Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA GAWA 8:1-26

MGA GAWA 8:1-26 ABTAG01

Si Saulo ay sumang-ayon sa pagpatay sa kanya. Nang araw na iyon, nagkaroon ng malawakang pag-uusig laban sa iglesya na nasa Jerusalem; at lahat ay nagkahiwa-hiwalay sa buong lupain ng Judea at Samaria, maliban sa mga apostol. Inilibing si Esteban ng mga taong masipag sa kabanalan, at sila'y tumangis nang malakas dahil sa kanya. Ngunit winawasak ni Saul ang iglesya sa pamamagitan ng pagpasok sa bahay-bahay, kinakaladkad ang mga lalaki't babae, at sila'y ipinapasok sa bilangguan. Ang mga nagkawatak-watak ay naglakbay na ipinangangaral ang salita. Si Felipe ay bumaba sa bayan ng Samaria at ipinangaral sa kanila ang Cristo. Ang maraming tao ay nagkakaisang nakikinig sa mga sinabi ni Felipe nang kanilang marinig siya at nakita ang mga tanda na ginawa niya. Sapagkat lumabas ang masasamang espiritu sa maraming sinapian na nagsisisigaw nang malakas; at maraming lumpo at pilay ang pinagaling. At nagkaroon ng malaking kagalakan sa lunsod na iyon. Ngunit may isang tao na ang pangalan ay Simon, na noong una ay gumagamit ng salamangka sa lunsod at pinahanga ang mga tao sa Samaria, ang nagsasabing siya'y isang dakila. Silang lahat ay nakinig sa kanya buhat sa pinakaaba hanggang sa pinakadakila, na sinasabi, “Ang taong ito ang kapangyarihan ng Diyos na tinatawag na Dakila.” Siya'y pinakinggan nila, sapagkat sa loob ng mahabang panahon ay kanyang pinahahanga sila ng kanyang mga salamangka. Ngunit nang naniwala sila kay Felipe na nangangaral ng mabuting balita tungkol sa kaharian ng Diyos at sa pangalan ni Jesu-Cristo, sila ay nabautismuhan, mga lalaki at mga babae. Maging si Simon mismo ay naniwala at pagkatapos mabautismuhan, nanatili siyang kasama ni Felipe. Namangha siya nang makakita ng mga tanda at ng mga dakilang himalang ginawa. Nang mabalitaan ng mga apostol na nasa Jerusalem na tinanggap ng Samaria ang salita ng Diyos, sinugo nila sa kanila sina Pedro at Juan. Ang dalawa ay bumaba at ipinanalangin sila upang kanilang tanggapin ang Espiritu Santo, sapagkat hindi pa ito dumarating sa kaninuman sa kanila, kundi sila'y nabautismuhan lamang sa pangalan ng Panginoong Jesus. Ipinatong nina Pedro at Juan ang kanilang mga kamay sa kanila at tinanggap nila ang Espiritu Santo. Nang makita ni Simon na ibinibigay ang Espiritu sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng mga apostol, sila'y inalok niya ng salapi, na sinasabi, “Bigyan din ninyo ako ng kapangyarihang ito, upang sinumang patungan ko ng aking mga kamay ay tumanggap ng Espiritu Santo.” Ngunit sinabi sa kanya ni Pedro, “Ang iyong salapi'y mapahamak na kasama mo, sapagkat inakala mong makukuha mo ang kaloob ng Diyos sa pamamagitan ng salapi! Wala kang bahagi ni karapatan man sa bagay na ito, sapagkat ang puso mo'y hindi matuwid sa harapan ng Diyos. Kaya't pagsisihan mo ang kasamaan mong ito. Manalangin ka sa Panginoon at baka sakaling ipatawad sa iyo ang hangarin ng iyong puso. Sapagkat nakikita kong ikaw ay nasa apdo ng kapaitan at nasa gapos ng kasamaan.” Sumagot si Simon, “Ipanalangin ninyo ako sa Panginoon upang wala sa mga sinabi ninyo ang mangyari sa akin.” Sina Pedro at Juan, pagkatapos na makapagpatotoo at masabi na nila ang salita ng Panginoon, ay bumalik sa Jerusalem na ipinangaral ang ebanghelyo sa maraming nayon ng mga Samaritano. Pagkatapos ay sinabi ng isang anghel ng Panginoon kay Felipe, “Tumindig ka at pumunta patungong timog, sa daang pababa mula sa Jerusalem patungong Gaza.” Ito'y isang ilang na daan.