Nakinig siya sa pagsasalita ni Pablo. Nang titigan siya ni Pablo at makitang mayroon siyang pananampalataya upang mapagaling,
ay sinabi niya sa malakas na tinig, “Tumindig ka nang matuwid sa iyong mga paa.” At ang lalaki ay lumukso at nagpalakad-lakad.
Nang makita ng maraming tao ang ginawa ni Pablo, nagsigawan sila na sinasabi sa wikang Licaonia, “Ang mga diyos ay bumaba sa atin sa anyo ng mga tao!”
Tinawag nilang Zeus si Bernabe at Hermes si Pablo, sapagkat siya ang pangunahing tagapagsalita.
Ang pari ni Zeus na ang templo ay nasa harap ng lunsod ay nagdala ng mga baka at mga putong na bulaklak sa mga pintuang-daan, at ibig maghandog kasama ng napakaraming tao.
Ngunit nang marinig ito ng mga apostol na sina Bernabe at Pablo, pinunit nila ang kanilang mga damit at tumakbo sa gitna ng karamihan, na sumisigaw,
“Mga ginoo, bakit ninyo ginagawa ang mga bagay na ito? Kami'y mga tao rin na gaya ninyo, nagdadala kami ng magandang balita sa inyo upang mula sa walang kabuluhang mga bagay na ito ay bumaling kayo sa Diyos na buháy, na siyang gumawa ng langit, ng lupa, ng dagat, at ng lahat ng nasa mga iyon.
Noong nakaraang mga panahon ay hinayaan niya ang lahat ng mga bansa na lumakad sa kanilang mga sariling daan.
Gayunman ay hindi niya hinayaang mawalan siya ng saksi sa paggawa ng mabuti—na nagbigay sa inyo ng ulan mula sa langit at ng masasaganang panahon, at pinupuno kayo ng pagkain at ang inyong mga puso ng kagalakan.”
Maging sa pamamagitan ng mga pananalitang ito ay bahagya na nilang napigil ang mga tao sa paghahandog sa kanila.
Ngunit dumating doon ang mga Judiong buhat sa Antioquia at Iconio; at nang mahikayat nila ang maraming tao, kanilang pinagbabato si Pablo at kanilang kinaladkad siya sa labas ng lunsod, na inaakalang siya'y patay na.
Ngunit nang paligiran siya ng mga alagad, tumayo siya at pumasok sa lunsod. Kinabukasan, umalis siya kasama ni Bernabe patungo sa Derbe.
Nang maipangaral na nila ang ebanghelyo sa lunsod na iyon, at ginawang mga alagad ang marami, nagbalik sila sa Listra, sa Iconio, at sa Antioquia,
na pinapalakas ang mga kaluluwa ng mga alagad, at pinapatatag ang loob nila na manatili pa sa pananampalataya, at sinasabi na sa pamamagitan ng maraming mga kapighatian ay kailangang pumasok tayo sa kaharian ng Diyos.
Nang makapagtalaga na sila ng matatanda para sa kanila sa bawat iglesya, matapos manalangin na may pag-aayuno, ay kanilang ipinagtagubilin sila sa Panginoon na kanilang sinampalatayanan.
At sila'y dumaan sa Pisidia at nagtungo sa Pamfilia.
Nang maipahayag na nila ang salita sa Perga ay lumusong sila sa Atalia;
at buhat doon ay naglayag sila patungong Antioquia. Doon ay itinagubilin sila sa biyaya ng Diyos dahil sa gawaing kanilang natapos na.
Nang sila'y dumating, tinipon nila ang iglesya at iniulat ang lahat ng mga bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila, at kung paanong binuksan niya para sa mga Hentil ang pinto ng pananampalataya.
Nanatili sila roon na kasama ang mga alagad nang mahaba-habang panahon.