Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

EFESO 5:1-21

EFESO 5:1-21 ABTAG01

Kaya kayo'y tumulad sa Diyos, gaya ng mga anak na minamahal, at lumakad kayo sa pag-ibig, gaya ng pag-ibig ni Cristo sa atin at ibinigay ang kanyang sarili para sa atin bilang handog at alay sa Diyos upang maging samyo ng masarap na amoy. Ngunit ang pakikiapid, ang lahat ng karumihan, o kasakiman, ay huwag sanang mabanggit sa inyo, gaya ng nararapat sa mga banal. Gayundin ang karumihan at hangal na pagsasalita, o mga pagbibiro na di-nararapat, kundi ang pagpapasalamat. Sapagkat inyong nalalaman na bawat mapakiapid, o mahalay, o sakim, na sumasamba sa mga diyus-diyosan, ay walang mamanahin sa kaharian ni Cristo at ng Diyos. Huwag kayong padaya sa mga salitang walang katuturan, sapagkat dahil sa mga bagay na ito'y dumarating ang galit ng Diyos sa mga anak ng pagsuway. Kaya't huwag kayong makibahagi sa kanila; sapagkat kayo'y dating kadiliman, subalit ngayon ay liwanag sa Panginoon. Lumakad kayong gaya ng mga anak ng liwanag— (sapagkat ang bunga ng liwanag ay nasa lahat ng mabuti, matuwid at katotohanan) na inaalam kung ano ang kalugud-lugod sa Panginoon. At huwag kayong makibahagi sa mga gawa ng kadiliman na walang ibubunga, kundi inyong ilantad ang mga ito. Sapagkat ang mga bagay na palihim nilang ginagawa ay kahiya-hiyang sabihin, subalit ang lahat ng mga bagay na inilantad sa pamamagitan ng liwanag ay nakikita, sapagkat anumang bagay na nakikita ay liwanag. Kaya't sinasabi, “Gumising ka, ikaw na natutulog, at bumangon mula sa mga patay, at si Cristo ay magliliwanag sa iyo.” Kaya't maging maingat kayo sa inyong paglakad, hindi gaya ng mga mangmang, kundi gaya ng marurunong, na sinasamantala ang panahon, sapagkat ang mga araw ay masasama. Kaya't huwag kayong maging mga hangal, kundi unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon. Huwag kayong magpakalasing sa alak, na ito ay labis na kahalayan, kundi mapuno kayo ng Espiritu. Kayo'y magsalita sa isa't isa sa mga awit at mga himno at mga awiting espirituwal, na sa inyong mga puso ay nag-aawitan at gumagawa ng himig sa Panginoon, laging nagpapasalamat sa lahat ng mga bagay sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, sa Diyos na ating Ama. Pasakop kayo sa isa't isa dahil sa takot kay Cristo.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa EFESO 5:1-21