Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

ESTHER 2:4-15

ESTHER 2:4-15 ABTAG01

Ang dalaga na kalugdan ng hari ay magiging reyna na kapalit ni Vasti.” Ang bagay na ito ay nakalugod sa hari; at gayon ang ginawa niya. Noon ay may isang Judio sa kabisera ng Susa, na ang pangala'y Mordecai, na anak ni Jair, na anak ni Shimei, na anak ni Kish na Benjaminita; na dinala mula sa Jerusalem na kasama ng mga bihag na nadalang kasama ni Jeconias na hari sa Juda, na dinala ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia. Pinalaki niya si Hadassa, samakatuwid ay si Esther, na anak na babae ng kanyang amain, sapagkat siya'y walang ama o ina man, at ang dalaga ay maganda at kaakit-akit. Nang mamatay ang kanyang ama't ina, inampon siya ni Mordecai na parang tunay na anak. Kaya't nang ang utos ng hari at ang kanyang batas ay naipahayag na, at nang matipon ang maraming dalaga sa kabisera ng Susa, sa pamamahala ni Hegai, si Esther ay dinala rin sa palasyo ng hari at inilagay sa pamamahala ni Hegai, na tagapag-ingat sa mga babae. Ang dalaga ay nakalugod sa kanya at nakuha ang kanyang paglingap. Nagbigay siya agad sa kanya ng mga kailangan sa pagpapaganda at ng kanyang bahaging pagkain, at ng pitong piling dalaga mula sa palasyo ng hari. Kanyang inilipat siya at ang kanyang mga babaing alalay sa pinakamabuting dako sa bahay ng mga babae. Hindi ipinaaalam ni Esther ang kanyang bayan o ang kanyang kamag-anak man; sapagkat ibinilin sa kanya ni Mordecai na huwag niyang ipaalam. Si Mordecai ay lumalakad araw-araw sa harapan ng bulwagan ng mga babae upang malaman kung anong kalagayan ni Esther, at kung ano ang nangyayari sa kanya. Nang dumating na ang panahon na ang bawat dalaga ay makapasok kay Haring Ahasuerus, pagkatapos ng labindalawang buwan sa ilalim ng mga pamamalakad para sa mga babae, yamang ganito ang nakaugaliang panahon para sa kanilang pagpapaganda, samakatuwid ay anim na buwan na may langis na mira, at anim na buwan na may pabango, at pampaganda para sa mga babae. Kapag pumasok na ang dalaga sa hari, siya ay bibigyan ng anumang kanyang naisin upang dalhin niya mula sa lugar ng mga babae hanggang sa palasyo ng hari. Sa gabi ay pumaparoon siya, at sa kinaumagahan ay bumabalik siya sa ikalawang lugar ng mga babae sa pamamahala ni Saasgaz, na eunuko ng hari, na nag-iingat sa mga asawang-lingkod. Hindi na siya muling papasok sa hari malibang ang hari ay malugod sa kanya at ipatawag sa kanyang pangalan. Nang sumapit ang panahon ni Esther na anak ni Abihail, na amain ni Mordecai, na umampon sa kanya bilang sariling anak na babae, upang humarap sa hari, wala siyang hininging anuman maliban sa ipinayo ni Hegai na eunuko ng hari, na tagapag-ingat sa mga babae. At si Esther ay hinangaan ng lahat ng nakakita sa kanya.