Subalit ngayong nakikilala na ninyo ang Diyos, o sa halip ay kinikilala na kayo ng Diyos, bakit muli kayong nagbabalik sa mahihina at hamak na mga panimulang aral, na sa mga iyon ay nais ninyong muling maging mga alipin?
Nangingilin kayo ng mga araw, mga buwan, mga panahon, at mga taon.
Ako'y natatakot na nagpagal ako sa inyo nang walang kabuluhan.
Mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo, kayo'y maging kagaya ko, sapagkat ako'y naging katulad din ninyo. Wala kayong ginawang masama sa akin.
Nalalaman ninyo na dahil sa karamdaman ng katawan ay una kong ipinangaral sa inyo ang ebanghelyo.
Bagaman ang aking kalagayan ay naging isang pagsubok sa inyo, hindi ninyo ako hinamak o kinasuklaman kundi tinanggap na gaya sa isang anghel ng Diyos, gaya ni Cristo Jesus.
Nasaan na ngayon ang inyong kagandahang-loob? Sapagkat ako'y nagpapatotoo sa inyo, na kung maaari sana ay dinukit na ninyo ang inyong mga mata at ibinigay sa akin.
Ako ba ngayo'y naging kaaway ninyo sa pagsasabi ko sa inyo ng katotohanan?
Sila'y masigasig sa inyo, subalit hindi para sa mabuting layunin; nais nilang ihiwalay kayo, upang kayo'y maging masigasig sa kanila.
Subalit mabuti ang maging laging masigasig sa mabuting bagay at hindi lamang kapag ako'y kaharap ninyo.
Minamahal kong mga anak, na para sa inyo ay muli akong nakakaranas ng hirap ng panganganak hanggang si Cristo ay mabuo sa inyo.
Nais kong makaharap kayo ngayon at baguhin ang aking tono, sapagkat ako'y nag-aalinlangan tungkol sa inyo.
Sabihin ninyo sa akin, kayong nagnanais mapasailalim ng kautusan, hindi ba ninyo naririnig ang kautusan?
Sapagkat nasusulat na si Abraham ay nagkaroon ng dalawang anak, isa mula sa aliping babae, at ang isa ay sa babaing malaya.
Subalit ang mula sa alipin ay ipinanganak ayon sa laman, at ang mula sa babaing malaya ay sa pamamagitan ng pangako.
Ang mga bagay na ito ay isang paghahambing, sapagkat ang mga babaing ito'y dalawang tipan. Ang isa ay si Hagar na mula sa bundok ng Sinai na nanganganak para sa pagkaalipin.
Ngayon, si Hagar ay bundok ng Sinai sa Arabia at katumbas ng kasalukuyang Jerusalem, sapagkat siya'y nasa pagkaalipin kasama ng kanyang mga anak.
Ngunit ang Jerusalem na nasa itaas ay malaya, na siyang ating ina.
Sapagkat nasusulat,
“Magalak ka, ikaw na baog, ikaw na hindi nanganganak;
bigla kang umawit at sumigaw, ikaw na hindi nakakaranas ng sakit sa panganganak;
sapagkat mas marami pa ang mga anak ng pinabayaan
kaysa mga anak ng may asawa.”
At kayo, mga kapatid, tulad ni Isaac, ay mga anak ng pangako.
Subalit kung paanong inusig noon ng ipinanganak ayon sa laman ang ipinanganak ayon sa Espiritu, gayundin naman ngayon.
Subalit ano ang sinasabi ng kasulatan? “Palayasin ang aliping babae at ang kanyang anak, sapagkat hindi magmamana ang anak ng babaing alipin na kasama ng anak ng babaing malaya.”
Kaya, mga kapatid, hindi tayo mga anak ng babaing alipin, kundi ng babaing malaya.