Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA GAWA 19:21-41

MGA GAWA 19:21-41 ABTAG01

Pagkatapos mangyari ang mga bagay na ito, ipinasiya ni Pablo sa Espiritu, na dumaan sa Macedonia at sa Acaia, at pumaroon sa Jerusalem, na sinasabi, “Pagkapanggaling ko roon, ay kinakailangang makita ko rin ang Roma.” Isinugo niya sa Macedonia ang dalawa sa naglilingkod sa kanya, sina Timoteo at Erasto, samantalang siya ay tumigil nang ilang panahon sa Asia. Nang panahong iyon ay nagkaroon ng malaking gulo tungkol sa Daan. Sapagkat may isang tao na ang pangalan ay Demetrio, isang panday-pilak na gumagawa ng mga dambanang pilak ni Artemis, ay nagbibigay ng hindi maliit na pinagkakakitaan sa mga panday. Ang mga ito ay kanyang tinipon pati ang mga manggagawa ng mga gayong hanapbuhay, at sinabi, “Mga ginoo, alam ninyo na mula sa gawaing ito ay mayroon tayong pakinabang. Inyo ring nakikita at naririnig na hindi lamang sa Efeso, kundi halos sa buong Asia, na ang Pablong ito ay nakaakit at naglayo ng napakaraming tao, na sinasabing hindi mga diyos ang ginagawa ng mga kamay. At may panganib na hindi lamang mawalan ng dangal ang hanapbuhay nating ito, kundi ang templo ng dakilang diyosang si Artemis ay mawalan din ng halaga. At siya ay maaari pang matanggal sa kanyang kadakilaan, siya na sinasamba ng buong Asia at ng sanlibutan.” Nang marinig nila ito ay napuno sila ng galit at nagsigawan, “Dakila si Artemis ng mga taga-Efeso!” Napuno ng kaguluhan ang lunsod at sama-sama nilang nilusob ang tanghalan, at sinunggaban sina Gayo at Aristarco, mga taga-Macedonia, na kasama ni Pablo sa paglalakbay. Nais ni Pablo na pumunta sa mga tao ngunit hindi siya pinayagan ng mga alagad. Maging ang ilan sa mga pinuno sa Asia, na kanyang mga kaibigan, ay nagpasugo sa kanya at siya'y pinakiusapang huwag mangahas sa tanghalan. Samantala, ang iba ay sumisigaw ng isang bagay, at ang ilan ay iba naman, sapagkat ang kapulungan ay nasa kaguluhan at hindi nalalaman ng karamihan kung bakit sila'y nagkakatipon. Ilan sa maraming tao ang nag-udyok kay Alejandro at pinapunta ng mga Judio sa unahan. At sumenyas si Alejandro na nais niyang ipagtanggol ang sarili sa mga taong-bayan. Ngunit nang makilala nila na siya'y isang Judio, sa loob ng halos dalawang oras silang lahat ay nagsigawan na may isang tinig, “Dakila si Artemis ng mga taga-Efeso!” Nang mapatahimik na ng kalihim ng bayan ang maraming tao, ay kanyang sinabi, “Mga lalaking taga-Efeso, sino sa mga tao ang hindi nakakaalam na ang lunsod ng mga taga-Efeso ay tagapag-ingat ng templo ng dakilang Artemis, at ng banal na batong nahulog mula sa langit? Yamang hindi maikakaila ang mga bagay na ito, dapat kayong huminahon at huwag gumawa ng anumang bagay na padalus-dalos. Dinala ninyo rito ang mga taong ito, na hindi mga magnanakaw sa templo ni mga lumalapastangan man sa ating diyosa. Kaya't kung si Demetrio at ang mga panday na kasama niya ay mayroong reklamo laban sa kanino man, bukas ang mga hukuman, at may mga proconsul; hayaan ninyong doon magharap ng reklamo ang isa't isa. Ngunit kung may iba pang bagay kayong hinahangad, ito ay lulutasin sa karaniwang kapulungan. Sapagkat nanganganib tayong maparatangang nanggugulo sa araw na ito, palibhasa'y wala tayong maibibigay na dahilan upang bigyang-katuwiran ang gulong ito.” Nang masabi na niya ang mga bagay na ito, pinaalis niya ang kapulungan.

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya