Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA GAWA 2:1-15

MGA GAWA 2:1-15 ABTAG01

Nang dumating ang araw ng Pentecostes, silang lahat ay nagkakatipon sa isang lugar. Biglang dumating mula sa langit ang isang ugong na gaya ng isang humahagibis na hanging malakas, at pinuno nito ang buong bahay kung saan sila'y nakaupo. Sa kanila'y may nagpakitang parang mga dilang apoy na nahahati at lumapag sa bawat isa sa kanila. Silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo, at nagsimulang magsalita ng iba't ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu. Noon ay may mga naninirahan sa Jerusalem na mga relihiyosong Judio, buhat sa bawat bansa sa ilalim ng langit. Dahil sa ugong na ito ay nagkatipon ang maraming tao at nagkagulo sapagkat naririnig nila ang bawat isa na nagsasalita sa kani-kanilang sariling wika. Sila ay nagtaka, namangha at nagsabi, “Tingnan ninyo, hindi ba mga taga-Galilea ang lahat ng mga nagsasalitang ito? Paanong naririnig natin, ng bawat isa sa atin, ang ating sariling wikang kinagisnan? Ang mga Parto, at mga Medo, at mga Elamita, at mga naninirahan sa Mesopotamia, sa Judea, at sa Capadocia, sa Ponto at sa Asia, sa Frigia at Pamfilia, sa Ehipto at sa mga lupain ng Libya na sakop ng Cirene at mga panauhing taga-Roma, mga Judio, at gayundin ang mga naging Judio, mga Creteo at mga Arabe, ay naririnig nating nagsasalita sa ating mga wika tungkol sa mga makapangyarihang gawa ng Diyos.” Silang lahat ay nagtaka at naguluhang sinasabi sa isa't isa, “Ano ang kahulugan nito?” Ngunit ang mga iba'y nanlilibak na nagsabi, “Sila'y lasing sa bagong alak.” Ngunit si Pedro, na nakatayong kasama ng labing-isa, ay nagtaas ng kanyang tinig, at nagpahayag sa kanila, “Kayong mga kalalakihan ng Judea at kayong lahat na naninirahan sa Jerusalem, malaman sana ninyo ito, at makinig kayo sa aking sasabihin. Ang mga ito'y hindi lasing, na gaya ng inyong inaakala, sapagkat ngayo'y ikatlong oras pa lamang.