Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

DANIEL 7:15-27

DANIEL 7:15-27 ABTAG01

“Tungkol sa akin, akong si Daniel, ang aking espiritu ay nabalisa sa loob ko, at binagabag ako ng aking mga pangitain sa aking pag-iisip. Ako'y lumapit sa isa sa kanila na nakatayo roon at itinanong ko sa kanya ang katotohanan tungkol sa lahat ng ito. Kaya't sinabi niya at ipinaalam sa akin ang kahulugan ng mga bagay. Ang apat na malaking halimaw na ito ay apat na hari na lilitaw mula sa lupa. Ngunit tatanggapin ng mga banal ng Kataas-taasan ang kaharian, at aangkinin ang kaharian magpakailan kailanpaman. Pagkatapos ay ninais kong malaman ang katotohanan tungkol sa ikaapat na halimaw na kaiba sa lahat, na totoong kakilakilabot, na ang mga ngipin ay bakal at ang mga kuko ay tanso; na nananakmal, lumuluray, at niyuyurakan ng kanyang mga paa ang nalabi; at tungkol sa sampung sungay na nasa kanyang ulo, at ang isa pang sungay na sumibol, na sa harapan nito'y nabuwal ang tatlo, ang sungay na may mga mata, at bibig na nagsasalitang may kapalaluan, na ang anyo ay parang higit na makapangyarihan kaysa kanyang mga kasama. Habang ako'y nakatingin, ang sungay na ito ay nakipagdigma sa mga banal, at nagtagumpay laban sa kanila, hanggang sa ang Matanda sa mga Araw ay dumating. At ang paghatol ay ibinigay para sa mga banal ng Kataas-taasan, at ang panaho'y dumating na tinanggap ng mga banal ang kaharian. “Ganito ang kanyang sinabi: ‘Ang ikaapat na halimaw ay magiging ikaapat na kaharian sa ibabaw ng lupa, na magiging kaiba sa lahat ng kaharian, at sasakmalin nito ang buong lupa, yuyurakan ito at pagluluray-lurayin. Tungkol sa sampung sungay, mula sa kahariang ito ay babangon ang sampung hari, at may isa pang babangong kasunod nila. Siya'y magiging kaiba kaysa mga nauna, at kanyang ibabagsak ang tatlong hari. At siya'y magsasalita laban sa Kataas-taasan, at lilipulin niya ang mga banal ng Kataas-taasan; at kanyang iisiping baguhin ang mga panahon at ang kautusan; at sila'y ibibigay sa kanyang kamay hanggang sa isang panahon, mga panahon at kalahati ng isang panahon. Pagkatapos nito, ang hukuman ay uupo sa paghatol, at ang kanyang kapangyarihan ay aalisin, upang mapuksa at ganap na mawasak. At ang kaharian, ang kapangyarihan, at ang kadakilaan ng mga kaharian sa silong ng buong langit, ay ibibigay sa bayan ng mga banal ng Kataas-taasan. Ang kanyang kaharian ay magiging walang hanggang kaharian, at ang lahat ng kapangyarihan ay maglilingkod at susunod sa kanya.’

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa DANIEL 7:15-27