ECLESIASTES 11
11
Ang Kahalagahan ng Kasipagan
1Ihasik mo ang iyong tinapay sa tubigan,
sapagkat ito'y iyong matatagpuan pagkaraan ng maraming araw.
2Magbigay ka ng bahagi sa pito, o maging sa walo;
sapagkat hindi mo nalalaman kung anong kasamaan ang mangyayari sa mundo.
3Kung punô ng ulan ang mga ulap,
ang mga ito sa lupa ay bumabagsak,
at kung ang punungkahoy ay mabuwal sa dakong timog, o sa hilaga,
sa dakong binagsakan ng puno, ay doon ito mahihiga.
4Hindi maghahasik ang nagmamasid sa hangin,
at hindi mag-aani ang sa ulap ay pumapansin.
5Kung paanong hindi mo nalalaman kung paanong dumarating ang espiritu#11:5 o hininga. sa mga buto sa bahay-bata ng babaing nagdadalang-tao, gayon mo hindi nalalaman ang gawa ng Diyos na lumalang sa lahat.
6Ihasik mo sa umaga ang iyong binhi, at huwag mong hayaang walang ginagawa ang iyong kamay sa hapon; sapagkat hindi mo nalalaman kung alin ang tutubo, kung ito o iyon, o kung kapwa magiging mabuti.
7Ang liwanag ay mainam, at maganda sa mga mata na masdan ang araw.
8Sapagkat kung ang tao ay mabuhay ng maraming taon, magalak siya sa lahat ng iyon; ngunit alalahanin niya na ang mga araw ng kadiliman ay magiging marami. Lahat ng dumarating ay walang kabuluhan.
9Ikaw ay magalak, O binata, sa iyong kabataan, at pasayahin ka ng iyong puso sa mga araw ng iyong kabataan; lumakad ka sa mga lakad ng iyong puso, at sa paningin ng iyong mga mata. Ngunit alamin mo na dahil sa lahat ng mga bagay na ito ay dadalhin ka ng Diyos sa paghuhukom.
10Ilayo mo ang kabalisahan sa iyong isipan, at alisin mo ang kirot sa iyong katawan: sapagkat ang kabataan at ang bukang-liwayway ng buhay ay walang kabuluhan.
Kasalukuyang Napili:
ECLESIASTES 11: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001