Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

COLOSAS 3:12-24

COLOSAS 3:12-24 ABTAG01

Bilang mga hinirang ng Diyos, mga banal at minamahal, magbihis kayo ng kahabagan, ng kabaitan, ng kababaang-loob, ng kaamuan, at ng katiyagaan. Pagtiisan ninyo ang isa't isa, at kung ang sinuman ay may reklamo laban sa kanino man, magpatawaran kayo sa isa't isa, kung paanong pinatawad kayo ng Panginoon, ay gayundin naman ang inyong gawin. At higit sa lahat ng mga bagay na ito ay magbihis kayo ng pag-ibig na siyang tali ng kasakdalan. At maghari sa inyong puso ang kapayapaan ni Cristo, na doon ay tinawag din naman kayo sa isang katawan. At kayo'y maging mapagpasalamat. Manirahan nawang sagana sa inyo ang salita ni Cristo ayon sa lahat ng karunungan; magturo at magpaalalahanan kayo sa isa't isa sa pamamagitan ng mga salmo at ng mga himno at mga awiting espirituwal, na umaawit na may pasasalamat sa Diyos sa inyong mga puso. At anumang inyong ginagawa, sa salita, o sa gawa, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus, na nagpapasalamat kayo sa Diyos Ama sa pamamagitan niya. Mga babae, pasakop kayo sa inyu-inyong asawa, gaya ng nararapat sa Panginoon. Mga lalaki, ibigin ninyo ang inyu-inyong asawa at huwag kayong maging malupit sa kanila. Mga anak, sumunod kayo sa inyong mga magulang sa lahat ng mga bagay, sapagkat ito'y nakakalugod sa Panginoon. Mga ama, huwag ninyong ibunsod sa galit ang inyong mga anak, baka manghina ang loob nila. Mga alipin, sumunod kayo sa lahat ng mga bagay sa mga panginoon ninyo sa lupa, hindi naglilingkod kung may tumitingin, na gaya ng pagbibigay-lugod sa mga tao, kundi sa katapatan ng puso, na may takot sa Panginoon. Anuman ang inyong ginagawa, ay inyong gawin ng buong puso, na gaya ng sa Panginoon, at hindi sa mga tao; yamang inyong nalalaman na sa Panginoon ay tatanggapin ninyo ang gantimpalang mana. Paglingkuran ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo.