Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

DANIEL 6:4-18

DANIEL 6:4-18 ABTAG01

Nang magkagayo'y sinikap ng mga pangulo at ng mga tagapamahala na makakita ng batayan upang makapagsumbong laban kay Daniel tungkol sa kaharian. Ngunit hindi sila makakita ng anumang batayan upang makapagsumbong o anumang pagkukulang sapagkat tapat siya, at walang kamalian ni pagkukulang na natagpuan sa kanya. Nang magkagayo'y sinabi ng mga lalaking ito, “Hindi tayo makakatagpo ng anumang batayan na maisusumbong laban sa Daniel na ito, malibang ito'y ating matagpuan na may kinalaman sa kautusan ng kanyang Diyos.” Kaya't ang mga pangulo at mga tagapamahalang ito ay dumating na magkakasama sa hari, at sinabi sa kanya, “O Haring Dario, mabuhay ka magpakailanman! Lahat ng mga pangulo ng kaharian, mga kinatawan, mga tagapamahala, mga tagapayo, at ang mga gobernador, ay nagkasundo na ang hari ay dapat gumawa ng isang batas at magpatupad ng isang pagbabawal, na sinumang manalangin sa sinumang diyos o tao sa loob ng tatlumpung araw, liban sa iyo, O hari ay ihahagis sa yungib ng mga leon. Ngayon, O hari, pagtibayin mo ang pagbabawal, at lagdaan mo ang kasulatan upang huwag mabago ayon sa batas ng mga taga-Media at mga taga-Persia na hindi maaaring pawalang-bisa.” Kaya't nilagdaan ni Haring Dario ang kasulatan at ang pagbabawal. Nang malaman ni Daniel na ang kasulatan ay nalagdaan na, siya'y pumasok sa kanyang bahay na ang mga bintana ay bukas paharap sa Jerusalem. At siya'y nagpatuloy na lumuhod ng tatlong ulit sa loob ng isang araw, na nananalangin, at nagpapasalamat sa harap ng kanyang Diyos, gaya nang kanyang dating ginagawa. Nang magkagayo'y nagkakaisang dumating ang mga lalaking ito at natagpuan si Daniel na nananalangin at sumasamo sa kanyang Diyos. Kaya't lumapit sila at nagsalita sa harapan ng hari tungkol sa ipinagbabawal ng hari, “O hari! Hindi ba lumagda ka ng isang pagbabawal, na sinumang tao na humingi sa kanino mang diyos o tao sa loob ng tatlumpung araw, liban sa iyo, O hari, ay ihahagis sa yungib ng mga leon?” Ang hari ay sumagot, “Ang pagbabawal ay matatag, ayon sa batas ng mga taga-Media at mga taga-Persia, na hindi maaaring pawalang-bisa.” Nang magkagayo'y sumagot sila sa hari, “Ang Daniel na iyon na isa sa mga bihag mula sa Juda ay hindi nakikinig sa iyo, O hari, maging ang pagbabawal man na iyong nilagdaan, kundi nananalangin ng tatlong ulit sa loob ng isang araw.” Nang marinig ng hari ang mga salitang ito, siya ay lubhang nabahala. Ipinasiya niyang iligtas si Daniel, at hanggang sa paglubog ng araw ay kanyang pinagsikapang iligtas siya. At nagkakaisang dumating ang mga lalaking ito sa hari at sinabi sa kanya, “Alalahanin mo, O hari, na isang batas ng mga taga-Media at ng mga taga-Persia na walang pagbabawal o utos man na pinagtibay ng hari ang maaaring baguhin.” Nang magkagayo'y nag-utos ang hari, at dinala si Daniel at inihagis sa yungib ng mga leon. Nagsalita ang hari at sinabi kay Daniel, “Ang iyo nawang Diyos na patuloy mong pinaglilingkuran ang siyang magligtas sa iyo!” Dinala ang isang bato at inilagay sa bunganga ng yungib, at tinatakan ng hari ng kanyang sariling pantatak at ng pantatak ng kanyang mga maharlika upang walang anumang bagay na mabago tungkol kay Daniel. Umuwi ang hari sa kanyang palasyo, at pinalipas ang buong magdamag na nag-aayuno. Walang libangang dinala sa kanya at ayaw siyang dalawin ng antok.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa DANIEL 6:4-18