Ang haring si Belshasar ay nagdaos ng malaking handaan sa isang libo niyang mga maharlika, at uminom siya ng alak sa harapan ng isang libo.
Nang matikman ni Haring Belshasar ang alak, ipinag-utos niya na dalhin doon ang mga sisidlang ginto at pilak na kinuha ni Nebukadnezar na kanyang ama sa templo na nasa Jerusalem, upang mainuman ng hari, ng kanyang mga maharlika, ng kanyang mga asawa, at ng kanyang mga asawang-lingkod.
Kaya't dinala nila ang mga sisidlang ginto at pilak na inilabas sa templo, na bahay ng Diyos na nasa Jerusalem. Ang mga ito ay ininuman ng hari, ng kanyang mga maharlika, ng kanyang mga asawa, at ng kanyang mga asawang-lingkod.
Sila'y nag-inuman ng alak, at nagpuri sa mga diyos na ginto, pilak, tanso, bakal, kahoy, at bato.
Nang oras ding iyon ay may lumitaw na mga daliri ng kamay ng tao at sumulat sa palitada ng pader ng palasyo ng hari, sa tapat ng ilawan at nakita ng hari ang bahagi ng kamay nang ito ay sumusulat.
Nang magkagayo'y namutla ang mukha ng hari, at binagabag siya ng kanyang mga pag-iisip. Ang pagkakasugpong ng kanyang mga balakang ay halos nakalag, at ang kanyang mga tuhod ay nagka-umpugan.
Ang hari ay sumigaw nang malakas upang papasukin ang mga engkantador, mga Caldeo, at mga manghuhula. Ang hari ay nagsalita sa mga pantas ng Babilonia, “Sinumang makakabasa ng sulat na ito, at makapagpaliwanag sa akin ng kahulugan nito ay susuotan ng kulay ube, magkakaroon ng kuwintas na ginto sa palibot ng kanyang leeg, at magiging ikatlong pinuno sa kaharian.”
Nang magkagayo'y pumasok ang lahat ng pantas ng hari, ngunit hindi nila mabasa ang sulat, o maipaliwanag man sa hari ang kahulugan nito.
Kaya't lubhang nabagabag si Haring Belshasar, at ang kanyang kulay ay nabago, at ang kanyang mga maharlika ay nalito.
Ang reyna, dahil sa mga salita ng hari at ng kanyang mga maharlika, ay pumasok sa bulwagang pinagdarausan ng kasayahan. Nagsalita ang reyna at sinabi, “O hari, mabuhay ka magpakailanman! Huwag kang bagabagin ng iyong mga pag-iisip, o mamutla man ang iyong mukha.
May isang lalaki sa iyong kaharian na may espiritu ng mga banal na diyos. Sa mga araw ng iyong ama, natagpuan sa kanya ang liwanag, pagkaunawa, at karunungan, na gaya ng karunungan ng mga diyos. Ginawa siya ni Haring Nebukadnezar, na iyong ama, bilang puno ng mga salamangkero, mga engkantador, mga Caldeo, at ng mga manghuhula,
palibhasa'y isang di-pangkaraniwang espiritu, kaalaman, at pagkaunawa na makapagpaliwanag ng mga panaginip at mga bugtong, at paglutas ng mga suliranin ang natagpuan sa Daniel na iyon, na pinangalanan ng hari na Belteshasar. Ipatawag si Daniel, at kanyang ihahayag ang kahulugan.”
Nang magkagayo'y dinala si Daniel sa harapan ng hari. Sinabi ng hari kay Daniel, “Ikaw ba si Daniel na isa sa mga bihag mula sa Juda, na kinuha sa Juda ng aking amang hari?
Nabalitaan ko na ang espiritu ng mga banal na diyos ay nasa iyo, at ang liwanag at pagkaunawa at di-pangkaraniwang karunungan ay natagpuan sa iyo.
Ang mga pantas at mga engkantador ay dinala sa harapan ko upang kanilang basahin ang sulat na ito, at ipaalam sa akin ang kahulugan nito, ngunit hindi nila maipaliwanag ang kahulugan nito.
Ngunit nabalitaan ko na ikaw ay nakapagbibigay ng mga kahulugan at nakakalutas ng mga suliranin. Kung iyo ngang mababasa ang nakasulat, at maipaalam sa akin ang kahulugan, ikaw ay daramtan ng kulay ube. Magkakaroon ka ng kuwintas na ginto sa palibot ng iyong leeg, at ikaw ay magiging ikatlong puno sa kaharian.”
Nang magkagayo'y sumagot si Daniel sa harapan ng hari, “Iyo na ang iyong mga kaloob, o ibigay mo ang iyong mga gantimpala sa iba! Gayunma'y aking babasahin sa hari ang nakasulat at ipapaalam ko sa kanya ang kahulugan.