Sinabi ng PANGINOON kay Moises, “Humayo ka, umakyat ka mula rito, ikaw at ang bayan na iyong inilabas mula sa lupain ng Ehipto, patungo sa lupain na aking ipinangako kina Abraham, Isaac, at Jacob, na aking sinasabi, ‘Sa iyong mga anak at inapo ay aking ibibigay iyon!’
Magsusugo ako ng isang anghel sa unahan mo, at aking palalayasin ang mga Cananeo, mga Amoreo, mga Heteo, mga Perezeo, mga Heveo, at mga Jebuseo.
Pumunta ka sa isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot, ngunit hindi ako pupuntang kasama ninyo, baka ikaw ay lipulin ko sa daan, sapagkat ikaw ay isang bayang matigas ang ulo.”
Nang marinig ng taong-bayan ang masasamang balitang ito ay tumangis sila, at walang taong nagsuot ng kanyang mga palamuti.
Sapagkat sinabi ng PANGINOON kay Moises, “Sabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Kayo'y isang bayang matigas ang ulo; kung ako'y aakyat na kasama ninyo nang sandali, ay malilipol ko kayo. Kaya't ngayo'y alisin ninyo ang inyong mga palamuti upang aking malaman kung ano ang aking gagawin sa inyo.’”
Kaya't hinubad ng mga anak ni Israel ang kanilang mga palamuti, magmula sa bundok ng Horeb.
Kinaugalian na ni Moises na dalhin ang tolda at itayo sa labas ng kampo, na malayo sa kampo; kanyang tinawag iyon na toldang tipanan. At bawat maghanap sa PANGINOON ay lumalabas patungo sa toldang tipanan, na nasa labas ng kampo.
Kapag si Moises ay lumalabas patungo sa toldang tipanan, ang buong bayan ay tumatayo, bawat lalaki sa pintuan ng kanyang tolda at pinanonood si Moises hanggang sa makapasok siya sa tolda.
At kapag si Moises ay pumapasok sa tolda, bumababa ang haliging ulap at tumitigil sa pintuan ng tolda, at ang PANGINOON ay nakikipag-usap kay Moises.
Kapag nakikita ng buong bayan na ang haliging ulap ay tumitigil sa pintuan ng tolda, ang buong bayan ay tumitindig at sumasamba, bawat isa sa pintuan ng kanyang tolda.
Sa gayon nakikipag-usap ang PANGINOON kay Moises nang mukhaan, gaya ng pakikipag-usap ng isang tao sa kanyang kaibigan. Kapag siya'y bumabalik uli sa kampo, ang kanyang lingkod na si Josue, anak ni Nun, na may kabataan pa, ay hindi umaalis sa tolda.