DEUTERONOMIO 8
8
Isang Mabuting Lupain na Aangkinin
1“Inyong maingat na gawin ang lahat ng utos na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito upang kayo'y mabuhay at dumami, at makapasok at angkinin ang lupain na ipinangako ng Panginoon sa inyong mga ninuno.
2At iyong alalahanin ang lahat ng paraan ng pagpatnubay sa iyo ng Panginoon mong Diyos nitong apatnapung taon sa ilang, upang kanyang pagpakumbabain ka, at subukin ka, upang malaman kung ano ang nasa iyong puso, kung iyong tutuparin ang kanyang mga utos o hindi.
3Ikaw#Mt. 4:4; Lu. 4:4 ay pinagpakumbaba niya nang ginutom ka niya, at pinakain ka niya ng manna, na hindi mo nakilala, ni hindi nakilala ng iyong mga ninuno, upang kanyang maipaunawa sa iyo na hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ng Panginoon.
4Ang iyong suot ay hindi naluma, hindi namaga ang iyong paa sa loob ng apatnapung taon.
5Alamin mo sa iyong puso na kung paanong dinidisiplina ng tao ang kanyang anak, ay dinidisiplina ka rin ng Panginoon mong Diyos.
6Kaya't tutuparin mo ang mga utos ng Panginoon mong Diyos, lumakad ka sa kanyang mga daan, at matakot ka sa kanya.
7Sapagkat dinadala ka ng Panginoon mong Diyos sa isang mabuting lupain, ang lupain ng mga batis ng tubig, ng mga bukal at ng mga kalaliman, na bumubukal sa mga libis at mga bundok,
8lupain ng trigo, sebada, puno ng ubas, mga puno ng igos, mga granada, mga puno ng olibo at ng pulot,
9lupain kung saan ka kakain ng tinapay at di ka kukulangin, na doon ay hindi kukulangin ng anumang bagay; lupain na ang mga bato ay bakal, at makakahukay ka ng tanso mula sa mga burol nito.
10Kakain ka, mabubusog, at iyong pupurihin ang Panginoon mong Diyos dahil sa mabuting lupain na kanyang ibinigay sa iyo.
Babala Laban sa Paglimot sa Panginoon
11“Mag-ingat#Hos. 13:5, 6 ka sa iyong sarili na baka malimutan mo ang Panginoon mong Diyos, sa hindi mo pagtupad ng kanyang mga utos, mga batas, at mga tuntunin na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito.
12Baka kapag ikaw ay nakakain at nabusog at nakapagtayo ng magagandang bahay, at nakatira sa mga iyon;
13at kapag ang iyong mga bakahan at ang iyong mga kawan ay dumami na at ang iyong pilak at ang iyong ginto ay dumami at ang lahat ng nasa iyo ay dumami;
14ay magmataas ang iyong puso, at iyong malimutan ang Panginoon mong Diyos na naglabas sa iyo sa lupain ng Ehipto, sa bahay ng pagkaalipin;
15na siyang pumatnubay sa iyo sa malaki at kakilakilabot na ilang na mayroong mga makamandag na ahas at mga alakdan, at tigang na lupa na walang tubig; na siyang nagbigay sa iyo ng tubig mula sa batong kiskisan;
16na siyang nagpakain sa iyo ng manna sa ilang, na hindi nakilala ng iyong mga ninuno; upang kanyang papagkumbabain at subukin ka, at gawan ka ng mabuti sa bandang huli.
17Huwag mong sabihin sa iyong puso, ‘Ang aking kapangyarihan at ang lakas ng aking kamay ang siyang nagbigay sa akin ng kayamanang ito.’
18Kundi aalalahanin mo ang Panginoon mong Diyos, sapagkat siya ang nagbigay sa iyo ng kapangyarihan upang magkaroon ka ng kayamanan; upang kanyang papagtibayin ang kanyang tipan na kanyang ipinangako sa iyong mga ninuno, gaya nga sa araw na ito.
19At kapag kinalimutan mo ang Panginoon mong Diyos, at ikaw ay sumunod sa ibang mga diyos, at paglingkuran mo sila at sinamba mo sila, ay aking tapat na binabalaan kayo sa araw na ito, na kayo'y tiyak na malilipol.
20Tulad ng mga bansang nilipol ng Panginoon sa harapan ninyo ay gayon kayo lilipulin; sapagkat hindi ninyo pinakinggan ang tinig ng Panginoon ninyong Diyos.
Kasalukuyang Napili:
DEUTERONOMIO 8: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001