Nang sumunod na araw, nang may oras na ikaanim, samantalang sila'y naglalakbay at malapit na sa lunsod, si Pedro ay umakyat sa itaas ng bahay upang manalangin.
Siya'y nagutom at nagnais kumain; subalit samantalang inihahanda nila ito, nawalan siya ng malay
at nakita niyang bumukas ang langit, at may isang bagay na bumababa, tulad ng isang malapad na kumot na ibinababa sa lupa na nakabitin sa apat na sulok.
Naroroon ang lahat ng uri ng mga hayop na may apat na paa at ang mga gumagapang sa lupa at ang mga ibon sa himpapawid.
Dumating sa kanya ang isang tinig, “Tumindig ka, Pedro; magkatay ka at kumain.”
Subalit sinabi ni Pedro, “Hindi maaari, Panginoon; sapagkat kailanma'y hindi ako kumain ng anumang bagay na marumi at karumaldumal.”
Muling dumating sa kanya ang tinig sa ikalawang pagkakataon, “Ang nilinis ng Diyos ay huwag mong ituring na marumi.”
Ito'y nangyari ng tatlong ulit, at ang bagay ay agad binatak pataas sa langit.
Samantalang naguguluhan si Pedro sa kanyang sarili, kung ano ang kahulugan ng pangitaing kanyang nakita, biglang dumating ang mga taong sinugo ni Cornelio. Nang maipagtanong ang bahay ni Simon, tumayo sila sa harapan ng pintuan.
Tumawag sila upang magtanong kung si Simon, na tinatawag na Pedro, ay nanunuluyan doon.
Samantalang iniisip ni Pedro ang tungkol sa pangitain, sinabi sa kanya ng Espiritu, “Tingnan mo, may tatlong taong naghahanap sa iyo.
Tumindig ka, bumaba ka at sumama sa kanila na walang pag-aatubili sapagkat sila'y aking sinugo.”
Bumaba si Pedro at sinabi sa mga tao, “Ako ang hinahanap ninyo; ano ang dahilan ng inyong pagparito?”
Sinabi nila, “Si Cornelio na isang senturion, isang taong matuwid at may takot sa Diyos, at may mabuting patotoo sa buong bansa ng mga Judio, ay pinagbilinan ng isang banal na anghel na ikaw ay ipatawag sa kanyang bahay upang marinig ang iyong mga salita.”
Kaya't sila'y pinatuloy niya at naging kanyang panauhin. Nang sumunod na araw, bumangon siya at umalis na kasama nila, at siya'y sinamahan ng ilang kapatid mula sa Joppa.
Nang sumunod na araw ay dumating sila sa Cesarea. Sila'y hinihintay ni Cornelio, at tinipon ang kanyang mga kamag-anak at ang kanyang malalapit na kaibigan.
Pagpasok ni Pedro, sinalubong siya ni Cornelio at nagpatirapa sa kanyang paanan, at siya'y sinamba.
Ngunit pinatayo siya ni Pedro, na sinasabi, “Tumayo ka, ako man ay tao rin.”
At habang nakikipag-usap sa kanya, pumasok siya at kanyang naratnan ang maraming taong nagkakatipon.
Sinabi niya sa kanila, “Nalalaman ninyo na hindi ipinahihintulot sa isang Judio na makisama o lumapit sa isang banyaga; ngunit ipinakita sa akin ng Diyos, na huwag kong tawagin ang isang tao na marumi o karumaldumal.
Kaya't nang ipasundo ako, sumama ako nang walang pagtutol. Ngayon, itinatanong ko kung bakit mo ako ipinasundo.”
Sinabi ni Cornelio, “Apat na araw na ang nakakaraan, mga ganitong oras, nang ikasiyam na oras, ako'y nananalangin sa aking bahay nang biglang tumindig sa harapan ko ang isang lalaki na may nagniningning na damit.
Sinabi niya, ‘Cornelio, dininig ang dalangin mo, at ang iyong mga limos ay inalala sa harapan ng Diyos.
Magsugo ka sa Joppa, at ipatawag mo si Simon, na tinatawag na Pedro. Siya'y nanunuluyan sa bahay ni Simon na tagapagluto ng balat sa tabi ng dagat.’
Kaya't agad kitang ipinasundo, at mabuti ang ginawa mo na naparito ka. Ngayon kaming lahat ay naririto sa harapan ng Diyos, upang pakinggan ang lahat ng mga bagay na ipinag-utos sa iyo ng Panginoon.”
Nagsimulang magsalita si Pedro at kanyang sinabi, “Tunay ngang nauunawaan ko na walang kinikilingan ang Diyos,
kundi sa bawat bansa ang sinumang may takot sa kanya at gumagawa ng matuwid ay kalugud-lugod sa kanya.
Nalalaman ninyo ang salita na kanyang ipinadala sa mga anak ni Israel, na ipinangangaral ang magandang balita ng kapayapaan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo—siya'y Panginoon ng lahat