Ang salita ng PANGINOON ay dumating sa akin, na sinasabi,
“Anak ng tao, noong naninirahan ang sambahayan ni Israel sa kanilang sariling lupain, kanilang dinungisan ito ng kanilang lakad at mga gawa. Ang kanilang kilos sa harapan ko ay naging parang karumihan ng babae sa kanyang kapanahunan.
Kaya't aking ibinuhos ang aking poot sa kanila dahil sa dugo na kanilang pinadanak sa lupain, at dahil sa paglapastangan nila dito sa pamamagitan ng kanilang mga diyus-diyosan.
Aking ikinalat sila sa mga bansa, at sila'y nagkawatak-watak sa mga lupain; ayon sa kanilang lakad at ayon sa kanilang mga kilos ay hinatulan ko sila.
Ngunit nang sila'y dumating sa mga bansa, saanman sila dumating, kanilang nilapastangan ang aking banal na pangalan sa pagsasabi ng mga tao tungkol sa kanila, ‘Ang mga ito ang bayan ng PANGINOON ngunit kailangan nilang lumabas sa kanyang lupain.’
Ngunit isinaalang-alang ko ang aking banal na pangalan, na nilapastangan ng sambahayan ni Israel sa mga bansa na kanilang pinuntahan.
Kaya't sabihin mo sa sambahayan ni Israel, Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Hindi ito alang-alang sa inyo, O sambahayan ni Israel, na malapit na akong kumilos, kundi alang-alang sa aking banal na pangalan na inyong nilapastangan sa mga bansa na inyong pinuntahan.
Aking pawawalang-sala ang aking dakilang pangalan na nilapastangan sa mga bansa, na inyong nilapastangan sa gitna nila. Malalaman ng mga bansa na ako ang PANGINOON, sabi ng Panginoong DIYOS, kapag sa pamamagitan ninyo ay pinawalang-sala ang aking kabanalan sa harap ng kanilang mga mata.
Sapagkat aking kukunin kayo sa mga bansa, at titipunin ko kayo mula sa lahat ng lupain, at dadalhin ko kayo sa inyong sariling lupain.
Ako'y magwiwisik ng malinis na tubig sa inyo; kayo'y magiging malinis sa lahat ninyong karumihan, at lilinisin ko kayo sa lahat ninyong mga diyus-diyosan.
Bibigyan ko kayo ng bagong puso, at lalagyan ko kayo ng bagong espiritu sa loob ninyo. Aking aalisin ang batong puso sa inyong laman, at aking bibigyan kayo ng pusong laman.
Aking ilalagay ang aking Espiritu sa loob ninyo, at palalakarin ko kayo nang ayon sa aking mga tuntunin, at magiging maingat kayo sa pagsunod sa aking mga batas.
Kayo'y maninirahan sa lupaing ibinigay ko sa inyong mga ninuno. Kayo'y magiging aking bayan at ako'y magiging inyong Diyos.
Lilinisin ko kayo sa lahat ninyong karumihan. Aking patutubuin ang trigo at aking pararamihin, at hindi na ako magpaparating ng taggutom sa inyo.
Aking pararamihin ang bunga ng punungkahoy at ang ani sa bukid, upang hindi na kayo muling magdanas ng kahihiyan ng taggutom sa mga bansa.
Kung magkagayo'y inyong maaalala ang inyong masasamang lakad, at ang inyong mga gawa na hindi mabuti. Kayo'y masusuklam sa inyong sarili dahil sa inyong mga kasamaan at mga karumaldumal na gawa.
Hindi alang-alang sa inyo na ako'y kikilos, sabi ng Panginoong DIYOS; alamin ninyo iyon. Kayo'y mahiya at malito dahil sa inyong mga lakad, O sambahayan ni Israel.
“Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Sa araw na aking linisin kayo sa lahat ninyong kasalanan, aking patitirahan ang mga bayan, at ang mga gibang dako ay muling matatayo.
Ang lupain na naging sira ay mabubungkal, sa halip na sira sa paningin ng lahat nang nagdaraan.
At kanilang sasabihin, ‘Ang lupaing ito na naging sira ay naging gaya ng halamanan ng Eden; at ang sira, giba at wasak na mga bayan ay tinatahanan na ngayon at may pader.’
Kung magkagayo'y malalaman ng mga bansa na nalabi sa palibot ninyo na akong PANGINOON ay nagtayo ng mga guhong dako, at tinamnan ko ang dakong sira; akong PANGINOON ang nagsalita, at aking gagawin.
Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Bukod pa dito'y hahayaan ko ang sambahayan ni Israel na humiling sa akin upang gawin ito sa kanila: paramihin ang kanilang mga tao na parang kawan.
Tulad ng kawan para sa paghahandog, tulad ng kawan ng Jerusalem sa kanilang mga takdang kapistahan, gayon mapupuno ang mga gibang bayan ng mga kawan ng mga tao. At kanilang malalaman na ako ang PANGINOON.”