Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

EXODO 20:18-26

EXODO 20:18-26 ABTAG01

Nang masaksihan ng buong bayan ang mga kulog at kidlat, ang tunog ng trumpeta at ang bundok na umuusok, ay natakot sila at nanginig, at sila'y tumayo sa malayo. Sinabi nila kay Moises, “Magsalita ka sa amin, at aming papakinggan, subalit huwag mong pagsalitain ang Diyos sa amin, baka kami ay mamatay.” Sinabi ni Moises sa bayan, “Huwag kayong matakot, sapagkat ang Diyos ay naparito upang subukin kayo, at upang ang takot sa kanya ay sumainyo, upang huwag kayong magkasala.” Ang taong-bayan ay tumayo sa malayo at si Moises ay lumapit sa makapal na kadiliman na kinaroroonan ng Diyos. Sinabi ng PANGINOON kay Moises, “Ganito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel: ‘Kayo ang nakakita na ako'y nakipag-usap sa inyo mula sa langit. Huwag kayong gagawa ng mga diyos na pilak na iaagapay sa akin ni huwag kayong gagawa para sa inyo ng mga diyos na ginto. Isang dambanang lupa ang iyong gagawin para sa akin, at iyong iaalay doon ang iyong mga handog na sinusunog, mga handog pangkapayapaan, mga tupa, at mga baka. Sa lahat ng dakong aking ipapaalala ang aking pangalan ay pupunta ako sa iyo at pagpapalain kita. Kung igagawa mo ako ng isang dambanang bato ay huwag mong itatayo ito na may mga tapyas na bato, sapagkat kung iyong gamitin ang iyong patalim doon ay iyong nilapastangan iyon. Huwag kang aakyat sa aking dambana sa pamamagitan ng mga baytang, upang ang iyong kahubaran ay huwag mahayag sa ibabaw niyon.’