Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

COLOSAS 1:15-29

COLOSAS 1:15-29 ABTAG01

Siya ang larawan ng Diyos na hindi nakikita, ang panganay sa lahat ng mga nilalang; sapagkat sa pamamagitan niya nilalang ang lahat ng mga bagay sa langit at sa lupa, ang mga bagay na nakikita at ang mga bagay na hindi nakikita, maging mga trono o mga pagka-panginoon, maging mga pinuno o mga may kapangyarihan—lahat ng mga bagay ay nilalang sa pamamagitan niya at para sa kanya. Siya mismo ay una sa lahat ng mga bagay, at ang lahat ng mga bagay ay nahahawakang sama-sama sa kanya. Siya ang ulo ng katawan, ang iglesya; siya ang pasimula, ang panganay mula sa mga patay, upang siya ay maging pangunahin sa lahat ng mga bagay. Sapagkat minagaling na ang buong kapuspusan ay manirahan sa kanya, at sa pamamagitan niya ay pagkasunduin ng Diyos sa kanyang sarili ang lahat ng mga bagay, sa lupa man o sa langit, na ginagawa ang kapayapaan sa pamamagitan ng dugo ng kanyang krus. At kayo, na nang dati ay hiwalay at mga kaaway sa pag-iisip, sa pamamagitan ng masasamang gawa, ay pinakipagkasundo niya ngayon sa kanyang katawang laman, sa pamamagitan ng kamatayan, upang kayo'y iharap na mga banal at walang dungis at walang kapintasan sa harapan niya, kung kayo'y nagpapatuloy na matatag at matibay sa pananampalataya, at hindi nakikilos sa pag-asa sa ebanghelyo na inyong narinig, na ipinangaral sa lahat ng mga nilalang sa silong ng langit. Akong si Pablo ay naging ministro ng ebanghelyong ito. Ngayo'y nagagalak ako sa aking mga pagtitiis alang-alang sa inyo, at sa aking laman ay pinupunan ko ang kakulangan sa mga paghihirap ni Cristo alang-alang sa kanyang katawan, na siyang iglesya. Ako'y naging ministro nito, ayon sa katungkulang ipinagkatiwala ng Diyos sa akin para sa inyo, upang lubos na maipahayag ang salita ng Diyos, ang hiwaga na nakatago sa lahat ng mga panahon at mga salinlahi, ngunit ngayo'y ipinahayag sa kanyang mga banal. Sa kanila'y ninais ng Diyos na ipaalam kung gaano kalaki ang mga kayamanan ng kaluwalhatian ng hiwagang ito sa gitna ng mga Hentil, na ito'y si Cristo na nasa inyo, na siyang pag-asa sa kaluwalhatian. Siya ang aming ipinahahayag, na binabalaan ang bawat tao at tinuturuan ang bawat tao, sa buong karunungan, upang ang lahat ay maiharap naming sakdal kay Cristo. Dahil dito'y nagpapagal din naman ako at nagsisikap ayon sa kanyang paggawa na gumagawa sa akin na may kapangyarihan.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa COLOSAS 1:15-29