Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

EZEKIEL 3

3
1Sinabi#Apoc. 10:9, 10 niya sa akin, “Anak ng tao, kainin mo ang iyong natagpuan. Kainin mo ang balumbong ito, at ikaw ay humayo, magsalita ka sa sambahayan ni Israel.”
2Kaya't ibinuka ko ang aking bibig at ipinakain niya sa akin ang balumbon.
3Sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, kainin mo ito at busugin mo ang iyong tiyan.” Kaya't kinain ko iyon at sa aking bibig ay naging parang pulot sa tamis.
4At sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, humayo ka, pumunta ka sa sambahayan ni Israel, at magsalita ka ng aking mga salita sa kanila.
5Sapagkat ikaw ay hindi isinugo sa isang bayan na may ibang wika at may mahirap na salita, kundi sa sambahayan ni Israel—
6hindi sa maraming bayan na may ibang wika at may mahirap na salita, na ang mga salita ay hindi mo mauunawaan. Tunay na kung suguin kita sa mga iyon, papakinggan ka nila.
7Ngunit hindi ka papakinggan ng sambahayan ni Israel; sapagkat ayaw nila akong pakinggan: sapagkat ang buong sambahayan ni Israel ay may matigas na noo at may mapagmatigas na puso.
8Narito, aking pinapagmatigas ang iyong mukha laban sa kanilang mga mukha, at ang iyong noo laban sa kanilang mga noo.
9Ginawa kong batong matigas kaysa batong kiskisan ang iyong ulo. Huwag mo silang katakutan o manghina man sa kanilang paningin, sapagkat sila'y isang mapaghimagsik na sambahayan.”
10Bukod dito'y sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, lahat ng aking mga salita na aking sasabihin sa iyo ay tanggapin mo sa iyong puso, at pakinggan mo ng iyong mga pandinig.
11Humayo ka, pumaroon ka sa mga bihag, sa iyong mga mamamayan at sabihin mo sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos’; pakinggan man nila o hindi.”
12Nang magkagayo'y itinaas ako ng Espiritu, aking narinig sa likuran ko ang tunog ng malakas na ugong na sinasabi, Purihin ang kaluwalhatian ng Panginoon mula sa kanyang dako.
13At aking narinig ang pagaspas ng mga pakpak ng mga nilalang na may buhay habang sila'y magkakadikit, at ang tunog ng mga gulong sa tabi nila, na ang tunog ay parang malakas na ugong.
14Itinaas ako ng Espiritu at ako'y dinala palayo; ako'y humayong nagdaramdam na nag-iinit ang aking diwa, at ang kamay ng Panginoon ay naging malakas sa akin.
15At ako'y dumating sa mga bihag sa Tel-abib, na naninirahan sa pampang ng Ilog Chebar. Ako'y umupo roon na natitigilan sa gitna nila ng pitong araw.
Ang Bantay ng Israel
(Ez. 33:1-9)
16Sa katapusan ng pitong araw, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin,
17“Anak ng tao, ginawa kitang bantay sa sambahayan ni Israel. Tuwing makakarinig ka ng salita mula sa aking bibig, bigyan mo sila ng babala mula sa akin.
18Kapag aking sinabi sa masama, ‘Ikaw ay tiyak na mamamatay,’ at hindi mo siya binigyan ng babala o nagsalita ka man upang bigyan ng babala ang masama mula sa kanyang masamang landas, upang iligtas ang kanyang buhay, ang gayong masamang tao ay mamamatay sa kanyang kasamaan; ngunit ang kanyang dugo ay aking sisingilin sa iyong kamay.
19Gayunman, kung iyong balaan ang masama at siya'y hindi tumalikod sa kanyang kasamaan, o sa kanyang masamang lakad man, siya'y mamamatay sa kanyang kasamaan; ngunit iniligtas mo ang iyong buhay.
20Muli, kapag ang isang taong matuwid ay lumilihis sa kanyang katuwiran at gumawa ng kasamaan, at ako'y naglagay ng katitisuran sa harap niya, siya'y mamamatay. Sapagkat hindi mo siya binalaan, siya'y mamamatay sa kanyang kasalanan, at ang matutuwid na gawa na kanyang ginawa ay hindi aalalahanin; ngunit ang kanyang dugo ay aking sisingilin sa iyong kamay.
21Subalit kung iyong binalaan ang taong matuwid na huwag magkasala, at siya'y hindi nagkakasala, siya'y tiyak na mabubuhay, sapagkat tinanggap niya ang babala at iyong iniligtas ang iyong buhay.”
Ginawang Pipi ang Propeta
22At ang kamay ng Panginoon ay sumaakin doon at sinabi niya sa akin, “Bumangon ka, lumabas ka sa kapatagan at doo'y makikipag-usap ako sa iyo.”
23Nang magkagayo'y bumangon ako at lumabas sa kapatagan. At narito, ang kaluwalhatian ng Panginoon ay naroon gaya ng kaluwalhatian na aking nakita sa pampang ng Ilog Chebar, at ako'y napasubasob.
24At pumasok sa akin ang Espiritu, at itinayo ako sa aking mga paa. Siya'y nakipag-usap sa akin, at nagsabi sa akin, “Umalis ka, magkulong ka sa loob ng iyong bahay.
25Ngunit ikaw, anak ng tao, lalagyan ka ng mga lubid at igagapos kang kasama nila upang ikaw ay hindi makalabas sa gitna nila.
26Aking padidikitin ang iyong dila sa ngalangala ng iyong bibig, upang ikaw ay mapipi, at hindi maging taong sumasaway sa kanila, sapagkat sila'y isang mapaghimagsik na sambahayan.
27Ngunit kapag ako'y nagsalita sa iyo, aking ibubuka ang iyong bibig, at iyong sasabihin sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos’; siyang makikinig ay makinig; at ang tatanggi ay tumanggi; sapagkat sila'y isang mapaghimagsik na sambahayan.

Kasalukuyang Napili:

EZEKIEL 3: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in