Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

COLOSAS 1:9-23

COLOSAS 1:9-23 ABTAG01

Kaya't mula nang araw na aming marinig ito, hindi kami tumigil ng pananalangin para sa inyo at sa paghiling na kayo'y punuin ng kaalaman ng kanyang kalooban sa buong karunungan at pagkaunawang espirituwal, upang kayo'y lumakad nang nararapat sa Panginoon, na lubos na nakakalugod sa kanya, namumunga sa bawat gawang mabuti, at lumalago sa pagkakilala sa Diyos. Nawa'y palakasin kayo sa buong kapangyarihan, ayon sa kalakasan ng kanyang kaluwalhatian, para sa lahat ng katatagan at pagtitiyaga na may galak; na nagpapasalamat sa Ama, na ginawa niya tayong karapat-dapat na makabahagi sa mana ng mga banal sa kaliwanagan. Iniligtas niya tayo sa kapangyarihan ng kadiliman at inilipat tayo sa kaharian ng kanyang minamahal na Anak, na sa kanya ay mayroon tayong katubusan, na siyang kapatawaran ng mga kasalanan. Siya ang larawan ng Diyos na hindi nakikita, ang panganay sa lahat ng mga nilalang; sapagkat sa pamamagitan niya nilalang ang lahat ng mga bagay sa langit at sa lupa, ang mga bagay na nakikita at ang mga bagay na hindi nakikita, maging mga trono o mga pagka-panginoon, maging mga pinuno o mga may kapangyarihan—lahat ng mga bagay ay nilalang sa pamamagitan niya at para sa kanya. Siya mismo ay una sa lahat ng mga bagay, at ang lahat ng mga bagay ay nahahawakang sama-sama sa kanya. Siya ang ulo ng katawan, ang iglesya; siya ang pasimula, ang panganay mula sa mga patay, upang siya ay maging pangunahin sa lahat ng mga bagay. Sapagkat minagaling na ang buong kapuspusan ay manirahan sa kanya, at sa pamamagitan niya ay pagkasunduin ng Diyos sa kanyang sarili ang lahat ng mga bagay, sa lupa man o sa langit, na ginagawa ang kapayapaan sa pamamagitan ng dugo ng kanyang krus. At kayo, na nang dati ay hiwalay at mga kaaway sa pag-iisip, sa pamamagitan ng masasamang gawa, ay pinakipagkasundo niya ngayon sa kanyang katawang laman, sa pamamagitan ng kamatayan, upang kayo'y iharap na mga banal at walang dungis at walang kapintasan sa harapan niya, kung kayo'y nagpapatuloy na matatag at matibay sa pananampalataya, at hindi nakikilos sa pag-asa sa ebanghelyo na inyong narinig, na ipinangaral sa lahat ng mga nilalang sa silong ng langit. Akong si Pablo ay naging ministro ng ebanghelyong ito.