Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

EZEKIEL 20

20
Ang Kalooban ng Diyos ay Sinuway ng Tao
1Nang ikasampung araw ng ikalimang buwan ng ikapitong taon, ang ilan sa matatanda ng Israel ay dumating upang sumangguni sa Panginoon. Sila'y umupo sa harapan ko.
2At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
3“Anak ng tao, magsalita ka sa matatanda ng Israel, at sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Kayo ba'y pumarito upang sumangguni sa akin? Habang ako'y nabubuhay, sabi ng Panginoong Diyos, hindi kayo makakasangguni sa akin.
4Hahatulan mo ba sila, anak ng tao, hahatulan mo ba sila? Ipaalam mo sa kanila ang mga kasuklamsuklam na gawa ng kanilang mga ninuno,
5at#Exo. 6:2-8 sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Nang araw na aking piliin ang Israel, sumumpa ako sa binhi ng sambahayan ni Jacob, at nagpakilala ako sa kanila sa lupain ng Ehipto, sumumpa ako sa kanila na sinasabi: Ako ang Panginoon ninyong Diyos.
6Nang araw na iyon ay sumumpa ako sa kanila na ilalabas ko sila sa lupain ng Ehipto, sa lupain na aking hinanap para sa kanila, lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot, na siyang pinakamaluwalhati sa lahat ng lupain.
7Sinabi ko sa kanila, Itakuwil ninyo ang mga bagay na kasuklamsuklam na ninanasa ng inyong mga mata, bawat isa sa inyo, at huwag ninyong dungisan ang inyong sarili sa mga diyus-diyosan ng Ehipto; ako ang Panginoon ninyong Diyos.
8Ngunit sila'y naghimagsik laban sa akin at hindi nakinig sa akin; hindi itinakuwil ng bawat isa sa kanila ang mga kasuklamsuklam na bagay na ninanasa ng kanilang mga mata, o tinalikuran man nila ang mga diyus-diyosan sa Ehipto.
“At inisip kong ibuhos sa kanila ang aking poot, at ubusin ko ang aking galit laban sa kanila, sa gitna ng lupain ng Ehipto.
9Ngunit ako'y kumilos alang-alang sa aking pangalan upang ito'y huwag malapastangan sa paningin ng mga bansa na kinaroroonan nila, na sa mga paningin nila ay nagpakilala ako sa kanila, sa paglalabas ko sa kanila sa lupain ng Ehipto.
10Sa gayo'y inilabas ko sila mula sa lupain ng Ehipto, at dinala ko sila sa ilang.
11At#Lev. 18:5 ibinigay ko sa kanila ang aking mga tuntunin, at itinuro ko sa kanila ang aking mga batas, na kung sundin ng tao, ay mabubuhay.
12Bukod#Exo. 31:13-17 dito'y ibinigay ko rin naman sa kanila ang aking mga Sabbath, bilang isang tanda sa pagitan ko at nila, upang kanilang malaman na ako ang Panginoon na nagpapabanal sa kanila.
13Ngunit ang sambahayan ng Israel ay naghimagsik laban sa akin sa ilang. Sila'y hindi lumakad ng ayon sa aking mga tuntunin, kundi kanilang itinakuwil ang aking mga batas, na kung sundin ay mabubuhay ang bawat isa; at ang aking mga Sabbath ay kanilang lubhang nilapastangan.
“At inisip kong ibuhos ang aking poot sa kanila sa ilang, upang ganap silang malipol.
14Ngunit ako'y kumilos alang-alang sa aking pangalan, upang ito'y huwag malapastangan sa paningin ng mga bansa, na sa paningin ng mga iyon ay aking inilabas sila.
15Bukod#Bil. 14:26-35 dito'y sumumpa ako sa kanila sa ilang na hindi ko sila dadalhin sa lupaing ibinigay ko sa kanila, lupaing binubukalan ng gatas at pulot, na siyang pinakamaluwalhati sa lahat ng lupain;
16sapagkat kanilang itinakuwil ang aking mga batas, at hindi lumakad sa aking mga tuntunin, at nilapastangan ang aking mga Sabbath; sapagkat ang kanilang puso ay nagsisunod sa kanilang mga diyus-diyosan.
17Gayunma'y iniligtas sila ng aking mga mata at hindi ko sila nilipol, o ginawan man sila ng lubos na katapusan sa ilang.
18“At sinabi ko sa kanilang mga anak sa ilang, Huwag kayong lumakad sa mga tuntunin ng inyong mga ninuno, o sundin man ang kanilang mga batas, o dungisan man ang inyong sarili sa kanilang mga diyus-diyosan.
19Ako ang Panginoon na inyong Diyos: Lumakad kayo sa aking mga tuntunin, at maging maingat kayo sa pagsunod sa aking mga batas.
20Inyong ingatang banal ang aking mga Sabbath upang ang mga iyon ay maging tanda sa pagitan ko at ninyo, upang inyong malaman na akong Panginoon ang inyong Diyos.
21Ngunit ang mga anak ay naghimagsik laban sa akin; sila'y hindi lumakad sa aking mga tuntunin, at hindi naging maingat na isagawa ang aking mga batas, na kung gawin ng tao ay mabubuhay; kanilang nilapastangan ang aking mga Sabbath.
“Nang magkagayo'y inisip kong ibubuhos ang aking poot sa kanila at ubusin ang aking galit laban sa kanila sa ilang.
22Gayunma'y iniurong ko ang aking kamay, kumilos ako alang-alang sa aking pangalan, upang huwag itong malapastangan sa paningin ng mga bansa, na sa paningin ng mga iyon ay inilabas ko sila.
23Bukod#Lev. 26:33 dito'y isinumpa ko sa kanila sa ilang na pangangalatin ko sila sa gitna ng mga bansa, at pagwawatak-watakin sila sa mga lupain,
24sapagkat hindi nila ginawa ang aking mga batas, kundi itinakuwil ang aking mga tuntunin, at nilapastangan ang aking mga Sabbath, at ang kanilang mga mata'y nakatuon sa mga diyus-diyosan ng kanilang mga ninuno.
25Bukod dito'y binigyan ko sila ng mga tuntunin na hindi mabuti, at ng mga batas na hindi nagbibigay ng buhay.
26Dinungisan ko sila sa pamamagitan ng kanilang sariling mga kaloob, sa pamamagitan ng kanilang paghahandog sa apoy ng lahat ng kanilang mga panganay, upang aking takutin sila. Ginawa ko iyon upang kanilang malaman na ako ang Panginoon.
27“Kaya't, anak ng tao, magsalita ka sa sambahayan ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sa ganito'y muling nilapastangan ako ng inyong mga ninuno, sa pamamagitan ng kanilang pagtataksil laban sa akin.
28Sapagkat nang madala ko sila sa lupain na aking ipinangakong ibibigay sa kanila, saanman sila makakita ng alinmang mataas na burol o anumang mayayabong na punungkahoy, inialay nila roon ang kanilang mga handog, at doo'y kanilang iniharap ang nakakagalit nilang handog. Nagsuob rin sila roon ng kanilang pabango, at ibinuhos nila roon ang kanilang mga inuming handog.
29(Nang magkagayo'y sinabi ko sa kanila, Ano ang mataas na dako na inyong pinuntahan? Sa gayo'y ang pangalan niyon ay tinawag na Bama hanggang sa araw na ito.)
30Kaya't sabihin mo sa sambahayan ni Israel, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Durungisan ba ninyo ang inyong sarili ng ayon sa paraan ng inyong mga ninuno at kayo'y maliligaw sa kanilang mga kasuklamsuklam na bagay?
31Kapag inyong inihahandog ang inyong mga kaloob, at iniaalay sa apoy ang inyong mga anak, nagpapakarumi kayo sa lahat ng inyong diyus-diyosan hanggang sa araw na ito. At ako ba'y sasangguniin ninyo, O sambahayan ng Israel? Habang ako'y nabubuhay, sabi ng Panginoong Diyos, hindi ninyo ako masasangguni.
32“Ang nasa inyong isipan ay hindi kailanman mangyayari, ang isipang, ‘Hayaan ninyo kaming maging gaya ng mga bansa, na gaya ng mga angkan ng mga lupain at sumamba sa kahoy at bato.’
Ang Parusa at ang Pagpapatawad ng Diyos
33“Habang buháy ako, sabi ng Panginoong Diyos, tiyak na sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay at ng unat na bisig, at ng poot na ibinubuhos, ay maghahari ako sa inyo.
34Ilalabas ko kayo na mula sa mga bayan, at titipunin ko kayo mula sa mga lupain na inyong pinangalatan, sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay, ng unat na bisig, at ng poot na ibinubuhos.
35Dadalhin ko kayo sa ilang ng mga bayan, at doo'y hahatulan ko kayo nang harapan.
36Kung paanong aking hinatulan ang inyong mga ninuno sa ilang ng lupain ng Ehipto, gayon ko kayo hahatulan, sabi ng Panginoong Diyos.
37Pararaanin ko kayo sa ilalim ng tungkod, at dadalhin ko kayo sa pakikipagkasundo sa tipan.
38Aking lilinisin sa gitna ninyo ang mga mapaghimagsik, at ang mga sumusuway sa akin. Ilalabas ko sila sa lupaing kanilang pinamamayanan, ngunit hindi sila papasok sa lupain ng Israel. Inyong malalaman na ako ang Panginoon.
39“Tungkol sa inyo, O sambahayan ni Israel, ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Umalis kayo, at paglingkuran ng bawat isa ang kanyang mga diyus-diyosan, ngayon at sa haharapin man, kung hindi ninyo ako diringgin. Ngunit ang aking banal na pangalan ay hindi na ninyo lalapastanganin sa pamamagitan ng inyong mga kaloob, at ng inyong mga diyus-diyosan.
40“Sapagkat sa aking banal na bundok, sa bundok na kaitaasan ng Israel, sabi ng Panginoong Diyos, doon ako paglilingkuran nilang lahat sa lupain ng buong sambahayan ni Israel. Doo'y tatanggapin ko sila, at doon ko hihingin ang inyong mga handog, at ang mga pinakamabuti sa inyong mga kaloob, at ng lahat ninyong banal na handog.
41Bilang mabangong amoy ay tatanggapin ko kayo, kapag kayo'y aking naihiwalay sa mga bayan, at natipon ko kayo mula sa mga lupain na inyong pinangalatan. At aking ipapakita ang aking kabanalan sa inyo, sa paningin ng mga bansa.
42At inyong malalaman na ako ang Panginoon, kapag kayo'y aking ipinasok sa lupain ng Israel, sa lupain na aking ipinangakong ibibigay sa inyong mga ninuno.
43Doo'y maaalala ninyo ang inyong mga lakad, at lahat ng inyong mga gawa na idinungis ninyo sa inyong sarili. At inyong kamumuhian ang inyong sarili nang dahil sa lahat ng kasamaang inyong ginawa.
44Inyong malalaman na ako ang Panginoon, kapag ako'y nakitungo sa inyo alang-alang sa aking pangalan, hindi ayon sa inyong masasamang lakad, o ayon sa inyong masasamang gawa man, O sambahayan ni Israel, sabi ng Panginoong Diyos.”
Ang Pahayag Laban sa Timog
45At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
46“Anak ng tao, humarap ka sa dakong timog, mangaral ka laban sa dakong timog, at magsalita ka ng propesiya laban sa gubat sa Negeb.
47Narito, sabihin mo sa gubat ng Negeb, Iyong pakinggan ang salita ng Panginoon: Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos, Aking pagniningasin ang isang apoy sa iyo, at tutupukin nito ang bawat sariwang punungkahoy sa iyo, at ang bawat tuyong punungkahoy. Ang nag-aalab na apoy ay hindi mapapatay, at ang lahat ng mukha mula sa timog hanggang sa hilaga ay susunugin nito.
48At malalaman ng lahat ng laman na akong Panginoon ang nagpaningas niyon; at hindi iyon mapapatay.”
49Nang magkagayo'y sinabi ko: “Panginoong Diyos! Sinasabi nila sa akin, ‘Hindi ba siya'y mangkakatha ng mga talinghaga?’”

Kasalukuyang Napili:

EZEKIEL 20: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in