EXODO 9
9
Ang Pagkakapeste ng mga Baka
1Pagkatapos ay sinabi ng Panginoon kay Moises, “Puntahan mo ang Faraon at sabihin mo sa kanya, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng mga Hebreo: Payagan mong umalis ang aking bayan upang sila'y makasamba sa akin.
2Sapagkat kung tatanggihan mong paalisin sila, at sila'y pipigilin mo pa,
3ang kamay ng Panginoon ay magbibigay ng matinding salot sa iyong hayop na nasa parang, sa mga kabayo, mga asno, mga kamelyo, mga baka, at sa mga kawan.
4Ngunit gagawa ang Panginoon ng pagkakaiba sa mga hayop ng Israel at sa mga hayop ng Ehipto, upang walang mamatay sa lahat ng nauukol sa mga anak ni Israel.’”
5Ang Panginoon ay nagtakda ng panahon na sinasabi, “Bukas ay gagawin ng Panginoon ang bagay na ito sa lupain.”
6Kinabukasan ay ginawa ng Panginoon ang bagay na iyon. Ang lahat ng hayop sa Ehipto ay namatay ngunit sa hayop ng mga anak ni Israel ay walang namatay kahit isa.
7Ang Faraon ay nagsugo, at walang namatay kahit isa sa kawan ng mga Israelita. Ngunit ang puso ni Faraon ay nagmatigas, at hindi niya pinayagang umalis ang taong-bayan.
Ang Salot na Pigsa
8Sinabi ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, “Dumakot kayo ng isang dakot na abo sa hurno, at isaboy ito ni Moises sa himpapawid sa paningin ni Faraon.
9Ito'y magiging pinong alabok sa buong lupain ng Ehipto, at magiging pigsang susugat sa tao, at sa hayop sa buong lupain ng Ehipto.”
10Kaya't#Apoc. 16:2 sila'y kumuha ng abo sa hurno, at tumayo sa harap ni Faraon. Isinaboy ito ni Moises sa himpapawid at naging pigsang sumusugat sa tao at sa hayop.
11Ang mga salamangkero ay hindi makatayo sa harap ni Moises dahil sa mga pigsa; sapagkat nagkapigsa ang mga salamangkero at ang lahat ng mga Ehipcio.
12Ngunit pinatigas ng Panginoon ang puso ng Faraon at hindi niya dininig sila gaya ng sinabi ng Panginoon kay Moises.
13Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bumangon kang maaga sa kinaumagahan, at tumayo ka sa harap ng Faraon. Sabihin mo sa kanya, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng mga Hebreo: Payagan mong umalis ang aking bayan upang sila'y makasamba sa akin.
14Sapagkat ngayo'y ibubuhos ko na ang lahat ng aking salot sa iyo, sa iyong mga lingkod, at sa iyong bayan upang iyong malaman na walang tulad ko sa buong daigdig.
15Sapagkat ngayo'y maaari ko nang iunat ang aking kamay upang dalhan ka ng salot at ang iyong bayan, at nawala ka na sana sa lupa.
16Subalit#Ro. 9:17 dahil sa layuning ito ay binuhay kita, upang maipakita sa iyo ang aking kapangyarihan, at ang aking pangalan ay mahayag sa buong daigdig.
17Nagmamalaki ka pa ba laban sa aking bayan, at ayaw mo silang paalisin?
18Bukas, sa ganitong oras, ay magpapabagsak ako ng mabibigat na yelong ulan na kailanma'y hindi pa nangyari sa Ehipto mula nang araw na itatag ito hanggang ngayon.
19Ngayon nga'y magsugo ka, ipasilong mo ang iyong mga hayop at lahat ng iyong pag-aari sa parang; bawat tao at hayop na maabutan sa parang at hindi maisilong ay babagsakan ng yelong ulan at mamamatay.’”
20Ang bawat natakot sa salita ng Panginoon sa mga lingkod ni Faraon ay nagpauwi ng kanyang mga alipin at ng kanyang hayop sa mga bahay;
21ngunit ang nagwalang bahala sa salita ng Panginoon ay pinabayaan ang kanyang mga alipin at ang kanyang kawan sa parang.
Ang Mabibigat na Yelong Ulan
22Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Iunat mo ang iyong kamay paharap sa langit upang magkaroon ng yelong ulan sa buong lupain ng Ehipto na babagsak sa mga tao, sa mga hayop, at sa bawat mga halaman sa parang sa buong lupain ng Ehipto.”
23Kaya't iniunat ni Moises ang kanyang tungkod paharap sa langit, at ang Panginoon ay nagpadala ng kulog at yelong ulan, at may apoy na bumagsak sa lupa. At ang Panginoon ay nagpaulan ng yelo sa lupain ng Ehipto.
24Sa#Apoc. 8:7; 16:21 gayo'y nagkaroon ng yelong ulan at ng apoy na sumisiklab sa gitna ng yelong ulan, at ang gayong napakabigat na yelong ulan ay di nangyari kailanman sa buong lupain ng Ehipto mula nang maging bansa ito.
25Binagsakan ng yelong ulan ang buong lupain ng Ehipto, ang lahat na nasa parang, maging tao at maging hayop, pati ang lahat ng halaman sa parang, at binali ang lahat ng punungkahoy.
26Sa lupain lamang ng Goshen na kinaroroonan ng mga anak ni Israel hindi nagkaroon ng yelong ulan.
27Ang Faraon ay nagsugo at ipinatawag sina Moises at Aaron at sinabi sa kanila, “Ako'y nagkasala sa pagkakataong ito; ang Panginoon ay matuwid samantalang ako at ang aking bayan ay masama.
28Pakiusapan ninyo ang Panginoon, sapagkat nagkaroon na ng sapat na kulog at yelong ulan. Papayagan kong umalis na kayo at hindi na kayo mananatili pa.”
29Sinabi ni Moises sa kanya, “Pagkalabas ko sa lunsod, aking iuunat ang aking mga kamay sa Panginoon; ang mga kulog ay titigil, at hindi na magkakaroon pa ng yelong ulan upang iyong malaman na ang daigdig ay sa Panginoon.
30Ngunit tungkol sa iyo at sa iyong mga lingkod, alam ko na hindi pa kayo natatakot sa Panginoong Diyos.”
31Ang lino at ang sebada ay nasira sapagkat ang sebada ay nag-uuhay na at ang lino ay namumulaklak na.
32Subalit ang trigo at ang espelta ay hindi nasira sapagkat hindi pa tumutubo.
33Kaya't si Moises ay lumabas sa lunsod mula sa Faraon, at iniunat ang kanyang mga kamay sa Panginoon. Ang mga kulog at ang yelong ulan ay tumigil at ang ulan ay hindi na bumuhos sa lupa.
34Ngunit nang makita ng Faraon na ang ulan, ang yelong ulan at ang mga kulog ay tumigil, muli siyang nagkasala at nagmatigas ang kanyang puso, pati ang kanyang mga lingkod.
35Ang puso ng Faraon ay nagmatigas at hindi niya pinayagang umalis ang bayan ng Israel; gaya ng sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.
Kasalukuyang Napili:
EXODO 9: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001