Pagkatapos na tumigil ang kaguluhan, ipinatawag ni Pablo ang mga alagad at pagkatapos na mapangaralan sila ay nagpaalam sa kanila, at umalis patungo sa Macedonia.
Nang malakbay na niya ang mga lupaing ito, at mapalakas ang loob nila sa pamamagitan ng maraming salita ay nagtungo siya sa Grecia.
Doon ay nanatili siya ng tatlong buwan. Nang siya'y maglalakbay na patungong Siria, nagkaroon ng masamang balak ang mga Judio, kaya't ipinasiya niyang bumalik na dumaan sa Macedonia.
Siya'y sinamahan ni Sopatro na taga-Berea, na anak ni Pirro; ng mga taga-Tesalonica na sina Aristarco at Segundo, ni Gayo na taga-Derbe, at ni Timoteo, at ng taga-Asia na sina Tiquico at Trofimo.
Nauna ang mga ito at hinintay kami sa Troas,
ngunit naglakbay kami mula sa Filipos pagkaraan ng mga araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa, at sa loob ng limang araw ay dumating kami sa kanila sa Troas, kung saan kami tumigil ng pitong araw.
Nang unang araw ng sanlinggo, nang kami ay nagtitipon upang magputul-putol ng tinapay, si Pablo ay nagsalita sa kanila; yamang nagbabalak siya na umalis kinabukasan, nagpatuloy siya sa pagsasalita hanggang hatinggabi.
Maraming ilaw sa silid sa itaas na pinagtipunan namin.
At may isang binata na ang pangalan ay Eutico na nakaupo sa bintana. Nakatulog siya nang mahimbing samantalang si Pablo ay nagsasalita nang mahaba; at dahil natalo ng antok ay nahulog siya mula sa ikatlong palapag, at siya'y patay na binuhat.
Ngunit nanaog si Pablo, dumapa sa ibabaw niya, at siya'y niyakap na sinabi, “Huwag kayong mabahala sapagkat nasa kanya ang kanyang buhay.”
Nang si Pablo ay makapanhik na at makapagputul-putol na ng tinapay at makakain na, nakipag-usap siya sa kanila nang matagal hanggang sa sumikat ang araw, pagkatapos siya'y umalis na.
Kanilang dinalang buháy ang binata, at lubusan silang naaliw.
Ngunit nang nauna kami sa barko, naglakbay kami patungo sa Asos, na mula roon ay binabalak naming isama si Pablo, sapagkat gayon ang kanyang ipinasiya, na binalak niyang sa lupa maglakbay.
Nang salubungin niya kami sa Asos, siya'y isinama namin, at nakarating kami sa Mitilene.
Sa paglalakbay namin mula roon, dumating kami nang sumunod na araw sa tapat ng Chios. Nang sumunod na araw ay tumawid kami patungong Samos, at nakarating kami sa Mileto nang sumunod na araw.
Ipinasiya ni Pablo na lampasan ang Efeso, upang huwag na siyang gumugol ng panahon sa Asia; sapagkat siya'y nagmamadali na makarating sa Jerusalem, kung maaari ay sa araw ng Pentecostes.
Mula sa Mileto ay nagpasugo siya sa Efeso at ipinatawag ang matatanda ng iglesya.
Nang sila'y makarating sa kanya, ay sinabi niya sa kanila,
“Nalalaman ninyo kung paanong namuhay akong kasama ninyo sa buong panahon mula sa unang araw na ako'y tumuntong sa Asia,
na naglilingkod sa Panginoon ng buong kapakumbabaan at may luha, at may mga pagsubok na dumating sa akin dahil sa mga pagtatangka ng mga Judio.
Hindi ko ipinagkait na ipahayag sa inyo ang anumang bagay na kapaki-pakinabang, at hayag na nagtuturo sa inyo, at sa mga bahay-bahay,
na nagpapatotoo sa mga Judio at gayundin sa mga Griyego tungkol sa pagsisisi tungo sa Diyos at pananampalataya sa ating Panginoong Jesu-Cristo.
At ngayon, bilang bihag sa Espiritu ay patungo ako sa Jerusalem, na hindi nalalaman ang mga bagay na mangyayari sa akin doon;
maliban na ang Espiritu Santo ay nagpapatotoo sa akin sa bawat lunsod, na sinasabing ang mga tanikala at ang kapighatian ay naghihintay sa akin.
Ngunit hindi ko itinuturing ang aking buhay na mahalaga sa aking sarili, upang maganap ko lamang ang aking katungkulan at ang ministeryong tinanggap ko sa Panginoong Jesus, na magpatotoo sa magandang balita ng biyaya ng Diyos.
“At ngayon, nalalaman ko na kayong lahat na aking nilibot na pinapangaralan ng kaharian, ay hindi na muling makikita pa ang aking mukha.
Kaya nga pinatototohanan ko sa inyo sa araw na ito, na ako'y walang pananagutan sa dugo ng sinuman sa inyo,
sapagkat hindi ko ipinagkait na ipahayag sa inyo ang buong kapasiyahan ng Diyos.
Ingatan ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan. Sa kanila'y inilagay kayo ng Espiritu Santo na mga tagapangasiwa upang pangalagaan ninyo ang iglesya ng Diyos na binili niya ng kanyang sariling dugo.
Alam ko na pag-alis ko ay papasok sa kalagitnaan ninyo ang mababangis na asong-gubat na walang patawad sa kawan;
at lilitaw mula sa inyo na ring kasamahan ang mga taong magsasalita ng mga bagay na lihis, upang akitin ang mga alagad na sumunod sa kanila.
Kaya't kayo'y maging handa at alalahanin ninyo na sa loob ng tatlong taon ay hindi ako tumigil sa gabi at araw ng pagbibigay-babala na may pagluha sa bawat isa.
Ngayo'y ipinagkakatiwala ko kayo sa Diyos, at sa salita ng kanyang biyaya, na makapagpapatibay sa inyo at makapagbibigay sa inyo ng mana na kasama ng lahat na mga ginawang banal.
Hindi ko pinag-imbutan ang pilak, o ang ginto, o ang damit ninuman.
Kayo mismo ang nakakaalam na ang mga kamay na ito ay naglingkod sa aking mga pangangailangan at sa mga kasama ko.
Sa lahat ng bagay ay ipinakita ko sa inyo na sa ganitong paggawa ay dapat tulungan ang mahihina, at alalahanin ang mga salita ng Panginoong Jesus, na siya mismo ang nagsabi, ‘Higit na mapalad ang magbigay kaysa tumanggap.’”
Pagkatapos niyang magsalita ay lumuhod siya at nanalanging kasama nilang lahat.
At silang lahat ay nag-iyakan, niyakap si Pablo at siya'y hinagkan,
na ikinalulungkot higit sa lahat ang salitang sinabi niya, na siya'y hindi na nila makikita pang muli. Pagkatapos ay kanilang inihatid siya sa barko.