Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

COLOSAS 3:1-25

COLOSAS 3:1-25 ABTAG01

Kung kayo nga'y muling binuhay na kasama ni Cristo, ay hanapin ninyo ang mga bagay na nasa itaas, na kinaroroonan ni Cristo, na nakaupo sa kanan ng Diyos. Ituon ninyo ang inyong pag-iisip sa mga bagay na nasa itaas, hindi sa mga bagay na nasa ibabaw ng lupa, sapagkat kayo'y namatay na, at ang inyong buhay ay natatagong kasama ni Cristo sa Diyos. Kapag si Cristo na inyong buhay ay nahayag, ay mahahayag nga rin kayo na kasama niya sa kaluwalhatian. Patayin ninyo ang anumang makalupa na nasa inyo: pakikiapid, karumihan, masamang pita, masasamang pagnanasa, at kasakiman na ito'y pagsamba sa mga diyus-diyosan. Dahil sa mga bagay na ito ay dumarating ang poot ng Diyos sa mga anak ng pagsuway. Ang mga ito rin ang nilakaran ninyo noong una, nang kayo'y nabubuhay pa sa mga bagay na ito. Ngunit ngayon ay itakuwil ninyo ang lahat ng mga ito: galit, poot, masamang pag-iisip, panlalait, at maruming pananalita mula sa inyong bibig. Huwag kayong magsinungaling sa isa't isa, yamang hinubad na ninyo ang dating pagkatao pati ang mga gawa nito, at kayo'y nagbihis na ng bagong pagkatao, na binabago sa kaalaman ayon sa larawan ng lumalang sa kanya. Dito'y wala ng Griyego at Judio, tuli at di-tuli, ng barbaro, ng Scita, ng alipin, ng malaya; kundi si Cristo ang lahat at nasa lahat! Bilang mga hinirang ng Diyos, mga banal at minamahal, magbihis kayo ng kahabagan, ng kabaitan, ng kababaang-loob, ng kaamuan, at ng katiyagaan. Pagtiisan ninyo ang isa't isa, at kung ang sinuman ay may reklamo laban sa kanino man, magpatawaran kayo sa isa't isa, kung paanong pinatawad kayo ng Panginoon, ay gayundin naman ang inyong gawin. At higit sa lahat ng mga bagay na ito ay magbihis kayo ng pag-ibig na siyang tali ng kasakdalan. At maghari sa inyong puso ang kapayapaan ni Cristo, na doon ay tinawag din naman kayo sa isang katawan. At kayo'y maging mapagpasalamat. Manirahan nawang sagana sa inyo ang salita ni Cristo ayon sa lahat ng karunungan; magturo at magpaalalahanan kayo sa isa't isa sa pamamagitan ng mga salmo at ng mga himno at mga awiting espirituwal, na umaawit na may pasasalamat sa Diyos sa inyong mga puso. At anumang inyong ginagawa, sa salita, o sa gawa, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus, na nagpapasalamat kayo sa Diyos Ama sa pamamagitan niya. Mga babae, pasakop kayo sa inyu-inyong asawa, gaya ng nararapat sa Panginoon. Mga lalaki, ibigin ninyo ang inyu-inyong asawa at huwag kayong maging malupit sa kanila. Mga anak, sumunod kayo sa inyong mga magulang sa lahat ng mga bagay, sapagkat ito'y nakakalugod sa Panginoon. Mga ama, huwag ninyong ibunsod sa galit ang inyong mga anak, baka manghina ang loob nila. Mga alipin, sumunod kayo sa lahat ng mga bagay sa mga panginoon ninyo sa lupa, hindi naglilingkod kung may tumitingin, na gaya ng pagbibigay-lugod sa mga tao, kundi sa katapatan ng puso, na may takot sa Panginoon. Anuman ang inyong ginagawa, ay inyong gawin ng buong puso, na gaya ng sa Panginoon, at hindi sa mga tao; yamang inyong nalalaman na sa Panginoon ay tatanggapin ninyo ang gantimpalang mana. Paglingkuran ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo. Sapagkat ang gumagawa ng masama ay pagbabayarin sa kasamaang kanyang ginawa; at walang itinatanging tao.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa COLOSAS 3:1-25