EXODO 12
12
Ang Paskuwa ng Panginoon
1Ang#Lev. 23:5; Bil. 9:1-5; 28:16; Deut. 16:1, 2 Panginoon ay nagsalita kina Moises at Aaron sa lupain ng Ehipto, na sinasabi,
2“Ang buwang ito'y magiging pasimula ng inyong mga buwan; ito ang magiging unang buwan ng taon para sa inyo.
3Sabihin ninyo sa buong kapulungan ng Israel: sa ikasampung araw ng buwang ito ay kukuha ang bawat lalaki sa kanila ng isang kordero,#12:3 o kambing na lalaki. ayon sa mga sambahayan ng kani-kanilang mga ninuno, isang kordero sa bawat sambahayan.
4Kung ang sambahayan ay napakaliit para sa isang kordero, siya at ang kanyang malapit na kapitbahay ay magsasalu-salo sa isa ayon sa bilang ng mga tao; gagawin ninyo ang pagbilang sa kordero ayon sa makakain ng bawat tao.
5Ang inyong kordero ay walang kapintasan, isang lalaki na isang taong gulang; inyong kukunin ito sa mga tupa o sa mga kambing.
6Iyon ay inyong iingatan hanggang sa ikalabing-apat na araw ng buwang ito, at papatayin ng buong kapulungan ng kapisanan ng Israel ang kanilang mga kordero sa paglubog ng araw.
7Pagkatapos, kukuha sila ng dugo, at ilalagay sa dalawang haligi ng pinto at sa itaas ng pintuan, sa mga bahay na kanilang kakainan.
8Kanilang kakainin sa gabing iyon ang kordero; kanilang kakainin ito na inihaw sa apoy, kasama ang tinapay na walang pampaalsa at mapapait na gulay.
9Huwag ninyo itong kakaining hilaw, o pinakuluan man sa tubig, kundi inihaw sa apoy, pati ang ulo, ang paa at mga lamang loob nito.
10Huwag kayong magtitira ng anuman nito hanggang sa kinaumagahan; ang matitira hanggang sa kinaumagahan ay inyong susunugin sa apoy.
11Sa ganitong paraan ninyo kakainin ito: may bigkis ang inyong baywang, ang mga sandalyas ay nakasuot sa inyong mga paa, at ang inyong tungkod ay nasa inyong kamay; at dali-dali ninyong kakainin ito. Ito ang paskuwa ng Panginoon.
12Sapagkat ako'y dadaan sa lupain ng Ehipto sa gabing iyon at aking pupuksain ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Ehipto, maging tao man at hayop; at ilalapat ko ang hatol laban sa lahat ng mga diyos ng Ehipto: Ako ang Panginoon.
13Ang dugo ay magiging sa inyo'y isang tanda sa mga bahay na inyong kinaroroonan; kapag aking nakita ang dugo, lalampasan ko kayo at walang salot na papatay sa inyo, kapag pinuksa ko ang lupain ng Ehipto.
14“Ang#Exo. 23:15; 34:18; Lev. 23:6-8; Bil. 28:17-25; Deut. 16:3-8 araw na ito'y magiging sa inyo'y isang alaala, at inyong ipagdiriwang bilang pista sa Panginoon; sa buong panahon ng inyong mga salinlahi ay inyong ipagdiriwang bilang isang tuntunin magpakailanman.
Ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa
15Pitong araw na kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa. Sa unang araw ay inyong aalisin sa inyong mga bahay ang pampaalsa, sapagkat sinumang kumain ng tinapay na may pampaalsa, mula sa unang araw hanggang sa ikapitong araw ay ititiwalag sa Israel.
16Sa unang araw ay magkakaroon kayo ng isang banal na pagtitipon at sa ikapitong araw ay magkakaroon din kayo ng isang banal na pagtitipon. Walang anumang gawa na gagawin sa mga araw na iyon; ang nararapat lamang kainin ng bawat tao ang maaaring ihanda ninyo.
17Inyong ipapangilin ang pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, sapagkat sa araw na ito ay kinuha ko ang inyong mga hukbo mula sa lupain ng Ehipto. Inyong ipapangilin ang araw na ito sa buong panahon ng inyong mga salinlahi bilang isang tuntunin magpakailanman.
18Sa paglubog ng araw sa ikalabing-apat na araw ng unang buwan, kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa, hanggang sa ikadalawampu't isang araw ng buwan, sa paglubog ng araw.
19Pitong araw na walang matatagpuang pampaalsa sa inyong mga bahay; sinumang kumain ng may pampaalsa ay ititiwalag sa kapulungan ng Israel, siya man ay banyaga o ipinanganak sa lupain.
20Huwag kayong kakain ng anumang bagay na may pampaalsa; sa lahat ng inyong mga tirahan ay kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa.”
21Nang magkagayo'y ipinatawag ni Moises ang lahat ng matatanda sa Israel, at sinabi sa kanila, “Kayo'y lumabas at kumuha ng mga kordero ayon sa inyu-inyong sambahayan, at magpatay kayo ng kordero ng paskuwa.
22Kayo'y kumuha ng isang bigkis na isopo, inyong ilubog sa dugo na nasa palanggana, at inyong pahiran ng dugo ang itaas ng pinto at ang dalawang haligi ng pinto ng dugong nasa palanggana; sinuman sa inyo ay huwag lalabas sa pinto ng kanyang bahay hanggang sa kinaumagahan.
23Sapagkat#Heb. 11:28 ang Panginoon ay daraan upang patayin ang mga Ehipcio; pagkakita niya ng dugo sa itaas ng pinto at sa dalawang haligi ng pinto, lalampasan ng Panginoon ang pintong iyon at hindi niya hahayaang pumasok ang mamumuksa sa inyong mga bahay upang patayin kayo.
24Inyong iingatan ang bagay na ito bilang tuntunin sa iyo at sa iyong mga anak magpakailanman.
25Pagdating ninyo sa lupaing ibibigay sa inyo ng Panginoon, gaya ng kanyang ipinangako, inyong tutuparin ang paglilingkod na ito.
26Kapag itinanong sa inyo ng inyong mga anak, ‘Anong ibig ninyong sabihin sa pagdiriwang na ito?’
27Inyong sasabihin, ‘Ito ang paghahandog ng paskuwa ng Panginoon, sapagkat kanyang nilampasan ang mga bahay ng mga anak ni Israel sa Ehipto, nang kanyang patayin ang mga Ehipcio at iniligtas ang ating mga bahay.’” At ang taong-bayan ay nagyukod ng ulo at sumamba.
28Ang mga anak ni Israel ay humayo at gayon ang ginawa; kung ano ang iniutos ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, ay gayon ang ginawa nila.
Nilipol ang Lahat ng mga Panganay sa Ehipto
29Pagsapit#Exo. 4:22-23 ng hatinggabi, pinatay ng Panginoon ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Ehipto, mula sa panganay ng Faraon na nakaupo sa kanyang trono, hanggang sa panganay ng bihag na nasa bilangguan, at lahat ng panganay sa mga hayop.
30Ang Faraon ay bumangon nang gabi, pati ang lahat ng kanyang mga lingkod at lahat ng mga Ehipcio; at nagkaroon ng isang malakas na panaghoy sa Ehipto sapagkat walang bahay na walang namatay.
31Kanyang ipinatawag sina Moises at Aaron nang gabi at sinabi, “Maghanda kayo, umalis kayo sa gitna ng aking bayan, kayo at ang mga anak ni Israel! Umalis na kayo at sambahin ninyo ang Panginoon, gaya ng inyong sinabi.
32Dalhin ninyo ang inyong mga kawan at ang inyong mga baka, gaya ng inyong sinabi, at kayo'y umalis na; at idalangin ninyo na ako ay pagpalain!”
33Pinapagmadali ng mga Ehipcio ang taong-bayan, at madaliang pinaalis sila sa lupain, sapagkat kanilang sinabi, “Kaming lahat ay mamamatay.”
34Kaya't dinala ng taong-bayan ang kanilang minasang harina bago ito nilagyan ng pampaalsa, na nakabalot pa ang kanilang mga pang-masa sa kani-kanilang damit at ipinasan sa kanilang mga balikat.
35Ginawa#Exo. 3:21, 22 ng mga anak ni Israel ang ayon sa sinabi sa kanila ni Moises; sila'y humingi sa mga Ehipcio ng mga alahas na pilak, mga alahas na ginto, at mga damit.
36Binigyan ng Panginoon ang bayan ng biyaya sa paningin ng mga Ehipcio, kaya't ibinigay sa kanila ang anumang hingin nila. Kaya't kanilang sinamsaman ang mga Ehipcio.
Ang Pag-alis sa Ehipto
37Ang mga anak ni Israel ay naglakbay mula sa Rameses hanggang sa Sucot, na may animnaraang libong lalaki na naglakad, bukod pa sa mga babae at mga bata.
38Iba't ibang lahi, mga kawan, mga baka, at napakaraming hayop ang umahon ding kasama nila.
39Kanilang niluto ang mga tinapay na walang pampaalsa mula sa minasang harina na kanilang dinala mula sa Ehipto. Ito ay hindi nilagyan ng pampaalsa, sapagkat sila'y itinaboy sa Ehipto at hindi na makapaghintay pa o makapaghanda man ng anumang pagkain para sa kanilang sarili.
40Ang#Gen. 15:13; Ga. 3:17 panahon na nanirahan ang mga anak ni Israel sa Ehipto ay apatnaraan at tatlumpung taon.
41Sa katapusan ng apatnaraan at tatlumpung taon, nang araw ding iyon, ang lahat ng mga hukbo ng Panginoon ay umalis sa lupain ng Ehipto.
42Ito ay isang gabi ng pagbabantay ng Panginoon upang ilabas sila sa lupain ng Ehipto; kaya't ang gabing iyon ay gabi ng Panginoon na ipangingilin ng lahat ng mga anak ni Israel sa buong panahon ng kanilang mga salinlahi.
43Sinabi ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, “Ito ang tuntunin ng paskuwa: walang sinumang banyaga na kakain niyon.
44Subalit ang bawat alipin na binili ng salapi ay maaaring makakain niyon kapag tuli na siya.
45Ang dayuhan at ang alilang upahan ay hindi maaaring kumain niyon.
46Sa#Bil. 9:12; Jn. 19:36 loob ng isang bahay kakainin iyon; huwag kang magdadala ng laman sa labas ng bahay, ni huwag ninyong babaliin kahit isang buto niyon.
47Ipapangilin iyon ng buong kapulungan ng Israel.
48Kapag ang isang dayuhan ay maninirahang kasama mo, at mangingilin ng paskuwa ng Panginoon, tutuliin lahat ang kanyang mga kalalakihan at saka lamang siya makakalapit at makakapangilin. Siya'y magiging tulad sa ipinanganak sa lupain ninyo. Subalit sinumang hindi tuli ay hindi makakakain niyon.
49May iisa lamang kautusan para sa ipinanganak sa lupain, at para sa dayuhang naninirahang kasama ninyo.”
50Gayon ang ginawa ng lahat ng mga anak ni Israel; kung ano ang iniutos ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, gayon ang ginawa nila.
51Nang araw ding iyon, kinuha ng Panginoon ang mga anak ni Israel sa lupain ng Ehipto, ayon sa kanilang mga hukbo.
Kasalukuyang Napili:
EXODO 12: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001