Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

EZEKIEL 46

46
Ang Pinuno at ang mga Pista
1“Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ang pintuan ng pinakaloob na bulwagan na nakaharap sa dakong silangan ay sasarhan sa panahon ng anim na araw na paggawa. Ngunit sa Sabbath, ito ay bubuksan, at sa araw ng bagong buwan ay bubuksan ito.
2Ang pinuno ay papasok sa tabi ng patyo ng pintuan sa labas, at tatayo sa tabi ng haligi ng pintuan. Ihahandog ng mga pari ang kanyang handog na sinusunog at ang kanyang mga handog pangkapayapaan, at siya'y sasamba sa may pasukan ng pintuan. Pagkatapos lalabas siya, ngunit ang pintuan ay hindi sasarhan hanggang sa hapon.
3Ang mamamayan ng lupain ay sasamba sa may pasukan ng pintuang iyon sa harapan ng Panginoon sa mga Sabbath at sa mga bagong buwan.
4Ang handog na sinusunog na ihahandog ng pinuno sa Panginoon sa araw ng Sabbath ay anim na batang tupa na walang kapintasan at isang lalaking tupang walang kapintasan.
5Ang handog na butil na kasama ng lalaking tupa ay isang efa, at ang handog na butil na kasama ng mga batang tupa ay kasindami ng kaya niya, at isang hin ng langis sa bawat efa.
Mga Bagay tungkol sa mga Handog
6Sa araw ng bagong buwan ay maghahandog siya ng isang guyang toro na walang kapintasan at anim na batang tupa at isang lalaking tupa na mga walang kapintasan.
7Bilang handog na butil ay maghahandog siya ng isang efa kasama ng toro, at isang efa kasama ng lalaking tupa, at ng mga batang tupa ayon sa kanyang kaya, at isang hin na langis sa bawat efa.
8Kapag ang pinuno ay papasok, siya'y papasok sa daan ng portiko ng pintuan, at sa daan ding iyon siya lalabas.
9“Kapag ang bayan ng lupain ay haharap sa Panginoon sa mga takdang kapistahan, ang papasok sa pintuan sa hilaga upang sumamba ay lalabas sa pintuan sa timog. Ang papasok sa pintuan sa timog ay lalabas sa pintuan sa hilaga. Walang babalik sa pintuan na kanyang pinasukan, kundi bawat isa ay tuluy-tuloy na lalabas.
10Kapag sila'y pumasok, ang pinuno ay papasok na kasama nila; at kapag sila'y lumabas, siya ay lalabas.
11“Sa mga kapistahan at sa mga takdang panahon, ang handog na butil kasama ng guyang toro ay magiging isang efa, at kasama ng isang lalaking tupa ay isang efa, at kasama ng mga batang tupa ay ang kayang ibigay niya, at isang hin ng langis sa isang efa.
12Kapag ang pinuno ay maghahanda ng kusang handog na sinusunog o ng mga handog pangkapayapaan bilang kusang handog sa Panginoon, bubuksan para sa kanya ang pintuang nakaharap sa silangan. Kanyang iaalay ang kanyang handog na sinusunog at mga handog pangkapayapaan gaya ng kanyang ginagawa sa araw ng Sabbath. Pagkatapos ay lalabas siya, at pagkalabas niya ay sasarhan ang pintuan.
Ang mga Handog Araw-araw
13“Siya ay maglalaan ng isang batang tupa na isang taong gulang na walang kapintasan bilang handog na sinusunog sa Panginoon araw-araw; tuwing umaga ay maghahanda siya.
14At siya'y maglalaan ng handog na butil na kasama niyon tuwing umaga, ikaanim na bahagi ng isang efa, at ikatlong bahagi ng isang hin ng langis, upang basain ang harina, bilang handog na butil sa Panginoon. Ito ang batas para sa patuloy na handog na sinusunog.
15Gayon nila ilalaan ang batang tupa, ang handog na butil, at ang langis, tuwing umaga, bilang patuloy na handog na sinusunog.
Ang Pinuno at ang Lupain
16“Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Kung ang pinuno ay magbigay ng regalo sa kanino man sa kanyang mga anak mula sa kanyang mana, iyon ay mapapabilang sa kanyang mga anak; ito'y kanilang pag-aari bilang mana.
17Ngunit#Lev. 25:10 kung siya'y magbigay ng regalo mula sa kanyang mana sa isa sa kanyang mga alipin, iyon ay magiging kanya hanggang sa taon ng kalayaan. Kung magkagayo'y ibabalik ito sa pinuno. Tanging ang kanyang mga anak ang makapag-iingat ng regalo mula sa kanyang mana.
18Hindi kukunin ng pinuno ang alinman sa mana ng taong-bayan, na aalisin sa kanila ang kanilang pag-aari. Siya'y magbibigay ng mana sa kanyang mga anak mula sa kanyang sariling pag-aari, upang walang sinuman sa aking bayan ang mawalan ng kanyang pag-aari.”
Ang Lutuan ng mga Handog
19Nang magkagayo'y dinala niya ako sa pasukan na nasa tabi ng pintuan, sa hilagang hanay ng mga banal na silid na para sa mga pari. Doon ay nakita ko ang isang lugar sa pinakadulong kanluran ng mga iyon.
20Sinabi niya sa akin, “Ito ang dako na pagpapakuluan ng mga pari ng handog pangkasalanan at ng handog sa budhing maysala, na siyang kanilang paglulutuan ng handog na butil, upang huwag nilang mailabas sa bulwagan sa labas upang banalin ang bayan.”
21Nang magkagayo'y inilabas niya ako sa panlabas na bulwagan at dinala niya ako sa apat na sulok ng looban. Sa bawat sulok ng bulwagan ay may isang bulwagan.
22Sa apat na sulok ng bulwagan ay may mga maliliit na bulwagan, apatnapung siko ang haba at tatlumpu ang luwang: ang apat ay magkakatulad ang laki.
23Sa palibot ng mga iyon ay may isang pader, sa palibot nilang apat at may ginawang dako ng pagpapakuluan sa ilalim ng mga hanay sa palibot.
24Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, “Ito ang mga dakong pakuluan na pagpapakuluan ng mga tagapangasiwa sa bahay ng handog ng bayan.”

Kasalukuyang Napili:

EZEKIEL 46: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in