AMOS 8
8
Ang Pangitaing Kaing ng Prutas
1Ganito ang ipinakita ng Panginoong Diyos sa akin: isang kaing ng bungang-kahoy sa tag-init.
2At kanyang sinabi, “Amos, anong nakikita mo?” At aking sinabi, “Isang kaing ng mga bungang-kahoy sa tag-init.” Nang magkagayo'y sinabi ng Panginoon sa akin,
“Ang wakas ay dumating sa aking bayang Israel;
hindi na ako muling daraan sa kanila.
3At ang mga awit sa templo ay magiging mga panaghoy sa araw na iyon,” sabi ng Panginoong Diyos;
“darami ang mga bangkay
na itinatapon sa bawat dako. Tumahimik kayo!”
Ang Kapahamakan ng Israel
4Pakinggan ninyo ito, O kayong tumatapak sa nangangailangan,
upang inyong puksain ang mapagpakumbaba sa lupain,
5na sinasabi, “Kailan matatapos ang bagong buwan,
upang tayo'y makapagbili ng butil?
at ang Sabbath,
upang ating mabuksan ang bilihan ng trigo,
upang ating mapaliit ang efa, at mapalaki ang siklo,
at gumawa ng pandaraya sa pamamagitan ng maling timbangan;
6upang ating mabili ng pilak ang dukha,
at ng isang pares na sandalyas ang nangangailangan,
at maipagbili ang ipa ng trigo?”
7Ang Panginoon ay sumumpa sa pamamagitan ng kapalaluan ng Jacob:
“Tunay na hindi ko kalilimutan kailanman
ang alinman sa kanilang mga gawa.
8Hindi ba manginginig ang lupain dahil dito,
at mananaghoy ang bawat tumatahan doon?
Oo, lahat ng ito ay tataas na gaya ng Nilo,
at tatangayin ng alon at lulubog uli, gaya ng Nilo ng Ehipto?”
9“At sa araw na iyon,” sabi ng Panginoong Diyos,
“Aking palulubugin ang araw sa katanghaliang-tapat,
at aking padidilimin ang lupa sa maliwanag na sikat ng araw.
10At aking papalitan ng panangis ang inyong mga kapistahan,
at lahat ng inyong awit ay magiging panaghoy;
at ako'y maglalagay ng damit-sako sa lahat ng balakang,
at pagkakalbo sa bawat ulo;
at gagawin ko iyon na gaya ng pagtaghoy sa isang bugtong na anak,
at ang wakas niyon ay gaya ng mapait na araw.
Ang Taggutom sa Buong Lupa ay Ibinabala
11“Ang mga araw ay dumarating,” sabi ng Panginoong Diyos,
“na ako'y magpapasapit ng taggutom sa lupain,
hindi taggutom sa tinapay, o pagkauhaw sa tubig,
kundi sa pakikinig sa mga salita ng Panginoon.
12At sila'y lalaboy mula sa dagat hanggang sa dagat,
at mula sa hilaga hanggang sa silangan;
sila'y tatakbo ng paroo't parito
upang hanapin ang salita ng Panginoon,
at hindi nila ito matatagpuan.
13“Sa araw na iyon ay manlulupaypay sa uhaw
ang magagandang birhen at ang mga binata.
14Silang sumumpa sa pamamagitan ng Ashimah ng Samaria,
at nagsasabi, ‘Habang buháy ang diyos mo, O Dan;’
at, ‘Habang buháy ang daan ng Beer-seba;’
sila'y mabubuwal, at kailanma'y hindi na makakabangon.”
Kasalukuyang Napili:
AMOS 8: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001