Nang malaman ni Mordecai ang lahat ng ginawa ni Haman, pinunit ni Mordecai ang kanyang suot, at nagsuot ng damit-sako at may mga abo sa ulo. At lumabas siya sa gitna ng bayan, at tumangis nang malakas na may mapait na pagsigaw.
Siya'y umakyat sa pasukan ng pintuan ng hari, sapagkat walang makakapasok sa loob ng pintuan ng hari na nakasuot ng damit-sako.
Sa bawat lalawigan, sa tuwing darating ang utos at batas ng hari, ay nagkaroon ng malaking pagluluksa sa mga Judio, na may pag-aayuno, iyakan, at taghuyan; at karamihan sa kanila ay nahihigang may suot damit-sako at may mga abo sa ulo.
Nang dumating ang mga babaing alalay ni Esther at ang kanyang mga eunuko at ibalita iyon sa kanya, ang reyna ay lubhang nabahala. Siya'y nagpadala ng bihisan upang isuot ni Mordecai, upang hubarin niya ang kanyang damit-sako, ngunit ayaw niyang tanggapin ang mga ito.
Nang magkagayo'y ipinatawag ni Esther si Hatac, na isa sa mga eunuko ng hari, na itinalaga na mag-alaga sa kanya, at inutusan niyang pumunta kay Mordecai, upang malaman kung ano iyon, at kung bakit gayon.
Sa gayo'y lumabas si Hatac patungo kay Mordecai, sa liwasang-bayan na nasa harapan ng pintuan ng hari.
Isinalaysay sa kanya ni Mordecai ang lahat na nangyari sa kanya, at ang halaga ng salaping ipinangako ni Haman na ibabayad sa mga kabang-yaman ng hari para sa pagpatay sa mga Judio.
Binigyan din siya ni Mordecai ng sipi ng utos na ipinahayag sa Susa upang patayin sila, upang ipakita ito kay Esther, at ipaliwanag ito sa kanya. Ipinagbilin niya sa kanya na siya'y pumunta sa hari upang makiusap at humiling sa kanya alang-alang sa kanyang bayan.
At si Hatac ay pumunta, at sinabi kay Esther ang mga sinabi ni Mordecai.
Nang magkagayo'y nagsalita si Esther kay Hatac, at nagpasabi kay Mordecai,
“Lahat ng lingkod ng hari at ang bayan ng mga lalawigan ng hari ay nakakaalam, na may isang kautusan na kung ang sinumang lalaki o babae ay pumunta sa hari sa pinakaloob na bulwagan na hindi ipinatatawag ay papatayin. Malibang paglawitan siya ng hari ng gintong setro, maaaring mabuhay ang taong iyon. Ako'y tatlumpung araw nang hindi ipinatatawag ng hari.”
At sinabi nila kay Mordecai ang mga sinabi ni Esther.
Nang magkagayo'y ipinabalik sa kanila ni Mordecai ang sagot kay Esther: “Huwag mong isipin na sa palasyo ng hari ay makakatakas ka na higit kaysa lahat ng ibang mga Judio.
Sapagkat kung ikaw ay tatahimik sa panahong ito, ang tulong at kaligtasan ay babangon para sa mga Judio mula sa ibang lugar, ngunit ikaw at ang sambahayan ng iyong ninuno ay mapapahamak. At sinong nakakaalam na kung kaya ka nakarating sa kaharian ay dahil sa pagkakataong ganito?”
At sinabi ni Esther sa kanila na sagutin si Mordecai,
“Ikaw ay humayo, tipunin mo ang lahat na Judio na matatagpuan sa Susa at ipag-ayuno ninyo ako. Huwag kayong kumain o uminom man sa loob ng tatlong araw, gabi o araw. Ako at ang aking mga babaing alalay ay mag-aayuno ring gaya ninyo. Pagkatapos ay pupunta ako sa hari bagaman labag sa batas. At kung ako'y mamamatay, ay mamatay.”
Sa gayo'y umalis si Mordecai at ginawa ang ayon sa lahat na iniutos ni Esther sa kanya.