Nakinig siya sa pagsasalita ni Pablo. Nang titigan siya ni Pablo at makitang mayroon siyang pananampalataya upang mapagaling, ay sinabi niya sa malakas na tinig, “Tumindig ka nang matuwid sa iyong mga paa.” At ang lalaki ay lumukso at nagpalakad-lakad. Nang makita ng maraming tao ang ginawa ni Pablo, nagsigawan sila na sinasabi sa wikang Licaonia, “Ang mga diyos ay bumaba sa atin sa anyo ng mga tao!” Tinawag nilang Zeus si Bernabe at Hermes si Pablo, sapagkat siya ang pangunahing tagapagsalita. Ang pari ni Zeus na ang templo ay nasa harap ng lunsod ay nagdala ng mga baka at mga putong na bulaklak sa mga pintuang-daan, at ibig maghandog kasama ng napakaraming tao. Ngunit nang marinig ito ng mga apostol na sina Bernabe at Pablo, pinunit nila ang kanilang mga damit at tumakbo sa gitna ng karamihan, na sumisigaw, “Mga ginoo, bakit ninyo ginagawa ang mga bagay na ito? Kami'y mga tao rin na gaya ninyo, nagdadala kami ng magandang balita sa inyo upang mula sa walang kabuluhang mga bagay na ito ay bumaling kayo sa Diyos na buháy, na siyang gumawa ng langit, ng lupa, ng dagat, at ng lahat ng nasa mga iyon. Noong nakaraang mga panahon ay hinayaan niya ang lahat ng mga bansa na lumakad sa kanilang mga sariling daan. Gayunman ay hindi niya hinayaang mawalan siya ng saksi sa paggawa ng mabuti—na nagbigay sa inyo ng ulan mula sa langit at ng masasaganang panahon, at pinupuno kayo ng pagkain at ang inyong mga puso ng kagalakan.” Maging sa pamamagitan ng mga pananalitang ito ay bahagya na nilang napigil ang mga tao sa paghahandog sa kanila.
Basahin MGA GAWA 14
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: MGA GAWA 14:9-18
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas