Nang unang buwan, na siyang buwan ng Nisan, nang ikalabindalawang taon ni Haring Ahasuerus, kanilang pinagpalabunutan ang Pur sa harapan ni Haman para sa araw at buwan. Ang palabunutan ay tumapat sa ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan, na siyang buwan ng Adar. At sinabi ni Haman kay Haring Ahasuerus, “May mga taong nakakalat at nakahiwalay sa gitna ng mga bayan sa lahat ng mga lalawigan ng iyong kaharian. Ang kanilang kautusan ay kaiba sa bawat ibang bayan at hindi nila sinusunod ang mga kautusan ng hari; kaya't walang pakinabang ang hari na sila'y pabayaang magpatuloy. Kung ikalulugod ng hari, hayaang ipag-utos na sila'y lipulin. Ako'y magbabayad ng sampung libong talentong pilak sa mga kamay ng mga namamahala ng gawain ng hari, upang ilagay ang mga iyon sa mga kabang-yaman ng hari.” Nang magkagayo'y hinubad ng hari ang singsing sa kanyang kamay, at ibinigay kay Haman na anak ni Amedata na Agageo, na kaaway ng mga Judio. At sinabi ng hari kay Haman, “Ang salapi ay ibinibigay sa iyo, gayundin ang mga tao upang gawin mo sa kanila kung ano ang inaakala mong mabuti.” Nang magkagayo'y ipinatawag ang mga kalihim ng hari nang ikalabintatlong araw ng unang buwan. Isang utos, ayon sa lahat na iniutos ni Haman, ang ipinasulat sa mga tagapamahala ng hari, at sa mga tagapamahala ng lahat ng lalawigan, at sa mga pinuno ng bawat bayan, sa bawat lalawigan ayon sa sarili nitong pagsulat, at sa bawat bayan ayon sa kanilang wika; ito'y isinulat sa pangalan ni Haring Ahasuerus at tinatakan ng singsing ng hari. Ipinadala ang mga sulat sa pamamagitan ng mga sugo sa lahat ng mga lalawigan ng hari, upang wasakin, patayin at lipulin ang lahat ng Judio, bata at matanda, ang mga bata at ang mga babae sa loob ng isang araw, sa ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan, na siyang buwan ng Adar, at upang samsamin ang kanilang mga ari-arian. Ang isang sipi ng sulat ay ibibigay bilang utos sa bawat lalawigan sa pamamagitan ng paghahayag sa lahat ng bayan na sila'y maging handa para sa araw na iyon. Mabilis na umalis ang mga sugo sa utos ng hari, at ang batas ay pinalabas sa kabisera ng Susa. Ang hari at si Haman ay naupo upang uminom; ngunit ang lunsod ng Susa ay nagkagulo.
Basahin ESTHER 3
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: ESTHER 3:7-15
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas