Samantalang sila'y hinihintay ni Pablo sa Atenas, siya ay labis na nanlumo nang makita niya na ang lunsod ay punô ng mga diyus-diyosan.
Kaya't sa sinagoga ay nakipagtalo siya sa mga Judio at sa mga taong masisipag sa kabanalan, at sa pamilihan sa araw-araw sa mga nagkataong naroroon.
Ilan sa mga pilosopong Epicureo at Estoico ay nakipagtalo rin sa kanya. At sinabi ng ilan, “Anong nais sabihin ng madaldal na ito?” Sinabi ng iba, “Parang siya'y isang tagapagbalita ng mga ibang diyos”—sapagkat ipinangangaral niya si Jesus at ang pagkabuhay.
Siya'y kinuha nila at dinala sa Areopago, at tinanong, “Maaari ba naming malaman kung ano itong bagong aral na sinasabi mo?
Sapagkat naghahatid ka ng mga kakaibang bagay sa aming mga tainga; kaya't ibig naming malaman kung ano ang kahulugan ng mga bagay na ito.”
Lahat ng mga taga-Atenas at ang mga dayuhang naninirahan doon ay walang pinaggugulan ng panahon kundi ang mag-usap o makinig ng mga bagong bagay.
Kaya't tumindig si Pablo sa gitna ng Areopago, at sinabi, “Mga lalaking taga-Atenas, napapansin ko na sa lahat ng bagay kayo'y lubhang relihiyoso.
Sapagkat sa aking pagdaraan, at sa pagmamasid ng mga bagay na inyong sinasamba, ay nakatagpo din naman ako ng isang dambana na may sulat na ganito, ‘SA ISANG DI-KILALANG DIYOS.’ Kaya't ang sinasamba ninyo na hindi kilala ay siyang ipahahayag ko sa inyo.
Ang Diyos na gumawa ng sanlibutan at ng lahat ng mga bagay na naririto, siya na Panginoon ng langit at ng lupa, ay hindi tumitira sa mga templong ginawa ng tao;
ni hindi rin naman siya pinaglilingkuran ng mga kamay ng tao, na para bang mayroon siyang kailangan, yamang siya ang nagbibigay sa lahat ng tao ng buhay at ng hininga, at ng lahat ng bagay na ito.
Nilikha niya mula sa isa ang bawat bansa ng mga tao upang manirahan sa ibabaw ng buong lupa. Itinakda niya ang mga panahon at mga hangganan ng kanilang titirhan,
upang kanilang hanapin ang Diyos, baka sakaling siya'y mahagilap nila at siya'y matagpuan, bagaman hindi siya malayo sa bawat isa sa atin.
Sapagkat sa kanya tayo'y nabubuhay, at kumikilos, at nasa kanya ang ating pagkatao; tulad ng sinabi ng ilan sa inyong mga makata,
‘Sapagkat tayo rin ay kanyang supling.’
Yamang tayo'y supling ng Diyos, hindi marapat na ating isipin na ang pagka-Diyos ay katulad ng ginto, o ng pilak, o ng bato, na inanyuan ng husay at kaisipan ng tao.
Ang mga panahon ng kahangalan ay pinalampas na nga ng Diyos; ngunit ngayo'y ipinag-uutos niya sa lahat ng tao sa lahat ng dako na magsisi,
sapagkat itinakda niya ang isang araw kung kailan niya hahatulan ang sanlibutan ayon sa katuwiran sa pamamagitan ng lalaking kanyang itinalaga, at tungkol dito'y binigyan niya ng katiyakan ang lahat ng tao, nang kanyang muling buhayin siya mula sa mga patay.”
Nang kanilang marinig ang tungkol sa pagkabuhay ng mga patay, ay nangutya ang ilan; ngunit sinabi ng iba, “Pakikinggan ka naming muli tungkol dito.”
Sa gayo'y umalis si Pablo sa gitna nila.
Subalit sumama sa kanya ang ilang mga tao at nanampalataya. Isa sa kanila si Dionisio na taga-Areopago, at ang isang babaing ang pangalan ay Damaris at iba pang mga kasama nila.