Sinabi pa sa kanya ng PANGINOON, “Ipasok mo ang iyong kamay sa iyong dibdib.” Kanyang ipinasok ang kamay niya sa kanyang dibdib at nang kanyang ilabas, ang kanyang kamay ay ketongin, maputing parang niyebe.
Sinabi ng Diyos, “Ipasok mo uli ang iyong kamay sa iyong dibdib.” Kanyang muling ipinasok ang kamay niya sa kanyang dibdib at nang kanyang ilabas sa kanyang dibdib, nanumbalik ito gaya ng iba niyang laman.
“Kung sila'y hindi maniwala sa iyo, ni makinig sa unang tanda, kanilang paniniwalaan ang huling tanda.
Kung sila'y hindi maniwala sa dalawang tandang ito, ni hindi makinig sa iyo, kukuha ka ng tubig mula sa Nilo at iyong ibubuhos sa tuyong lupa. At ang tubig na iyong kukunin mula sa Nilo ay magiging dugo sa tuyong lupa.”
Ngunit sinabi ni Moises sa PANGINOON, “O Panginoon, ako'y hindi mahusay magsalita, mula pa noon o kahit na mula nang magsalita ka sa iyong lingkod; sapagkat ako'y makupad sa pananalita at umid ang dila.”
Sinabi sa kanya ng PANGINOON, “Sino bang gumawa ng bibig ng tao? O sinong gumagawa ng pipi, o bingi, o may paningin, o bulag sa tao? Hindi ba akong PANGINOON?
Kaya ngayon ay humayo ka, ako'y sasaiyong bibig at ituturo ko sa iyo kung ano ang iyong sasabihin.”
Ngunit kanyang sinabi, “O Panginoon, iba na ang iyong suguin.”
Ang galit ng PANGINOON ay nag-alab laban kay Moises at kanyang sinabi, “Wala ba si Aaron, ang kapatid mong Levita? Alam kong siya'y nakakapagsalitang mabuti. Siya'y dumarating upang salubungin ka. Pagkakita niya sa iyo ay matutuwa ang kanyang puso.
Ikaw ay magsasalita sa kanya at iyong ilalagay sa kanyang bibig ang mga salita; at ako'y sasaiyong bibig at sasakanyang bibig. Aking ituturo sa inyo kung ano ang inyong gagawin.
Siya ang magiging tagapagsalita mo sa mga tao; siya'y magiging bibig para sa iyo at ikaw ay magiging parang Diyos sa kanya.
Dadalhin mo sa iyong kamay ang tungkod na ito na gagamitin mo sa paggawa ng mga tanda.”
Si Moises ay bumalik kay Jetro na kanyang biyenan at nagsabi sa kanya, “Pahintulutan mo akong bumalik sa aking mga kapatid sa Ehipto at titingnan ko kung sila'y buháy pa.” Sinabi ni Jetro kay Moises, “Humayo kang payapa.”
Sinabi ng PANGINOON kay Moises sa Midian, “Humayo ka, bumalik ka sa Ehipto; sapagkat patay na ang lahat ng tao na nagtatangka sa iyong buhay.”
Kaya't isinama ni Moises ang kanyang asawa at ang kanyang mga anak; kanyang pinasakay sila sa isang asno at siya'y bumalik sa lupain ng Ehipto. Dinala ni Moises ang tungkod ng Diyos sa kanyang kamay.
Sinabi ng PANGINOON kay Moises, “Pagkabalik mo sa Ehipto, iyong gawin sa harap ng Faraon ang lahat ng kababalaghan na aking ipinagkatiwala sa iyong kamay. Ngunit aking papatigasin ang kanyang puso at hindi niya papayagang umalis ang bayan.
Iyong sasabihin sa Faraon, ‘Ganito ang sabi ng PANGINOON, ang Israel ang aking panganay na anak,
at aking sinasabi sa iyo, “Pahintulutan mong umalis ang aking anak upang siya'y makasamba sa akin.” Kung ayaw mo siyang paalisin, aking papatayin ang iyong anak na panganay.’”
Sa daan, sa isang lugar na pinagpalipasan nila ng gabi, sinalubong siya ng PANGINOON at tinangka siyang patayin.
Ngunit kumuha si Zifora ng isang batong matalim, pinutol ang balat sa ari ng kanyang anak na lalaki at ipinahid sa mga paa ni Moises. Kanyang sinabi, “Tunay na ikaw ay isang asawa sa dugo sa akin.”
Sa gayo'y kanyang binitiwan siya. Nang magkagayo'y kanyang sinabi, “Ikaw ay isang asawa sa dugo sa akin, sa pamamagitan ng pagtutuli.”
Sinabi ng PANGINOON kay Aaron, “Pumaroon ka sa ilang upang salubungin si Moises.” Siya'y pumaroon at kanyang nasalubong si Moises sa bundok ng Diyos, at kanyang hinagkan ito.
Isinalaysay ni Moises kay Aaron ang lahat ng salita ng PANGINOON na ipinagbilin sa kanya na sabihin, at ang lahat ng mga tandang ipinagbilin sa kanyang gawin.
Sina Moises at Aaron ay naparoon at tinipon ang lahat ng matatanda sa mga anak ni Israel.
Sinabi ni Aaron ang lahat ng salita na sinabi ng PANGINOON kay Moises at ginawa ang mga tanda sa harap ng taong-bayan.
Ang taong-bayan ay naniwala at nang kanilang marinig na dinalaw ng PANGINOON ang mga anak ni Israel at kanyang nakita ang kanilang paghihirap, sila'y yumukod at sumamba.