EZEKIEL 37
37
Ang Pangitain tungkol sa mga Tuyong Buto
1Ang kamay ng Panginoon ay sumasaakin, at kanyang dinala ako sa pamamagitan ng Espiritu ng Panginoon at inilagay ako sa gitna ng libis; iyon ay punô ng mga buto.
2Inakay niya ako sa palibot ng mga iyon; napakarami niyon sa libis at ang mga iyon ay tuyung-tuyo.
3Kanyang sinabi sa akin, “Anak ng tao, maaari bang mabuhay ang mga butong ito?” At ako'y sumagot, “O Panginoong Diyos; ikaw ang nakakaalam.”
4Muling sinabi niya sa akin, “Magsalita ka ng propesiya sa mga butong ito, at sabihin mo sa kanila, O kayong mga tuyong buto, inyong pakinggan ang salita ng Panginoon.
5Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos sa mga butong ito: Aking papapasukin ang hininga#37:5 o espiritu. sa inyo, at kayo'y mabubuhay.
6Lalagyan ko kayo ng mga litid, babalutin ko kayo ng laman, tatakpan ko kayo ng balat, lalagyan ko kayo ng hininga, at kayo'y mabubuhay; at inyong malalaman na ako ang Panginoon.”
7Sa gayo'y nagsalita ako ng propesiya gaya ng iniutos sa akin. Habang ako'y nagsasalita ng propesiya, biglang nagkaroon ng ingay, at narito, isang lagutukan. Ang mga buto ay nagkalapit, buto sa buto nito.
8Habang ako'y nakatingin, narito, may mga litid sa mga iyon, at ang laman ay lumitaw sa mga iyon at ang balat ay tumakip sa mga iyon sa ibabaw; ngunit walang hininga sa mga iyon.
9Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, magsalita ka ng propesiya sa hininga at sabihin mo sa hininga, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Manggaling ka sa apat na hangin, O hininga, at hingahan mo ang mga patay na ito, upang sila'y mabuhay.”
10Sa#Apoc. 11:11 gayo'y nagsalita ako ng propesiya gaya ng iniutos niya sa akin, at ang hininga ay pumasok sa kanila, at sila'y nabuhay at tumayo sa kanilang mga paa, na isang napakalaking hukbo.
11Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, ang mga butong ito ay ang buong sambahayan ni Israel. Narito, kanilang sinasabi, ‘Ang ating mga buto ay natuyo, at ang ating pag-asa ay nawala; tayo'y lubos na nahiwalay.’
12Kaya't magsalita ka ng propesiya, at sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Narito, aking bubuksan ang inyong mga libingan, at aking pasasampahin kayo mula sa inyong mga libingan, O bayan ko; at aking pauuwiin kayo sa lupain ng Israel.
13Inyong malalaman na ako ang Panginoon, kapag aking binuksan ang inyong mga libingan, at aking pasasampahin kayo mula sa inyong mga libingan, O bayan ko.
14At aking ilalagay ang aking Espiritu sa inyo, at kayo'y mabubuhay, at aking ilalagay kayo sa inyong sariling lupain, at inyong malalaman na akong Panginoon ang nagsalita, at nagsagawa, sabi ng Panginoon.”
Ang Pahayag tungkol sa Pagkakaisa
15Ang salita ng Panginoon ay dumating uli sa akin, na sinasabi,
16“At ikaw, anak ng tao, kumuha ka ng isang tungkod at sulatan mo sa ibabaw, ‘Sa Juda at sa mga anak ni Israel na kanyang mga kasama;’ saka kumuha ka ng ibang tungkod, at iyong sulatan: ‘Sa Jose, (na siyang tungkod ng Efraim), at sa buong sambahayan ni Israel na kanyang mga kasama.’
17Iyong pagdugtungin para sa iyong sarili upang maging isang tungkod, upang sila'y maging isa sa iyong kamay.
18At kapag sinabi sa iyo ng iyong mga kababayan, ‘Hindi mo ba ipapaalam sa amin kung ano ang kahulugan ng mga ito?’
19Sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Narito, aking kukunin ang tungkod ni Jose, (na nasa kamay ni Efraim), at ang mga lipi ng Israel na kanyang mga kasama. Akin silang isasama sa tungkod ng Juda at gagawin ko silang isang tungkod, upang sila'y magiging isa sa aking kamay.
20Ang mga tungkod na iyong sinusulatan ay nasa iyong mga kamay sa harapan ng kanilang mga mata,
21at sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Narito, aking kukunin ang mga anak ni Israel mula sa mga bansa na kanilang pinaroonan, at titipunin ko sila sa lahat ng dako, at dadalhin ko sila sa kanilang sariling lupain.
22Gagawin ko silang isang bansa sa lupain, sa mga bundok ng Israel; at isang hari ang maghahari sa kanilang lahat. Hindi na sila magiging dalawang bansa, at hindi na mahahati pa sa dalawang kaharian.
23Hindi na nila durungisan ang kanilang sarili ng mga diyus-diyosan at ng mga kasuklamsuklam na bagay, o ng anuman sa kanilang mga pagsuway, kundi aking ililigtas sila sa lahat ng pagtalikod na kanilang ipinagkasala at lilinisin ko sila. Sa gayo'y magiging bayan ko sila, at ako'y magiging kanilang Diyos.
Si David ang Magiging Kanilang Hari
24“At#Ez. 34:24 ang aking lingkod na si David ay magiging hari nila; at sila'y magkakaroon ng isang pastol. Susundin nila ang aking mga batas at magiging maingat sa pagtupad sa aking mga tuntunin.
25Sila'y maninirahan sa lupain na tinirahan ng inyong mga ninuno na aking ibinigay kay Jacob na aking lingkod. Sila at ang kanilang mga anak, at ang mga anak ng kanilang mga anak, ay tatahan doon magpakailanman. Si David na aking lingkod ay magiging kanilang pinuno magpakailanman.
26Makikipagtipan ako ng kapayapaan sa kanila, ito'y magiging tipan na walang hanggan sa kanila. Sila'y aking pagpapalain at pararamihin at ilalagay ko ang aking santuwaryo sa gitna nila magpakailanman.
27Ang#2 Cor. 6:16; Apoc. 21:3 aking tirahang dako ay magiging kasama nila; at ako'y magiging kanilang Diyos, at sila'y magiging aking bayan.
28At malalaman ng mga bansa na ako ang Panginoon na nagpapabanal sa Israel, kapag ang aking santuwaryo ay nasa gitna nila magpakailanman.”
Kasalukuyang Napili:
EZEKIEL 37: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001