Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

DANIEL 4:1-27

DANIEL 4:1-27 ABTAG01

Si Nebukadnezar na hari, sa lahat ng bayan, mga bansa, at wika na naninirahan sa buong lupa: Nawa'y sumagana sa inyo ang kapayapaan! Inaakala kong mabuting ipahayag ang mga tanda at mga kababalaghang ginawa para sa akin ng Kataas-taasang Diyos. Napakadakila ng kanyang mga tanda! at makapangyarihan ang kanyang mga kababalaghan! Ang kanyang kaharian ay walang hanggang kaharian, at ang kanyang kapangyarihan ay mula sa salinlahi hanggang sa salinlahi. Akong si Nebukadnezar ay nagpapahinga sa aking bahay, at namumuhay nang sagana sa aking palasyo. Ako'y nakakita ng isang panaginip na tumakot sa akin; habang ako'y nakahiga sa aking higaan, ang mga guni-guni at mga pangitain ay bumagabag sa akin. Kaya't ipinag-utos ko na iharap sa akin ang lahat ng pantas sa Babilonia, upang kanilang ipaalam sa akin ang kahulugan ng panaginip. Nang magkagayo'y dumating ang mga salamangkero, mga engkantador, mga Caldeo, at ang mga manghuhula, at isinalaysay ko sa kanila ang panaginip, ngunit hindi nila maipaalam sa akin ang kahulugan nito. Ngunit sa wakas dumating sa harap ko si Daniel, na ang pangala'y Belteshasar, ayon sa pangalan ng aking diyos, at siyang kinaroroonan ng espiritu ng mga banal na diyos; at isinalaysay ko sa kanya ang panaginip: O Belteshasar, na puno ng mga salamangkero, sapagkat nalalaman ko na ang espiritu ng mga banal na diyos ay nasa iyo, at walang hiwagang napakahirap para sa iyo, narito ang panaginip na aking nakita, sabihin mo sa akin ang kahulugan nito. Ngayon ay ganito ang mga pangitain sa aking pag-iisip habang ako'y nasa higaan: Ako'y nakatingin, at narito, may isang punungkahoy sa gitna ng lupa, at ito'y napakataas. Ang punungkahoy ay lumaki, at naging matibay, at ang tuktok nito'y umabot hanggang sa langit, at ito'y natatanaw hanggang sa dulo ng buong lupa. Ang mga dahon nito'y magaganda, at ang bunga nito'y marami, at doo'y may pagkain para sa lahat. Ang mga hayop sa parang ay may lilim sa ilalim nito, at ang mga ibon sa himpapawid ay nagpupugad sa mga sanga nito, at ang lahat na tao ay pinakakain mula roon. “Aking nakita sa mga pangitain sa aking pag-iisip habang ako'y nakahiga sa aking higaan, at nakita ko ang isang bantay, isang banal ang bumaba mula sa langit. Siya'y sumigaw nang malakas at nagsabi ng ganito, ‘Ibuwal ang punungkahoy at putulin ang kanyang mga sanga, lagasin ang mga dahon at ikalat ang kanyang mga bunga; paalisin ang mga hayop sa ilalim nito at ang mga ibon sa kanyang mga sanga. Gayunma'y inyong iwan ang tuod ng kanyang mga ugat sa lupa, na gapos ng bakal at tanso sa gitna ng murang damo sa parang. Hayaan siyang mabasa ng hamog ng langit, hayaan siyang makasama ng mga hayop sa damo ng lupa. Hayaang ang kanyang isipan na pusong tao ay mapalitan at puso ng hayop ang ibigay sa kanya; at hayaang ang pitong mga panahon ay lumipas sa kanya. Ang hatol na ito ay sa pamamagitan ng utos ng mga bantay, ang pasiya ay sa pamamagitan ng salita ng mga banal; upang malaman ng mga may buhay na ang Kataas-taasan ay namumuno sa kaharian ng mga tao, at ibinibigay niya ito sa kaninumang kanyang naisin, at pinamumuno niya rito ang pinakamababa sa mga tao.’ Akong si Haring Nebukadnezar ay nakakita ng panaginip na ito. At ngayon ikaw, O Belteshasar, ipahayag mo ang kahulugan, sapagkat lahat ng pantas sa aking kaharian ay hindi makapagpahayag sa akin ng kahulugan, ngunit magagawa mo sapagkat ang espiritu ng mga banal na diyos ay nasa iyo.” Nang magkagayon, si Daniel na tinatawag na Belteshasar ay sandaling nabagabag at ikinatakot niya ang nasa kanyang isipan. Sinabi ng hari, “Belteshasar, huwag kang mabagabag dahil sa panaginip, o sa kahulugan.” Si Belteshasar ay sumagot, “Aking panginoon, ang panaginip nawa ay para sa napopoot sa iyo, at ang kahulugan nito'y mangyari nawa sa iyong mga kaaway! Ang punungkahoy na iyong nakita na tumubo at naging matibay, na ang taas ay umabot sa langit, at ito'y natatanaw sa buong lupa; na ang mga daho'y magaganda, at ang bunga nito'y marami, at naging pagkain para sa lahat; na sa lilim nito ay tumitira ang mga hayop sa parang, at sa kanyang mga sanga'y dumadapo ang mga ibon sa himpapawid— ikaw iyon, O hari, na naging napakalaki at matibay. Ang iyong kadakilaan ay lumaki at umaabot hanggang sa langit, at ang iyong kapangyarihan ay hanggang sa dulo ng lupa. At yamang nakita ng hari ang isang bantay at isang banal na bumababa mula sa langit, at nagsasabi, ‘Ibuwal ninyo ang punungkahoy at inyong wasakin, ngunit itira ninyo ang tuod ng mga ugat nito sa lupa na gapos ng bakal at tanso, sa sariwang damo sa parang. Bayaang mabasa siya ng hamog ng langit, at makasama siya ng mga hayop sa parang, hanggang sa ang pitong panahon ay lumipas sa kanya’— ito ang kahulugan, O hari, at ito ay utos ng Kataas-taasan na sumapit sa aking panginoong hari: Ikaw ay palalayasin mula sa mga tao, at ang iyong tahanan ay kasama ng mga hayop sa parang. Ikaw ay pakakainin ng damo na gaya ng mga baka, at mababasa ka ng hamog ng langit. Pitong panahon ang lilipas sa iyo hanggang sa iyong malaman na ang Kataas-taasan ay namumuno sa kaharian ng mga tao, at ibinibigay ito sa sinumang maibigan niya. Kung paanong iniutos na iwan ang tuod ng mga ugat ng kahoy; ang iyong kaharian ay magiging tiyak para sa iyo, mula sa panahon na iyong malaman na ang Langit ang namumuno. Kaya't, O hari, tanggapin mo nawa ang aking payo: putulin mo na ang iyong mga kasalanan sa pamamagitan ng paggawa ng katuwiran, at ang iyong mga kasamaan sa pamamagitan ng pagpapakita ng kaawaan sa naaapi, upang humaba pa ang iyong kasaganaan.”

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa DANIEL 4:1-27