Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

DANIEL 10:1-14

DANIEL 10:1-14 ABTAG01

Nang ikatlong taon ni Ciro na hari ng Persia, nahayag ang isang salita kay Daniel, na ang pangala'y Belteshasar. Ang salita ay totoo, at iyon ay tungkol sa isang malaking paglalaban. At kanyang naunawaan ang salita at naunawaan ang pangitain. Nang mga araw na iyon, akong si Daniel ay nagluluksa sa loob ng buong tatlong sanlinggo. Hindi ako kumain ng masarap na pagkain, ni pumasok man ang karne, ni alak sa aking bibig, ni nagpahid man ako ng langis sa loob ng buong tatlong sanlinggo. Nang ikadalawampu't apat na araw ng unang buwan, habang ako'y nasa pampang ng malaking ilog na Hiddekel, aking itiningin ang aking paningin at tumanaw, at nakita ko ang isang lalaki na may suot ng telang lino, na ang mga balakang ay binigkisan ng ginto ng Uphaz. Ang kanyang katawan ay gaya ng berilo, ang kanyang mukha ay gaya ng anyo ng kidlat, ang kanyang mga mata ay gaya ng nagliliyab na sulo, ang kanyang mga kamay at mga paa ay gaya ng kislap ng pinakintab na tanso, at ang tunog ng kanyang mga salita ay gaya ng ingay ng napakaraming tao. Akong si Daniel lamang ang nakakita sa pangitaing iyon; hindi nakita ng mga lalaking kasama ko ang pangitain, gayunma'y dumating sa kanila ang isang matinding takot, at sila'y tumakas upang magkubli. Kaya't iniwan akong nag-iisa, at nakita ko ang dakilang pangitaing ito. Walang lakas na naiwan sa akin, at ang aking kulay ay namutlang parang patay at walang nanatiling lakas sa akin. Ngunit narinig ko ang tunog ng kanyang mga salita; at nang aking marinig ang tunog ng kanyang mga salita, ang mukha ko'y napasubasob sa lupa sa isang mahimbing na pagkakatulog. Ngunit di nagtagal, narito, isang kamay ang humipo sa akin at ako'y itinayo na nanginginig ang aking mga kamay at mga tuhod. At sinabi niya sa akin, “O Daniel, ikaw na lalaking pinakamamahal, unawain mo ang mga salita na aking sasabihin sa iyo. Tumayo ka nang matuwid sapagkat sa iyo'y sinugo ako ngayon.” Nang kanyang masabi ang salitang ito sa akin, ako'y tumayo na nanginginig. Pagkatapos ay sinabi niya sa akin, “Huwag kang matakot, Daniel, sapagkat mula nang unang araw na iyong ilagak ang iyong isipan sa pagkaunawa, at magpakababa sa iyong Diyos, ang iyong mga salita ay pinakinggan, at ako'y pumarito dahil sa iyong mga salita. Ngunit hinadlangan ako ng pinuno ng kaharian ng Persia sa loob ng dalawampu't isang araw. Kaya't si Miguel na isa sa mga punong prinsipe ay dumating upang tulungan ako. At ako'y naiwan doon kasama ng mga hari ng Persia. Pumarito ako upang ipaunawa sa iyo kung ano ang mangyayari sa iyong bayan sa mga huling araw. Sapagkat mayroon pang pangitain para sa mga araw na iyon.”

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa DANIEL 10:1-14