Samantalang si Apolos ay nasa Corinto, si Pablo ay dumaan sa mga dakong loob ng lupain at nakarating sa Efeso. Doon ay nakatagpo siya ng ilang mga alagad.
At sinabi niya sa kanila, “Tinanggap ba ninyo ang Espiritu Santo nang kayo'y nanampalataya?”
Sinabi nila, “Hindi, ni hindi pa namin narinig na may Espiritu Santo.”
Kaya't sinabi niya, “Kung gayo'y sa ano kayo binautismuhan?”
Sinabi nila, “Sa bautismo ni Juan.”
Sinabi ni Pablo, “Nagbautismo si Juan ng bautismo ng pagsisisi, na sinasabi sa mga tao na sila'y manampalataya sa darating na kasunod niya, samakatuwid ay kay Jesus.”
Nang kanilang marinig ito, sila'y binautismuhan sa pangalan ng Panginoong Jesus.
Nang maipatong na ni Pablo sa kanila ang kanyang mga kamay, bumaba sa kanila ang Espiritu Santo at sila'y nagsalita ng mga wika at nagpropesiya.
Silang lahat ay may labindalawang lalaki.
Siya'y pumasok sa sinagoga, at sa loob ng tatlong buwan ay nagsalita ng may katapangan, na nangangatuwiran at nanghihikayat tungkol sa mga bagay na nauukol sa kaharian ng Diyos.
Ngunit nang magmatigas ang ilan at ayaw maniwala, na nagsasalita ng masama tungkol sa Daan sa harapan ng kapulungan, kanyang iniwan sila at isinama ang mga alagad, at nakipagtalo araw-araw sa bulwagan ni Tiranno.
At ito'y nagpatuloy sa loob ng dalawang taon, kaya't ang lahat ng mga naninirahan sa Asia ay nakarinig ng salita ng Panginoon, ang mga Judio at gayundin ang mga Griyego.
Gumawa ang Diyos ng mga di-pangkaraniwang himala sa pamamagitan ng mga kamay ni Pablo,
kaya't nang ang mga panyo o mga tapis na napadikit sa kanyang katawan ay dinala sa mga maysakit, nawala sa kanila ang mga sakit, at lumabas sa kanila ang masasamang espiritu.
Ngunit may ilang mga Judiong pagala-gala na nagpapalayas ng masasamang espiritu ang nangahas na bigkasin ang pangalan ng Panginoong Jesus sa mga may masasamang espiritu, na sinasabi, “Inuutusan ko kayo sa pamamagitan ni Jesus na ipinangangaral ni Pablo.”
Pitong anak na lalaki ng isang pinakapunong paring Judio, na ang pangalan ay Eskeva, ang gumagawa nito.
Ngunit sinagot sila ng masamang espiritu, “Kilala ko si Jesus, at kilala ko si Pablo; ngunit sino kayo?”
At ang taong kinaroroonan ng masamang espiritu ay lumukso sa kanila, at silang lahat ay dinaig niya, kaya tumakas sila sa bahay na iyon na mga hubad at sugatan.
Nalaman ito ng lahat ng naninirahan sa Efeso, mga Judio at gayundin ng mga Griyego; at sinidlan silang lahat ng takot, at pinuri ang pangalan ng Panginoong Jesus.
Marami rin naman sa mga nanampalataya ang dumating na ipinahahayag at ibinubunyag ang kanilang mga gawain.
Marami sa mga gumagamit ng mga salamangka ay tinipon ang kanilang mga aklat at sinunog sa paningin ng madla; at kanilang binilang ang halaga niyon, at napag-alamang may limampung libong pirasong pilak.
Sa gayo'y lumago at lubos na nanaig ang salita ng Panginoon.
Pagkatapos mangyari ang mga bagay na ito, ipinasiya ni Pablo sa Espiritu, na dumaan sa Macedonia at sa Acaia, at pumaroon sa Jerusalem, na sinasabi, “Pagkapanggaling ko roon, ay kinakailangang makita ko rin ang Roma.”
Isinugo niya sa Macedonia ang dalawa sa naglilingkod sa kanya, sina Timoteo at Erasto, samantalang siya ay tumigil nang ilang panahon sa Asia.
Nang panahong iyon ay nagkaroon ng malaking gulo tungkol sa Daan.
Sapagkat may isang tao na ang pangalan ay Demetrio, isang panday-pilak na gumagawa ng mga dambanang pilak ni Artemis, ay nagbibigay ng hindi maliit na pinagkakakitaan sa mga panday.
Ang mga ito ay kanyang tinipon pati ang mga manggagawa ng mga gayong hanapbuhay, at sinabi, “Mga ginoo, alam ninyo na mula sa gawaing ito ay mayroon tayong pakinabang.
Inyo ring nakikita at naririnig na hindi lamang sa Efeso, kundi halos sa buong Asia, na ang Pablong ito ay nakaakit at naglayo ng napakaraming tao, na sinasabing hindi mga diyos ang ginagawa ng mga kamay.
At may panganib na hindi lamang mawalan ng dangal ang hanapbuhay nating ito, kundi ang templo ng dakilang diyosang si Artemis ay mawalan din ng halaga. At siya ay maaari pang matanggal sa kanyang kadakilaan, siya na sinasamba ng buong Asia at ng sanlibutan.”
Nang marinig nila ito ay napuno sila ng galit at nagsigawan, “Dakila si Artemis ng mga taga-Efeso!”
Napuno ng kaguluhan ang lunsod at sama-sama nilang nilusob ang tanghalan, at sinunggaban sina Gayo at Aristarco, mga taga-Macedonia, na kasama ni Pablo sa paglalakbay.
Nais ni Pablo na pumunta sa mga tao ngunit hindi siya pinayagan ng mga alagad.
Maging ang ilan sa mga pinuno sa Asia, na kanyang mga kaibigan, ay nagpasugo sa kanya at siya'y pinakiusapang huwag mangahas sa tanghalan.
Samantala, ang iba ay sumisigaw ng isang bagay, at ang ilan ay iba naman, sapagkat ang kapulungan ay nasa kaguluhan at hindi nalalaman ng karamihan kung bakit sila'y nagkakatipon.
Ilan sa maraming tao ang nag-udyok kay Alejandro at pinapunta ng mga Judio sa unahan. At sumenyas si Alejandro na nais niyang ipagtanggol ang sarili sa mga taong-bayan.
Ngunit nang makilala nila na siya'y isang Judio, sa loob ng halos dalawang oras silang lahat ay nagsigawan na may isang tinig, “Dakila si Artemis ng mga taga-Efeso!”
Nang mapatahimik na ng kalihim ng bayan ang maraming tao, ay kanyang sinabi, “Mga lalaking taga-Efeso, sino sa mga tao ang hindi nakakaalam na ang lunsod ng mga taga-Efeso ay tagapag-ingat ng templo ng dakilang Artemis, at ng banal na batong nahulog mula sa langit?
Yamang hindi maikakaila ang mga bagay na ito, dapat kayong huminahon at huwag gumawa ng anumang bagay na padalus-dalos.
Dinala ninyo rito ang mga taong ito, na hindi mga magnanakaw sa templo ni mga lumalapastangan man sa ating diyosa.
Kaya't kung si Demetrio at ang mga panday na kasama niya ay mayroong reklamo laban sa kanino man, bukas ang mga hukuman, at may mga proconsul; hayaan ninyong doon magharap ng reklamo ang isa't isa.
Ngunit kung may iba pang bagay kayong hinahangad, ito ay lulutasin sa karaniwang kapulungan.
Sapagkat nanganganib tayong maparatangang nanggugulo sa araw na ito, palibhasa'y wala tayong maibibigay na dahilan upang bigyang-katuwiran ang gulong ito.”
Nang masabi na niya ang mga bagay na ito, pinaalis niya ang kapulungan.