MGA GAWA 17
17
Sa Tesalonica
1Nang makaraan na sina Pablo at Silas#17:1 Sa Griyego ay sila. sa Amfipolis at sa Apolonia ay nakarating sila sa Tesalonica, kung saan ay may isang sinagoga ng mga Judio.
2At si Pablo ay pumasok ayon sa kanyang kaugalian, at sa loob ng tatlong Sabbath ay nangatuwiran sa kanila mula sa mga kasulatan,
3na ipinapaliwanag at pinatutunayan na kailangang magdusa ang Cristo at muling mabuhay mula sa mga patay; at sinasabi, “Itong Jesus na aking ipinangangaral sa inyo ay siyang Cristo.”
4Nahikayat ang ilan sa kanila at sumama kina Pablo at kay Silas, gayundin ang napakaraming mga Griyegong masisipag sa kabanalan, at hindi kakaunting mga pangunahing babae.
5Subalit dahil sa inggit, ang mga Judio ay nagsama ng ilang masasamang tao mula sa pamilihan at nang makapagtipon sila ng maraming tao ay ginulo nila ang lunsod. Nilusob nila ang bahay ni Jason, sa kagustuhang maiharap sina Pablo at Silas#17:5 Sa Griyego ay sila. sa mga tao.
6Nang sila'y hindi nila natagpuan, kanilang kinaladkad si Jason at ang ilang kapatid sa harap ng mga pinuno ng lunsod, na ipinagsisigawan, “Ang mga taong ito na nanggugulo#17:6 Sa Griyego ay binabaligtad ang mundo. ay dumating din dito;
7at tinanggap sila ni Jason. Lahat sila ay kumikilos laban sa mga utos ni Cesar, at sinasabi nilang may ibang hari na ang pangalan ay Jesus.”
8Ang napakaraming tao at ang mga pinuno ng lunsod ay naligalig nang kanilang marinig ang mga bagay na ito.
9Nang sila'y makakuha ng piyansa mula kay Jason at sa iba pa, ay kanilang pinakawalan sila.
Sa Berea
10Nang gabing iyon ay agad na pinaalis ng mga kapatid sina Pablo at Silas patungo sa Berea. Nang dumating sila roon, pumasok sila sa sinagoga ng mga Judio.
11Ngayon ang mga ito ay higit na mararangal kaysa mga taga-Tesalonica, sapagkat tinanggap nila ang salita ng buong pananabik na sinisiyasat araw-araw ang mga kasulatan kung tunay nga ang mga bagay na ito.
12Kaya marami sa kanila ang nanampalataya, kasama ang maraming babaing Griyego at mga pangunahing lalaki.
13Subalit nang malaman ng mga Judiong taga-Tesalonica na ang salita ng Diyos ay ipinangaral din ni Pablo sa Berea, sila ay nagpunta rin doon upang guluhin at sulsulan ang maraming tao.
14At agad na isinugo ng mga kapatid si Pablo paalis hanggang sa dagat, ngunit nanatili roon sina Silas at Timoteo.
15Si Pablo ay dinala ng mga naghatid sa kanya hanggang sa Atenas; at nang matanggap na nila ang utos upang sina Silas at Timoteo ay sumama sa kanya sa lalong madaling panahon, siya'y kanila nang iniwan.
Sa Atenas
16Samantalang sila'y hinihintay ni Pablo sa Atenas, siya ay labis na nanlumo nang makita niya na ang lunsod ay punô ng mga diyus-diyosan.
17Kaya't sa sinagoga ay nakipagtalo siya sa mga Judio at sa mga taong masisipag sa kabanalan, at sa pamilihan sa araw-araw sa mga nagkataong naroroon.
18Ilan sa mga pilosopong Epicureo at Estoico ay nakipagtalo rin sa kanya. At sinabi ng ilan, “Anong nais sabihin ng madaldal na ito?” Sinabi ng iba, “Parang siya'y isang tagapagbalita ng mga ibang diyos”—sapagkat ipinangangaral niya si Jesus at ang pagkabuhay.
19Siya'y kinuha nila at dinala sa Areopago, at tinanong, “Maaari ba naming malaman kung ano itong bagong aral na sinasabi mo?
20Sapagkat naghahatid ka ng mga kakaibang bagay sa aming mga tainga; kaya't ibig naming malaman kung ano ang kahulugan ng mga bagay na ito.”
21Lahat ng mga taga-Atenas at ang mga dayuhang naninirahan doon ay walang pinaggugulan ng panahon kundi ang mag-usap o makinig ng mga bagong bagay.
22Kaya't tumindig si Pablo sa gitna ng Areopago, at sinabi, “Mga lalaking taga-Atenas, napapansin ko na sa lahat ng bagay kayo'y lubhang relihiyoso.
23Sapagkat sa aking pagdaraan, at sa pagmamasid ng mga bagay na inyong sinasamba, ay nakatagpo din naman ako ng isang dambana na may sulat na ganito, ‘SA ISANG DI-KILALANG DIYOS.’ Kaya't ang sinasamba ninyo na hindi kilala ay siyang ipahahayag ko sa inyo.
24Ang#1 Ha. 8:27; Isa. 42:5; Gw. 7:48 Diyos na gumawa ng sanlibutan at ng lahat ng mga bagay na naririto, siya na Panginoon ng langit at ng lupa, ay hindi tumitira sa mga templong ginawa ng tao;
25ni hindi rin naman siya pinaglilingkuran ng mga kamay ng tao, na para bang mayroon siyang kailangan, yamang siya ang nagbibigay sa lahat ng tao ng buhay at ng hininga, at ng lahat ng bagay na ito.
26Nilikha niya mula sa isa#17:26 Sa ibang matandang kasulatan ay mula sa isang dugo. ang bawat bansa ng mga tao upang manirahan sa ibabaw ng buong lupa. Itinakda niya ang mga panahon at mga hangganan ng kanilang titirhan,
27upang kanilang hanapin ang Diyos, baka sakaling siya'y mahagilap nila at siya'y matagpuan, bagaman hindi siya malayo sa bawat isa sa atin.
28Sapagkat sa kanya tayo'y nabubuhay, at kumikilos, at nasa kanya ang ating pagkatao; tulad ng sinabi ng ilan sa inyong mga makata,
‘Sapagkat tayo rin ay kanyang supling.’
29Yamang tayo'y supling ng Diyos, hindi marapat na ating isipin na ang pagka-Diyos ay katulad ng ginto, o ng pilak, o ng bato, na inanyuan ng husay at kaisipan ng tao.
30Ang mga panahon ng kahangalan ay pinalampas na nga ng Diyos; ngunit ngayo'y ipinag-uutos niya sa lahat ng tao sa lahat ng dako na magsisi,
31sapagkat itinakda niya ang isang araw kung kailan niya hahatulan ang sanlibutan ayon sa katuwiran sa pamamagitan ng lalaking kanyang itinalaga, at tungkol dito'y binigyan niya ng katiyakan ang lahat ng tao, nang kanyang muling buhayin siya mula sa mga patay.”
32Nang kanilang marinig ang tungkol sa pagkabuhay ng mga patay, ay nangutya ang ilan; ngunit sinabi ng iba, “Pakikinggan ka naming muli tungkol dito.”
33Sa gayo'y umalis si Pablo sa gitna nila.
34Subalit sumama sa kanya ang ilang mga tao at nanampalataya. Isa sa kanila si Dionisio na taga-Areopago, at ang isang babaing ang pangalan ay Damaris at iba pang mga kasama nila.
Kasalukuyang Napili:
MGA GAWA 17: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001