Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

GENESIS 23

23
Namatay si Sara at Bumili si Abraham ng Paglilibingan
1Ang buhay ni Sara ay tumagal ng isandaan at dalawampu't pitong taon. Ito ang naging mga taon ng buhay ni Sara.
2At namatay si Sara sa Kiryat-arba (na siyang Hebron) sa lupain ng Canaan, at pumaroon si Abraham upang ipagluksa si Sara at umiyak para sa kanya.
3Tumindig si Abraham sa harap ng kanyang patay at nagsalita sa mga anak ni Het,
4“Ako'y#Heb. 11:9, 13; Gw. 7:16 taga-ibang bayan at dayuhan sa gitna ninyo. Bigyan ninyo ako ng pag-aaring libingan sa gitna ninyo upang mapaglilibingan ng aking patay at mawala ito sa aking paningin.”
5Ang mga anak ni Het ay sumagot kay Abraham,
6“Pakinggan mo kami, panginoon ko. Ikaw ay isang makapangyarihang prinsipe sa gitna namin. Ilibing mo ang iyong patay sa pinakamabuti sa aming mga libingan. Walang sinuman sa amin ang magkakait sa iyo ng kanyang libingan upang paglibingan ng iyong patay.”
7At tumindig si Abraham, at yumuko sa mga mamamayan ng lupain, sa mga anak ni Het.
Ang Pagbili ng Parang sa Macpela
8At sinabi niya sa kanila, “Kung sang-ayon kayo na ilibing ko ang aking patay upang mawala ito sa aking paningin ay pakinggan ninyo ako, at mamagitan kayo para sa akin kay Efron na anak ni Zohar,
9upang ibigay niya sa akin ang yungib ng Macpela, na kanyang pag-aari na nasa hangganan ng kanyang parang. Sa kabuuang halaga ay ibigay niya iyon sa akin sa harap ninyo bilang isang pag-aari na paglilibingan.”
10Si Efron nga ay nakaupo sa gitna ng mga anak ni Het at sumagot si Efron na Heteo kay Abraham, sa harap ng mga anak ni Het, na naririnig ng lahat ng pumapasok sa pintuan ng bayan,
11“Hindi, panginoon ko, pakinggan mo ako. Ang parang ay ibinibigay ko sa iyo, at ang yungib na naroroon ay ibinibigay ko sa iyo. Sa harapan ng mga anak ng aking bayan ay ibinibigay ko sa iyo, ilibing mo ang iyong patay.”
12Kaya't si Abraham ay yumukod sa harapan ng mga mamamayan ng lupain.
13At sinabi niya kay Efron sa pandinig ng mga mamamayan ng lupain, “Kung nais mo ay pakinggan mo ako. Ibibigay ko sa iyo ang halaga ng parang; tanggapin mo iyon sa akin, at ililibing ko roon ang aking patay.”
14Sumagot si Efron kay Abraham,
15“Panginoon ko, pakinggan mo ako. Ang halaga ng isang pirasong lupa ay apatnaraang siklong pilak. Gaano na lamang iyon sa iyo at sa akin? Ilibing mo na nga ang iyong patay.”
16At nakinig naman si Abraham kay Efron; at tinimbang ni Abraham para kay Efron ang salaping kanyang sinabi sa harapan ng mga anak ni Het, apatnaraang siklong pilak, sang-ayon sa timbang na karaniwan sa mga mangangalakal.
17Kaya't ang parang ni Efron na nasa Macpela, na nasa tapat ng Mamre, ang parang at ang yungib na nandoon, at ang lahat ng mga punungkahoy na nasa parang at ang lahat ng hangganan sa palibot nito,
18ay naging pag-aari ni Abraham sa harapan ng mga anak ni Het, sa harapan ng lahat ng pumasok sa pintuang-daan ng kanyang bayan.
19Pagkatapos nito ay inilibing ni Abraham si Sara na kanyang asawa sa yungib ng parang sa Macpela sa tapat ng Mamre (na siyang Hebron) sa lupain ng Canaan.
20Ang parang at ang yungib na naroroon ay naging pag-aari ni Abraham upang maging lugar ng libingan mula sa mga anak ni Het.

Kasalukuyang Napili:

GENESIS 23: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in