DEUTERONOMIO 26
26
Mga Handog mula sa Inani
1“Kapag nakapasok ka sa lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos bilang pamana, at iyong naangkin at iyong tinitirhan;
2kukunin#Exo. 23:19 mo ang bahagi ng una sa lahat ng bunga ng lupain na iyong aanihin sa lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos, iyong isisilid sa isang buslo. Ikaw ay pupunta sa lugar na pipiliin ng Panginoon mong Diyos, bilang tahanan ng kanyang pangalan.
3Pupunta ka sa pari na nangangasiwa nang araw na iyon at sasabihin mo sa kanya, ‘Aking ipinahahayag sa araw na ito sa Panginoon mong Diyos, na ako'y dumating na sa lupaing ipinangako ng Panginoon sa aming mga magulang na ibibigay sa amin.’
4Kukunin ng pari ang buslo sa iyong kamay at ilalagay sa harapan ng dambana ng Panginoon mong Diyos.
5“At ikaw ay sasagot at magsasabi sa harapan ng Panginoon mong Diyos, ‘Ang aking ama ay isang lagalag na taga-Aram. Siya ay bumaba sa Ehipto at nanirahan doon, na iilan sa bilang, at doo'y naging isang bansang malaki, makapangyarihan, at makapal.
6Kami ay pinagmalupitan, pinahirapan at inatangan kami ng mabigat na pagkaalipin ng mga Ehipcio.
7Kami ay dumaing sa Panginoon, sa Diyos ng aming mga ninuno at pinakinggan ng Panginoon ang aming tinig, kanyang nakita ang aming kahirapan, ang aming gawa, at ang aming kaapihan.
8Inilabas kami ng Panginoon sa Ehipto ng kamay na makapangyarihan, ng unat na bisig, ng malaking pagkasindak, ng mga tanda, at ng mga kababalaghan;
9at dinala niya kami sa lupaing ito, at ibinigay sa amin ang lupaing ito, na lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot.
10At ngayon, dala ko ang una sa mga bunga ng lupa na ibinigay mo sa akin, O Panginoon.’ Iyong ilalapag sa harapan ng Panginoon mong Diyos, at sasamba ka sa harapan ng Panginoon mong Diyos.
11Kaya ikaw, kasama ang mga Levita at ang mga dayuhang naninirahang kasama mo, ay magdiriwang sa lahat ng kasaganaang ibinigay sa iyo ng Panginoon at sa iyong sambahayan.
12“Pagkatapos#Deut. 14:28, 29 mong maibigay ang buong ikasampung bahagi ng iyong bunga sa ikatlong taon, na siyang taon ng pagbibigay ng ikasampung bahagi, na ibinibigay ito sa Levita, sa mga dayuhan, sa ulila, sa babaing balo, upang sila'y makakain sa loob ng iyong mga bayan, at mabusog,
13kung gayo'y iyong sasabihin sa harapan ng Panginoon mong Diyos, ‘Aking inalis ang mga bagay na banal sa aking bahay, at akin ding ibinigay sa Levita, sa dayuhan, sa ulila at sa babaing balo, ayon sa lahat ng utos na iyong iniutos sa akin; hindi ko nilabag ang anuman sa iyong mga utos, ni kinalimutan ang mga iyon.
14Hindi ko iyon kinain habang ako'y nagluluksa, ni inilabas ko nang ako'y marumi, ni ibinigay ko upang gamitin sa patay. Aking pinakinggan ang tinig ng Panginoon kong Diyos; aking ginawa ayon sa lahat ng iniutos mo sa akin.
15Tumingin ka mula sa iyong banal na tahanan, mula sa langit, at pagpalain mo ang iyong bayang Israel, at ang lupa na iyong ibinigay sa amin, gaya ng iyong ipinangako sa aming mga ninuno, na isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot.’
Ang Sariling Bayan ng Panginoon
16“Sa araw na ito ay iniuutos sa iyo ng Panginoon mong Diyos na tuparin mo ang mga tuntunin at mga batas na ito; iyo ngang maingat na tutuparin ng buong puso at kaluluwa mo.
17Ipinahayag mo sa araw na ito na ang Panginoon ay iyong Diyos, at ikaw ay lalakad sa kanyang mga daan, at iyong gaganapin ang kanyang mga tuntunin at mga utos at mga batas, at iyong papakinggan ang kanyang tinig.
18Ipinahayag#Exo. 19:5; Deut. 4:20; 7:6; 14:2; Tito 2:14; 1 Ped. 2:9 ng Panginoon sa araw na ito na ikaw ay isang sambayanan na kanyang sariling pag-aari, gaya ng ipinangako niya sa iyo, na iyong tutuparin ang lahat ng kanyang utos,
19upang itaas ka sa lahat ng bansa na kanyang nilikha, sa ikapupuri, sa ikababantog, sa ikararangal; at upang ikaw ay maging isang banal na bayan sa Panginoon mong Diyos, gaya ng kanyang sinabi.”
Kasalukuyang Napili:
DEUTERONOMIO 26: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001