EZEKIEL 30
30
Ang Magiging Wakas ng Ehipto
1Ang salita ng Panginoon ay dumating uli sa akin, na sinasabi,
2“Anak ng tao, magpahayag ka ng propesiya at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:
“Managhoy kayo, ‘Kahabag-habag ang araw na iyon!’
3Sapagkat ang araw ay malapit na,
ang araw ng Panginoon ay malapit na;
magiging araw iyon ng mga ulap,
panahon ng kapahamakan para sa mga bansa.
4Ang isang tabak ay darating sa Ehipto,
at ang kahirapan ay darating sa Etiopia,
kapag ang mga patay ay nabubuwal sa Ehipto;
at dinadala nila ang kanyang kayamanan,
at ang kanyang mga pundasyon ay winawasak.
5Ang Etiopia, Put, Lud, buong Arabia, Libya, at ang mga anak ng lupain na magkakasundo, ay mabubuwal na kasama nila sa pamamagitan ng tabak.
6“Ganito ang sabi ng Panginoon:
Ang mga tumutulong sa Ehipto ay mabubuwal,
at ang kanyang palalong kapangyarihan ay bababa;
mula sa Migdol hanggang sa Syene
mabubuwal sila roon sa pamamagitan ng tabak,
sabi ng Panginoong Diyos.
7At sila'y mawawasak sa gitna ng mga lupaing wasak;
at ang kanyang mga lunsod ay malalagay sa gitna ng mga lunsod na giba.
8At kanilang malalaman na ako ang Panginoon,
kapag ako'y nagpaningas ng apoy sa Ehipto,
at ang lahat ng kanyang mga katulong ay nalipol.
9“Sa araw na iyon ay lalabas ang mabibilis na mga sugo mula sa harapan ko upang takutin ang hindi naghihinalang mga taga-Etiopia; at magkakaroon ng kahirapan sa kanila sa araw ng kapahamakan ng Ehipto; sapagkat narito, ito'y dumarating!
10“Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:
Akin namang wawakasan ang karamihan ng Ehipto,
sa pamamagitan ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia.
11Siya at ang kanyang bayang kasama niya, na kakilakilabot sa mga bansa,
ay ipapasok upang gibain ang lupain;
at kanilang bubunutin ang kanilang mga tabak laban sa Ehipto,
at pupunuin ng mga patay ang lupain.
12At aking tutuyuin ang Nilo,
at aking ipagbibili ang lupain sa kamay ng masasamang tao;
at aking sisirain ang lupain at lahat ng naroon,
sa pamamagitan ng kamay ng mga dayuhan;
akong Panginoon ang nagsalita.
13“Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:
Aking wawasakin ang mga diyus-diyosan,
at aking wawakasan ang mga larawan sa Memfis;
at hindi na magkakaroon pa ng pinuno sa lupain ng Ehipto;
at ako'y maglalagay ng takot sa lupain ng Ehipto.
14Aking sisirain ang Patros,
at ako'y magsusunog sa Zoan,
at maglalapat ako ng mga hatol sa Tebes.
15Aking ibubuhos ang aking poot sa Sin,
na tanggulan ng Ehipto,
at aking ititiwalag ang karamihan ng Tebes.
16At ako'y magpapaningas ng apoy sa Ehipto;
ang Sin ay malalagay sa malaking kadalamhatian;
at ang Tebes ay mabubutas,
at ang Memfis ay magkakaroon ng mga kahirapan sa araw-araw.
17Ang mga binata ng On at Pi-beseth ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak;
at ang mga babae ay tutungo sa pagkabihag.
18Sa Tafnes nama'y magdidilim ang araw,
kapag aking binasag doon ang mga pamatok ng Ehipto,
at ang kanyang palalong kapangyarihan ay magwawakas;
tatakpan siya ng ulap,
at ang kanyang mga anak na babae ay tutungo sa pagkabihag.
19Ganito ko ilalapat ang mga kahatulan sa Ehipto.
Kanilang malalaman na ako ang Panginoon.”
20Nang ikapitong araw ng unang buwan ng ikalabing-isang taon, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
21“Anak ng tao, aking binali ang bisig ni Faraon na hari ng Ehipto; at narito, hindi ito natalian, upang pagalingin ito, ni binalot ng tapal, upang ito ay maging malakas para humawak ng tabak.
22Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ako'y laban kay Faraon na hari ng Ehipto, at aking babaliin ang kanyang mga bisig, ang malakas na bisig at ang nabali; at aking pababagsakin ang tabak mula sa kanyang kamay.
23Aking pangangalatin ang mga Ehipcio sa gitna ng mga bansa, at pagwawatak-watakin ko sila sa mga lupain.
24Aking palalakasin ang mga bisig ng hari ng Babilonia, at ilalagay ko ang aking tabak sa kanyang kamay; ngunit aking babaliin ang mga bisig ni Faraon, at siya'y dadaing sa harap niya tulad ng taong nasugatan nang malubha.
25Aking palalakasin ang mga bisig ng hari ng Babilonia, ngunit ang mga bisig ni Faraon ay babagsak, at kanilang malalaman na ako ang Panginoon. Kapag aking inilagay ang aking tabak sa kamay ng hari ng Babilonia, kanyang iuunat ito sa lupain ng Ehipto.
26At aking pangangalatin ang mga Ehipcio sa gitna ng mga bansa at pagwawatak-watakin sila sa mga lupain. Kanilang malalaman na ako ang Panginoon.”
Kasalukuyang Napili:
EZEKIEL 30: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001