Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

DANIEL 5

5
Ang Handaan ni Belshasar
1Ang haring si Belshasar ay nagdaos ng malaking handaan sa isang libo niyang mga maharlika, at uminom siya ng alak sa harapan ng isang libo.
2Nang matikman ni Haring Belshasar ang alak, ipinag-utos niya na dalhin doon ang mga sisidlang ginto at pilak na kinuha ni Nebukadnezar na kanyang ama sa templo na nasa Jerusalem, upang mainuman ng hari, ng kanyang mga maharlika, ng kanyang mga asawa, at ng kanyang mga asawang-lingkod.
3Kaya't dinala nila ang mga sisidlang ginto at pilak na inilabas sa templo, na bahay ng Diyos na nasa Jerusalem. Ang mga ito ay ininuman ng hari, ng kanyang mga maharlika, ng kanyang mga asawa, at ng kanyang mga asawang-lingkod.
4Sila'y nag-inuman ng alak, at nagpuri sa mga diyos na ginto, pilak, tanso, bakal, kahoy, at bato.
5Nang oras ding iyon ay may lumitaw na mga daliri ng kamay ng tao at sumulat sa palitada ng pader ng palasyo ng hari, sa tapat ng ilawan at nakita ng hari ang bahagi ng kamay nang ito ay sumusulat.
6Nang magkagayo'y namutla ang mukha ng hari, at binagabag siya ng kanyang mga pag-iisip. Ang pagkakasugpong ng kanyang mga balakang ay halos nakalag, at ang kanyang mga tuhod ay nagka-umpugan.
7Ang hari ay sumigaw nang malakas upang papasukin ang mga engkantador, mga Caldeo, at mga manghuhula. Ang hari ay nagsalita sa mga pantas ng Babilonia, “Sinumang makakabasa ng sulat na ito, at makapagpaliwanag sa akin ng kahulugan nito ay susuotan ng kulay ube, magkakaroon ng kuwintas na ginto sa palibot ng kanyang leeg, at magiging ikatlong pinuno sa kaharian.”
8Nang magkagayo'y pumasok ang lahat ng pantas ng hari, ngunit hindi nila mabasa ang sulat, o maipaliwanag man sa hari ang kahulugan nito.
9Kaya't lubhang nabagabag si Haring Belshasar, at ang kanyang kulay ay nabago, at ang kanyang mga maharlika ay nalito.
10Ang reyna, dahil sa mga salita ng hari at ng kanyang mga maharlika, ay pumasok sa bulwagang pinagdarausan ng kasayahan. Nagsalita ang reyna at sinabi, “O hari, mabuhay ka magpakailanman! Huwag kang bagabagin ng iyong mga pag-iisip, o mamutla man ang iyong mukha.
11May isang lalaki sa iyong kaharian na may espiritu ng mga banal na diyos. Sa mga araw ng iyong ama, natagpuan sa kanya ang liwanag, pagkaunawa, at karunungan, na gaya ng karunungan ng mga diyos. Ginawa siya ni Haring Nebukadnezar, na iyong ama, bilang puno ng mga salamangkero, mga engkantador, mga Caldeo, at ng mga manghuhula,
12palibhasa'y isang di-pangkaraniwang espiritu, kaalaman, at pagkaunawa na makapagpaliwanag ng mga panaginip at mga bugtong, at paglutas ng mga suliranin ang natagpuan sa Daniel na iyon, na pinangalanan ng hari na Belteshasar. Ipatawag si Daniel, at kanyang ihahayag ang kahulugan.”
Ipinaliwanag ni Daniel ang Nakasulat
13Nang magkagayo'y dinala si Daniel sa harapan ng hari. Sinabi ng hari kay Daniel, “Ikaw ba si Daniel na isa sa mga bihag mula sa Juda, na kinuha sa Juda ng aking amang hari?
14Nabalitaan ko na ang espiritu ng mga banal na diyos ay nasa iyo, at ang liwanag at pagkaunawa at di-pangkaraniwang karunungan ay natagpuan sa iyo.
15Ang mga pantas at mga engkantador ay dinala sa harapan ko upang kanilang basahin ang sulat na ito, at ipaalam sa akin ang kahulugan nito, ngunit hindi nila maipaliwanag ang kahulugan nito.
16Ngunit nabalitaan ko na ikaw ay nakapagbibigay ng mga kahulugan at nakakalutas ng mga suliranin. Kung iyo ngang mababasa ang nakasulat, at maipaalam sa akin ang kahulugan, ikaw ay daramtan ng kulay ube. Magkakaroon ka ng kuwintas na ginto sa palibot ng iyong leeg, at ikaw ay magiging ikatlong puno sa kaharian.”
17Nang magkagayo'y sumagot si Daniel sa harapan ng hari, “Iyo na ang iyong mga kaloob, o ibigay mo ang iyong mga gantimpala sa iba! Gayunma'y aking babasahin sa hari ang nakasulat at ipapaalam ko sa kanya ang kahulugan.
18O hari, ang Kataas-taasang Diyos ay nagbigay kay Nebukadnezar na iyong ama ng kaharian, kadakilaan, kaluwalhatian, at kamahalan.
19Dahil sa kadakilaang ibinigay niya sa kanya, nanginig at natakot sa harapan niya ang lahat ng mga bayan, mga bansa, at wika. Ang ibig niyang patayin ay kanyang pinapatay, at ang ibig niyang buhayin ay kanyang hinahayaang mabuhay. Ang ibig niyang itaas ay kanyang itinataas, at ang ibig niyang ibaba ay kanyang ibinababa.
20Ngunit nang ang kanyang puso ay magpakataas, at ang kanyang espiritu ay magmatigas at siya'y nag-asal na may kapalaluan, siya'y pinatalsik sa kanyang trono ng pagkahari, at ang kanyang kaluwalhatian ay inalis sa kanya.
21Siya'y pinalayas mula sa mga anak ng mga tao, at ang kanyang puso ay naging gaya ng sa hayop, at ang kanyang tahanan ay kasama ng maiilap na mga asno. Siya'y pinakain ng damo na gaya ng mga baka, at ang kanyang katawan ay nabasa ng hamog ng langit; hanggang sa kanyang kilalanin na ang Kataas-taasang Diyos ay naghahari sa kaharian ng mga tao, at iniluluklok niya roon ang sinumang kanyang maibigan.
22Ngunit ikaw na kanyang anak, O Belshasar, ay hindi mo pinapagkumbaba ang iyong puso, bagaman iyong nalalaman ang lahat ng ito!
23Itinaas mo ang iyong sarili laban sa Panginoon ng langit! Kanilang dinala ang mga sisidlan ng kanyang bahay sa harapan mo, at ikaw, at ang iyong mga maharlika, ang iyong mga asawa at ang iyong mga asawang-lingkod, ay uminom ng alak mula sa mga iyon. Pinuri mo ang mga diyos na pilak, ginto, tanso, bakal, kahoy at bato, na hindi nakakakita, nakakarinig, o nakakaalam man. Ngunit ang Diyos na may hawak sa iyong paghinga, at sa kanya ang lahat mong mga lakad, ay hindi mo niluwalhati.
24Kaya't mula sa kanyang harapan ay sinugo niya ang kamay, at ang sulat na ito'y iniukit.
25At ito ang sulat na iniukit: MENE, MENE, TEKEL, UPHARSIN.
26Ito ang kahulugan ng bagay: MENE; binilang na ng Diyos ang mga araw ng iyong kaharian, at ito ay winakasan.
27TEKEL; ikaw ay tinimbang sa timbangan at natuklasang kulang.
28PERES;#5:28 o Upharsin. ang iyong kaharian ay hinati at ibinigay sa mga taga-Media at taga-Persia.”
29Nang magkagayo'y nag-utos si Belshasar, at dinamitan nila si Daniel ng kulay ube, at kuwintas na ginto ang inilagay sa palibot ng leeg niya. Gumawa siya ng pahayag tungkol sa kanya, na siya'y dapat maging ikatlong pinuno sa kaharian.
30Nang gabing iyon ay napatay si Belshasar na hari ng mga Caldeo.
31At tinanggap ni Dario na taga-Media ang kaharian, siya noo'y halos animnapu't dalawang taong gulang.

Kasalukuyang Napili:

DANIEL 5: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in