ECLESIASTES 3
3
May Kanya-kanyang Panahon ang Bawat Bagay
1Sa bawat bagay ay may kapanahunan, at panahon sa bawat bagay sa silong ng langit:
2panahon upang isilang, at panahon upang mamatay;
panahon ng pagtatanim, at panahon upang bunutin ang itinanim;
3panahon ng pagpatay, at panahon ng pagpapagaling;
panahon ng paggiba, at panahon ng pagtatayo;
4panahon ng pag-iyak, at panahon ng pagtawa;
panahon ng pagtangis, at panahon ng pagsayaw;
5panahon ng paghahagis ng mga bato, at panahon ng pagtitipon ng mga bato;
panahon ng pagyakap, at panahon na magpigil sa pagyakap;
6panahon ng paghahanap, at panahon ng pagkawala;
panahon ng pagtatago, at panahon ng pagtatapon;
7panahon ng pagpunit, at panahon ng pananahi;
panahon ng pagtahimik, at panahon ng pagsasalita;
8panahon upang magmahal, at panahon upang masuklam;
panahon ng digmaan, at panahon ng kapayapaan.
9Anong pakinabang ang natatamo ng manggagawa sa kanyang pinagpapaguran?
10Aking nakita ang gawain na ibinigay ng Diyos sa mga anak ng mga tao upang pagkaabalahan.
11Ginawa niya ang bawat bagay na maganda sa kapanahunan niyon; inilagay rin niya ang walang hanggan sa isipan ng tao, gayunma'y hindi niya malalaman ang ginawa ng Diyos mula sa pasimula hanggang sa wakas.
12Nalalaman ko, na walang mas mabuti para sa kanila kundi ang magsaya, at masiyahan habang sila'y nabubuhay.
13At kaloob ng Diyos sa tao na ang bawat isa ay kumain, uminom, at masiyahan sa lahat ng kanyang pinagpaguran.
14Nalalaman ko na anumang ginagawa ng Diyos ay mananatili magpakailanman; walang bagay na maidadagdag doon, o anumang bagay na maaalis. Gayon ang ginawa ng Diyos upang ang tao ay matakot sa harapan niya.
15Ang nangyayari ay nangyari na; at ang mangyayari pa ay nangyari na; at hinahanap ng Diyos ang nakaraan na.
Kawalan ng Katarungan
16At bukod dito'y aking nakita sa ilalim ng araw na sa dako ng katarungan ay mayroon ding kasamaan; at sa dako ng katuwiran ay mayroon ding kasamaan.
17Sinabi ko sa aking puso, Hahatulan ng Diyos ang matuwid at ang masama; sapagkat nagtakda siya ng panahon sa bawat bagay at sa bawat gawa.
18Sinabi ko sa aking puso tungkol sa mga tao, na sinusubok sila ng Diyos upang ipakita sa kanila na sila'y mga hayop lamang.
19Sapagkat ang kapalaran ng mga anak ng mga tao at ang kapalaran ng mga hayop ay magkatulad; kung paanong namamatay ang hayop, namamatay din ang tao. Silang lahat ay may isang hininga. Ang tao ay walang kalamangan sa mga hayop; sapagkat lahat ay walang kabuluhan.
20Lahat ay tumutungo sa isang dako; lahat ay buhat sa alabok, at lahat ay muling babalik sa alabok.
21Sinong nakakaalam kung ang espiritu ng tao ay umaakyat sa itaas at ang espiritu ng hayop ay bumababa sa lupa?
22Kaya't aking nakita, na walang bagay na mas mabuti, kundi ang tao ay magpakasaya sa kanyang mga gawa, sapagkat iyon ang kanyang kapalaran; sinong makapagpapakita sa kanya kung anong mangyayari pagkamatay niya?
Kasalukuyang Napili:
ECLESIASTES 3: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001