, at ikaw ay aking basbasan sa harap ng PANGINOON bago ako mamatay.’
Kaya ngayon, anak ko, sundin mo ang aking sinabi, ayon sa iniutos ko sa iyo.
Pumaroon ka ngayon sa kawan, at dalhin mo sa akin ang dalawang magandang batang kambing at gagawin kong masarap na pagkain para sa iyong ama, ayon sa kanyang ibig.
Dadalhin mo ito sa iyong ama at hayaan mong kumain upang ikaw ay kanyang basbasan bago siya mamatay.”
Subalit sinabi ni Jacob kay Rebecca na kanyang ina, “Si Esau na aking kapatid ay taong mabalahibo at ako'y taong makinis.
Baka hipuin ako ng aking ama, at ako ay magiging mandaraya sa kanyang paningin; at ang aking matatanggap ay sumpa at hindi pagpapala.”
Sinabi sa kanya ng kanyang ina, “Mapasaakin na ang sumpa sa iyo, anak ko. Sundin mo lamang ang aking sinabi. Umalis ka na at dalhin ang mga iyon sa akin.”
Kaya't siya'y umalis at kinuha ang mga ito at dinala sa kanyang ina. Gumawa ang kanyang ina ng masarap na pagkaing gusto ng kanyang ama.
Kinuha ni Rebecca ang pinakamagandang damit ng kanyang panganay na anak na si Esau na nasa kanya sa bahay at isinuot kay Jacob na kanyang bunsong anak.
At ang mga balat ng mga batang kambing ay ibinalot sa kanyang mga kamay, at sa makinis na bahagi ng kanyang leeg.
Ibinigay niya ang masarap na pagkain at ang tinapay na kanyang inihanda kay Jacob na kanyang anak.
At siya'y lumapit sa kanyang ama at sinabi, “Ama ko;” at sinabi niya, “Narito ako; sino ka, anak ko?”
Sinabi ni Jacob sa kanyang ama, “Ako'y si Esau na iyong panganay; ginawa ko ang ayon sa sinabi mo sa akin. Bumangon ka ngayon, umupo at kumain ka ng aking usa upang ako'y mabasbasan mo.”
At sinabi ni Isaac sa kanyang anak, “Ano't napakadali mong nakakuha, anak ko?” At sinabi niya, “Sapagkat ang PANGINOON mong Diyos ang nagbigay sa akin ng tagumpay.”
Sinabi ni Isaac kay Jacob, “Anak ko, lumapit ka rito at hahawakan kita, kung ikaw nga ang aking anak na si Esau o hindi.”
Lumapit si Jacob kay Isaac na kanyang ama at hinawakan siya at sinabi, “Ang tinig ay tinig ni Jacob, ngunit ang mga kamay ay mga kamay ni Esau.”
Hindi niya nakilala si Jacob sapagkat ang kanyang kamay ay kagaya ng mabalahibong mga kamay ng kanyang kapatid na si Esau. Kaya't siya'y binasbasan ni Isaac.
At sinabi niya, “Ikaw nga ba ang aking anak na si Esau?” At sinabi ni Jacob, “Ako nga.”
Sinabi niya, “Dalhin mo na sa akin upang makakain ako ng usa ng aking anak, upang mabasbasan ka.” Inilapit niya ito sa kanya at kumain siya, at siya'y dinalhan niya ng alak, at siya'y uminom.
Sinabi sa kanya ni Isaac na kanyang ama, “Anak ko, lumapit ka ngayon at humalik ka sa akin.”
At siya'y lumapit at humalik siya sa kanya at naamoy ng ama ang amoy ng kanyang mga suot. Siya'y binasbasan, at sinabi,
“Ang amoy ng aking anak
ay gaya ng amoy ng isang parang na pinagpala ng PANGINOON.
Nawa'y bigyan ka ng Diyos ng hamog ng langit,
at ng taba ng lupa,
at ng saganang trigo at alak.
Ang mga bayan nawa ay maglingkod sa iyo,
at ang mga bansa ay magsiyukod sa iyo.
Maging panginoon ka nawa ng iyong mga kapatid,
at magsiyukod sa iyo ang mga anak ng iyong ina.
Sumpain nawa ang mga sumusumpa sa iyo,
at maging mapapalad ang mga magpapala sa iyo.”
Katatapos pa lamang basbasan ni Isaac si Jacob, at bahagya pa lamang nakakaalis si Jacob sa harap ni Isaac na kanyang ama, ay dumating si Esau na kanyang kapatid na galing sa kanyang pangangaso.
Naghanda rin siya ng masarap na pagkain at dinala niya sa kanyang ama. Sinabi niya sa kanyang ama, “Bangon na, ama ko, at kumain ka ng usa ng iyong anak upang mabasbasan mo ako.”
Sinabi ni Isaac na kanyang ama sa kanya, “Sino ka?” At kanyang sinabi, “Ako ang iyong anak, ang iyong panganay na si Esau.”
At nanginig nang husto si Isaac, at sinabi, “Sino nga iyong kumuha ng usa at dinala sa akin, at ako'y kumain noon bago ka dumating, at siya'y aking binasbasan? Kaya't siya'y magiging mapalad!”
Nang marinig ni Esau ang mga salita ng kanyang ama ay sumigaw siya nang malakas at umiyak na may kapaitan at sinabi sa kanyang ama, “Basbasan mo rin ako, aking ama.”
Ngunit sinabi niya, “Pumarito ang iyong kapatid sa pamamagitan ng pandaraya, at kinuha ang basbas sa iyo.”
At kanyang sinabi, “Hindi ba't tumpak na ang pangalan niya ay Jacob? Dalawang ulit niya akong inagawan. Kinuha niya ang aking pagkapanganay at ngayo'y kinuha ang basbas sa akin.” At kanyang sinabi, “Wala ka bang inilaang basbas para sa akin?”