Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

EXODO 3:14-22

EXODO 3:14-22 ABTAG01

Sinabi ng Diyos kay Moises, “AKO AY ANG AKO NGA.” At kanyang sinabi, “Ganito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Sinugo ako sa inyo ni AKO NGA.’” Sinabi pa ng Diyos kay Moises, “Ganito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Sinugo ako sa inyo ng PANGINOON, ang Diyos ng inyong mga ninuno, ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob.’ Ito ang aking pangalan magpakailanman at ito ang itatawag sa akin ng lahat ng mga lahi. Humayo ka at tipunin mo ang matatanda sa Israel at sabihin mo sa kanila, ‘Ang PANGINOON, ang Diyos ng inyong mga ninuno, ang Diyos nina Abraham, Isaac, at Jacob ay nagpakita sa akin, na nagsasabi, “Tunay na kayo'y aking dinalaw at aking nakita ang ginagawa sa inyo sa Ehipto. At aking sinabi, aking aalisin kayo sa kapighatian sa Ehipto at dadalhin ko kayo sa lupain ng Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Heveo, at ng Jebuseo, sa isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot.”’ Kanilang papakinggan ang iyong tinig. Ikaw at ang matatanda sa Israel ay pupunta sa hari ng Ehipto, at inyong sasabihin sa kanya, ‘Ang PANGINOON, ang Diyos ng mga Hebreo ay nakipagtagpo sa amin at ngayo'y pahintulutan mo kami na maglakbay ng tatlong araw sa ilang. Nais naming makapaghandog sa PANGINOON naming Diyos.’ Alam ko na hindi kayo papahintulutan ng hari ng Ehipto na umalis maliban sa pamamagitan ng isang makapangyarihang kamay. Kaya't aking iuunat ang aking kamay at sasaktan ko ang Ehipto sa pamamagitan ng lahat kong kababalaghan na aking gagawin sa gitna niyon at pagkatapos, papahintulutan niya kayong umalis. Pagkakalooban ko ang bayang ito ng biyaya sa paningin ng mga Ehipcio at sa pag-alis ninyo ay hindi kayo aalis na walang dala. Bawat babae ay hihingi sa kanyang kapwa at ang dayuhan sa kanyang bahay ng mga hiyas na pilak, mga hiyas na ginto at mga damit, at inyong ipapasuot sa inyong mga anak na lalaki at babae. Sa ganito ay inyong sasamsaman ang mga Ehipcio.”

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa EXODO 3:14-22

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya