ESTHER 5
5
Ang Hari at si Haman sa Handaan ni Esther
1Nang ikatlong araw, nagsuot si Esther ng kanyang damit pang-reyna, at tumayo sa pinakaloob na bulwagan ng palasyo ng hari, sa tapat ng tirahan ng hari. Ang hari ay nakaupo sa kanyang trono sa loob ng palasyo, sa tapat ng pasukan ng palasyo.
2Nang makita ng hari si Reyna Esther na nakatayo sa bulwagan, nakuha ng reyna ang paglingap ng hari. Kaya't inilawit ng hari kay Esther ang gintong setro na nasa kanyang kamay. At lumapit si Esther at hinipo ang dulo ng setro.
3Itinanong ng hari sa kanya, “Ano iyon, Reyna Esther? Ano ang iyong kahilingan? Ibibigay ko sa iyo kahit kalahati ng aking kaharian.”
4Sinabi ni Esther, “Kung ikalulugod ng hari, pumunta sa araw na ito ang hari at si Haman sa salu-salong inihanda ko para sa hari.”
5At sinabi ng hari, “Dalhin mong madali dito si Haman upang magawa namin ang gaya ng nais ni Esther.” Kaya't pumunta ang hari at si Haman sa salu-salo na inihanda ni Esther.
6Samantalang umiinom sila ng alak, sinabi ng hari kay Esther, “Ano ang iyong kahilingan? Ipagkakaloob iyon sa iyo. Ano ang iyong kahilingan? Kahit kalahati ng kaharian ay ipagkakaloob sa iyo.”
7At sumagot si Esther, “Ang aking kahilingan ay ito:
8Kung ako'y nakatagpo ng paglingap sa paningin ng hari, at kung kalugdan ng hari na ipagkaloob ang aking kahilingan, pumunta ang hari at si Haman sa salu-salo na aking ihahanda sa kanila, at bukas ay aking gagawin ang gaya ng sinabi ng hari.”
Nagpagawa si Haman ng Bitayan para kay Mordecai
9Lumabas si Haman nang araw na iyon na galak na galak at may masayang puso. Ngunit nang makita ni Haman si Mordecai sa pintuan ng hari, na hindi siya tumayo o nanginig man sa harapan niya, siya'y napuno ng poot laban kay Mordecai.
10Gayunma'y nagpigil si Haman sa kanyang sarili, at umuwi sa bahay. Siya'y nagsugo at ipinasundo ang kanyang mga kaibigan at si Zeres na kanyang asawa.
11Ikinuwento ni Haman sa kanila ang karangyaan ng kanyang mga kayamanan, ang bilang ng kanyang mga anak na lalaki, at lahat ng pagkataas ng katungkulan na ipinarangal ng hari sa kanya, at kung paanong kanyang itinaas siya nang higit kaysa mga pinuno at mga lingkod ng hari.
12Dagdag pa ni Haman, “Maging si Reyna Esther ay hindi nagpapasok ng sinuman na kasama ng hari sa kapistahan na kanyang inihanda kundi ako lamang. At bukas ay inaanyayahan na naman niya ako na kasama ng hari.
13Gayunma'y ang lahat ng ito'y walang kabuluhan sa akin habang aking nakikita ang Judiong si Mordecai na nakaupo sa pintuan ng hari.”
14Nang magkagayo'y sinabi sa kanya ni Zeres na kanyang asawa at ng lahat niyang kaibigan, “Magpagawa ka ng isang bitayan na may limampung siko ang taas, at kinaumagahan ay sabihin mo sa hari na bitayin doon si Mordecai. Pagkatapos ay lumakad kang masaya na kasama ng hari sa kapistahan.” Ang payong ito ay nagustuhan ni Haman at kanyang ipinagawa ang bitayan.
Kasalukuyang Napili:
ESTHER 5: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001