Subalit hindi nagtagal at bumulusok ang isang maunos na hangin na tinatawag na Euraclidon.
Yamang inabutan ang barko at hindi makasalungat sa hangin, nagpadala na lamang kami at kami'y ipinadpad.
Sa paglalayag na nanganganlong sa isang maliit na pulo na tinatawag na Cauda, ay bahagya naming napatakbo ang bangka.
Nang maitaas na ito, gumawa sila ng paraan upang matalian ng lubid ang barko. Dahil sa takot na baka sila mapapadpad sa Sirte, ibinaba nila ang mga layag at sa gayo'y naanod sila.
Kami ay binabayo ng malakas na bagyo, kaya't nang sumunod na araw ay nagsimula silang magtapon ng mga kargamento sa dagat.
Nang ikatlong araw ay kanilang ipinagtatapon ang mga kasangkapan ng barko.
Nang hindi sumikat sa amin ang araw ni ang mga bituin man nang maraming araw, at humahampas pa rin sa amin ang isang malakas na bagyo, nawala ang buong pag-asa naming makakaligtas.
Sapagkat matagal na silang hindi kumakain, tumayo si Pablo sa gitna nila, at sinabi, “Mga ginoo, nakinig sana kayo sa akin, at hindi naglayag mula sa Creta, at naiwasan ang kapinsalaan at kapahamakang ito.
Ngayon ay ipinapakiusap ko sa inyo na inyong lakasan ang inyong loob sapagkat walang buhay na mapapahamak sa inyo, kundi ang barko lamang.
Sapagkat sa gabing ito ay tumayo sa tabi ko ang isang anghel ng Diyos na nagmamay-ari sa akin, at siya ko namang pinaglilingkuran,
na nagsasabi, ‘Huwag kang matakot, Pablo. Kailangan mong humarap kay Cesar. At tunay na ipinagkaloob ng Diyos ang kaligtasan sa lahat ng kasama mo sa paglalayag.’
Kaya, mga ginoo, lakasan ninyo ang inyong loob, sapagkat ako'y sumasampalataya sa Diyos na mangyayari ito ayon sa sinabi sa akin.
Subalit tayo'y kailangang mapadpad sa isang pulo.”
Nang dumating ang ikalabing-apat na gabi, samantalang kami'y ipinapadpad ng hangin sa kabila ng Dagat ng Adriatico, nang maghahating-gabi na ay inakala ng mga mandaragat na sila'y papalapit na sa lupa.
Nang kanilang tarukin ay nalamang dalawampung dipa; at pagkasulong ng kaunti ay tinarok nilang muli at nalamang may labinlimang dipa.
Sa takot naming mapapadpad sa batuhan, naghulog sila ng apat na angkla sa hulihan at nanalanging mag-umaga na.
Subalit nang magtangka ang mga mandaragat na makaalis sa barko at ibinaba ang bangka sa dagat, na ang idinadahilan ay maghuhulog sila ng mga angkla sa unahan,
ay sinabi ni Pablo sa senturion at sa mga kawal, “Malibang manatili ang mga taong ito sa barko, kayo'y hindi makakaligtas.”
Nang magkagayo'y pinutol ng mga kawal ang mga lubid ng bangka, at pinabayaang mahulog.
Nang mag-uumaga na, hinimok silang lahat ni Pablo na kumain, na sinasabi, “Ang araw na ito ang ikalabing-apat na araw na kayo'y naghihintay na walang kinakaing anuman.
Kaya't ipinapakiusap ko sa inyo na kayo'y kumain; ito ay para sa inyong kaligtasan, sapagkat hindi malalaglag kahit ang isang buhok sa ulo ng sinuman sa inyo.”
Nang masabi na niya ito, at makakuha ng tinapay, ay nagpasalamat siya sa Diyos sa harapan ng lahat. Ito'y kanyang pinagputul-putol at nagsimulang kumain.