Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

GENESIS 22:1-24

GENESIS 22:1-24 ABTAG01

Pagkatapos ng mga bagay na ito, sinubok ng Diyos si Abraham, at sinabi sa kanya, “Abraham,” at sinabi niya, “Narito ako.” At kanyang sinabi, “Kunin mo ngayon ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak na si Isaac, na iyong minamahal at pumunta ka sa lupain ng Moria. Ialay mo siya bilang handog na susunugin sa itaas ng isa sa mga bundok na aking sasabihin sa iyo.” Si Abraham ay maagang bumangon at inihanda ang kanyang asno. Isinama niya ang dalawa sa kanyang mga batang tauhan at si Isaac na kanyang anak. Nagsibak siya ng kahoy para sa handog na susunugin; at siya'y naghanda at pumunta sa lugar na sinabi sa kanya ng Diyos. Nang ikatlong araw ay tumingin si Abraham at kanyang natanaw ang lugar na iyon sa malayo. Sinabi ni Abraham sa kanyang mga batang tauhan, “Maghintay kayo rito at ng asno, at ako at ang bata ay pupunta roon upang kami ay sumamba. Babalikan namin kayo.” At kinuha ni Abraham ang kahoy ng handog na susunugin, at ipinasan kay Isaac na kanyang anak. Dinala niya sa kanyang kamay ang apoy at ang patalim at sila'y umalis na magkasama. Nagsalita si Isaac kay Abraham na kanyang ama, “Ama ko.” At kanyang sinabi, “Narito ako, anak.” Sinabi niya, “Narito ang apoy at ang kahoy, ngunit nasaan ang korderong handog na susunugin?” Kaya't sinabi ni Abraham, “Anak ko, ang Diyos ang magkakaloob ng korderong handog na susunugin.” At sila'y umalis na magkasama. At sila'y dumating sa lugar na sinabi sa kanya ng Diyos. Nagtayo roon si Abraham ng isang dambana, inayos ang kahoy, at tinalian si Isaac na kanyang anak at inilagay sa ibabaw ng kahoy na nasa ibabaw ng dambana. Iniunat ni Abraham ang kanyang kamay at hinawakan ang patalim upang patayin ang kanyang anak. Ngunit tinawag siya ng anghel ng PANGINOON mula sa langit, at sinabi, “Abraham, Abraham.” At kanyang sinabi, “Narito ako.” At sa kanya'y sinabi, “Huwag mong sasaktan ang bata, o gawan man siya ng anuman, sapagkat ngayon ay nalalaman ko na ikaw ay may takot sa Diyos, at hindi mo ipinagkait sa akin ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak.” Kaya't tumingin si Abraham, at nakita niya ang isang tupang lalaki sa likuran niya na ang mga sungay ay sumabit sa mga tinik. Lumapit si Abraham at kinuha ang tupa, at siyang inialay na handog na susunugin kapalit ng kanyang anak. Kaya't tinawag ni Abraham ang lugar na iyon Yahweh-yireh. Kaya't sinasabi hanggang sa araw na ito: “Sa bundok ng PANGINOON ito ay ipagkakaloob.” Mula sa langit ay muling tinawag ng anghel ng PANGINOON si Abraham. At sinabi niya, “Sumumpa ako sa aking sarili,” wika ng PANGINOON, “sapagkat ginawa mo ito at hindi mo ipinagkait sa akin ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak; tunay na pagpapalain kita, at pararamihin ko ang iyong binhi, na gaya ng mga bituin sa langit at mga buhangin sa baybayin ng dagat; at makakamit ng iyong binhi ang pintuang-bayan ng kanyang mga kaaway. At sa pamamagitan ng iyong binhi ay pagpapalain ang lahat ng bansa sa lupa, sapagkat sinunod mo ang aking tinig.” Kaya't bumalik si Abraham sa kanyang mga batang tauhan, at sila'y tumayo at sama-samang nagtungo sa Beer-seba; at nanirahan si Abraham sa Beer-seba. Pagkatapos ng mga bagay na ito, ibinalita kay Abraham, “Si Milca ay nagkaroon din ng mga anak kay Nahor na iyong kapatid. Si Uz ang kanyang panganay, si Buz na kanyang kapatid, at si Kemuel na ama ni Aram; Si Chesed, Hazo, Pildas, Jidlaf, at si Betuel.” Si Betuel ang naging ama ni Rebecca. Ang walong ito ay naging anak ni Milca kay Nahor na kapatid ni Abraham. Gayundin, ipinanganak ng kanyang asawang-lingkod na si Reuma sina Teba, Gaham, Taas, at Maaca.