Kaya't nang panahong iyon ay nagsilapit ang ilang Caldeo, at nagbigay ng mga paratang laban sa mga Judio.
Sila'y sumagot at sinabi sa haring si Nebukadnezar, “O hari, mabuhay ka magpakailanman!
Ikaw, O hari, ay gumawa ng utos na bawat taong makarinig sa tunog ng tambuli, plauta, alpa, sambuko, salterio, tambol, at ng iba pang mga panugtog, ay magpapatirapa at sasamba sa rebultong ginto.
At sinumang hindi magpatirapa at sumamba ay ihahagis sa gitna ng hurno ng nagniningas na apoy.
May ilang mga Judio na iyong itinalaga sa pamamahala sa lalawigan ng Babilonia na sina Shadrac, Meshac, at Abednego. O hari, ang mga lalaking ito ay hindi nakinig sa iyo. Sila'y hindi naglilingkod sa iyong mga diyos, ni nagsisisamba man sa rebultong ginto na iyong itinayo.”
Kaya't sa poot at galit ay ipinag-utos ni Nebukadnezar na dalhin sa kanya sina Shadrac, Meshac, at Abednego. Dinala nga nila ang mga lalaking ito sa harapan ng hari.
Sumagot si Nebukadnezar at sinabi sa kanila, “O Shadrac, Meshac, at Abednego, totoo ba na kayo'y hindi naglilingkod sa aking diyos, ni nagsisisamba man sa rebultong ginto na aking itinayo?
Mabuti kung kayo'y handa ngayon na magpatirapa at sumamba sa rebultong ginawa ko sa sandaling inyong marinig ang tunog ng tambuli, plauta, alpa, sambuko, salterio, tambol, at ng iba pang mga panugtog. Ngunit kapag kayo'y hindi sasamba, kayo'y kaagad na ihahagis sa gitna ng hurno ng nagniningas na apoy; at sinong diyos ang magliligtas sa inyo sa aking mga kamay?”
Sina Shadrac, Meshac, at Abednego ay sumagot sa hari, “O Nebukadnezar, hindi namin kailangang sagutin ka sa bagay na ito.
Kung mangyayari na ang aming Diyos na pinaglilingkuran namin ay makapagliligtas sa amin sa hurno ng nagniningas na apoy; ay hayaang iligtas niya kami sa iyong kamay, O hari.
Ngunit kung sakali mang hindi, dapat mong malaman, O hari, na hindi kami maglilingkod sa iyong mga diyos, ni sasamba man sa rebultong ginto na iyong ipinatayo.”
Kaya't napuno ng galit si Nebukadnezar, at ang anyo ng kanyang mukha ay nagbago laban kina Shadrac, Meshac, at Abednego. Siya'y nagsalita at iniutos na painitin ang hurno ng pitong ulit na higit kaysa dating init nito.
Kanyang inutusan ang ilang magigiting na mandirigma mula sa kanyang hukbo na gapusin sina Shadrac, Meshac, at Abednego, at sila'y ihagis sa hurno ng nagniningas na apoy.
Ang mga lalaking ito'y tinalian na may mga suot, may tunika, at may balabal, at may ibang mga kasuotan, at sila'y inihagis sa gitna ng hurno ng nagniningas na apoy.
Sapagkat ang utos ng hari ay pang-madalian at ang hurno ay lubhang pinainit, pinatay ng liyab ng apoy ang mga lalaking bumuhat kina Shadrac, Meshac, at Abednego.
Ngunit ang tatlong lalaking ito, sina Shadrac, Meshac, at Abednego, ay bumagsak na nakagapos sa gitna ng hurno ng nagniningas na apoy.
Kaya't ang haring si Nebukadnezar ay nagtaka at nagmamadaling tumindig. Sinabi niya sa kanyang mga tagapayo, “Di ba tatlong nakagapos na lalaki ang ating inihagis sa apoy?” Sila'y sumagot sa hari, “Totoo, O hari.”
Siya'y sumagot, “Tingnan ninyo, ang nakikita ko'y apat na lalaki na hindi nakagapos na naglalakad sa gitna ng apoy at sila'y walang paso at ang anyo ng ikaapat ay gaya ng isang anak ng mga diyos.”
Nang magkagayo'y lumapit si Nebukadnezar sa pintuan ng hurno ng nagniningas na apoy at sinabi, “Shadrac, Meshac, at Abednego, mga lingkod ng Kataas-taasang Diyos, lumabas kayo at pumarito kayo!” Kaya't sina Shadrac, Meshac, at Abednego ay lumabas mula sa kalagitnaan ng apoy.
At ang mga tagapangasiwa ng lalawigan, mga kinatawan, mga gobernador, at ang mga tagapayo ng hari ay nagtipun-tipon at nakita na ang apoy ay hindi nagkaroon ng anumang kapangyarihan sa katawan ng mga lalaking ito. Ang mga buhok ng kanilang mga ulo ay hindi nadarang, ni nasunog man ang kanila mga suot, ni nag-amoy apoy man sila.
Nagsalita si Nebukadnezar at sinabi, “Purihin ang Diyos nina Shadrac, Meshac, at Abednego, na nagsugo ng kanyang anghel at nagligtas sa kanyang mga lingkod na nagtiwala sa kanya. Kanilang sinuway ang utos ng hari, at isinuko ang kanilang mga katawan kaysa maglingkod o sumamba sa sinumang diyos maliban sa kanilang sariling Diyos.
Kaya't ako'y nag-uutos na ang bawat bayan, bansa, at wika, na magsalita ng anumang masama laban sa Diyos nina Shadrac, Meshac, at Abednego, ay pagpuputul-putulin, at ang kanilang mga bahay ay gagawing bunton ng basura, sapagkat walang ibang diyos na makapagliligtas sa ganitong paraan.”
Nang magkagayo'y, itinaas ng hari sa katungkulan sina Shadrac, Meshac, at Abednego sa lalawigan ng Babilonia.