Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

DEUTERONOMIO 17:14-20

DEUTERONOMIO 17:14-20 ABTAG01

“Kapag dumating ka na sa lupaing ibinibigay sa iyo ng PANGINOON mong Diyos, at iyong maangkin ito, at iyong matirahan, at iyong sasabihin, ‘Ako'y maglalagay ng isang hari na gaya ng lahat ng mga bansang nasa palibot ko’; ilalagay mong hari sa iyo ang pipiliin ng PANGINOON mong Diyos. Isa sa iyong mga kapatid ang ilalagay mong hari; huwag kang maglalagay ng isang dayuhan na hindi mo kapatid. Huwag lamang siyang magpaparami ng mga kabayo para sa kanyang sarili, ni pababalikin niya ang bayan sa Ehipto upang siya'y makapagparami ng mga kabayo, sapagkat sinabi sa inyo ng PANGINOON, ‘Huwag na ninyong babalikan mula ngayon ang daang iyon.’ Ni huwag siyang magpaparami ng mga asawa para sa kanyang sarili, upang huwag maligaw ang kanyang puso, ni huwag siyang magpaparami ng pilak at ginto. “Kapag siya'y uupo sa trono ng kanyang kaharian, ay kanyang susulatin ang isang sipi ng kautusang ito sa isang aklat, na nasa harapan ng mga paring Levita; at iyon ay mamamalagi sa kanya, at kanyang babasahin sa lahat ng mga araw ng kanyang buhay, upang siya'y matutong matakot sa PANGINOON niyang Diyos, upang isagawa ang lahat ng mga salita ng kautusang ito at ng mga tuntuning ito; upang ang kanyang puso ay huwag magmataas sa kanyang mga kapatid at huwag siyang tumalikod sa utos, maging sa kanan o sa kaliwa, upang mapahaba niya at ng kanyang mga anak ang kanyang paghahari sa Israel.