Pagkatapos ay bumalik sila sa Jerusalem buhat sa tinatawag na bundok ng mga Olibo, malapit sa Jerusalem, na isang araw ng Sabbath lakarin.
Nang sila'y makapasok sa lunsod, umakyat sila sa silid sa itaas na doon ay nakatira sina Pedro, Juan, Santiago at Andres, Felipe at Tomas, Bartolome at Mateo, si Santiago na anak ni Alfeo, si Simon na Makabayan, at si Judas na anak ni Santiago.
Sama-samang itinalaga ng lahat ng mga ito ang kanilang sarili para sa pananalangin, kasama ang mga babae at si Maria na ina ni Jesus, at ang kanyang mga kapatid.
At nang mga araw na ito, tumindig si Pedro sa gitna ng mga kapatid at nagsabi (at nagkakatipon ang maraming tao, na may isandaan at dalawampu),
“Mga kapatid, kailangang matupad ang kasulatan, na ipinahayag noong una ng Espiritu Santo sa pamamagitan ni David tungkol kay Judas, na siyang nanguna sa mga humuli kay Jesus.
Sapagkat siya'y ibinilang sa atin at siya'y tumanggap ng kanyang bahagi sa paglilingkod na ito.”
(Bumili nga ang taong ito ng isang bukid mula sa kabayaran ng kanyang kasamaan; at nang bumagsak ng patiwarik ay pumutok ang kanyang tiyan, at sumambulat ang lahat ng kanyang mga lamang loob.
At ito'y nahayag sa lahat ng mga naninirahan sa Jerusalem; kaya't tinawag ang bukid na iyon sa kanilang wika na Akeldama, na ang kahulugan ay, ‘Ang Bukid ng Dugo’.)
“Sapagkat nasusulat sa aklat ng Mga Awit,
‘Hayaang mawalan ng tao ang kanyang tahanan,
at huwag bayaang tumira doon ang sinuman;’
at,
‘Hayaang kunin ng iba ang kanyang katungkulan.’
Kaya't isa sa mga taong nakasama namin sa buong panahong ang Panginoong Jesus ay kasama namin,
magmula sa pagbabautismo ni Juan, hanggang sa araw na siya'y iakyat sa itaas mula sa atin—isa sa mga ito'y dapat maging saksi na kasama natin sa kanyang muling pagkabuhay.”
Kanilang iminungkahi ang dalawa, si Jose na tinatawag na Barsabas, na tinatawag ding Justo, at si Matias.
Sila'y nanalangin at nagsabi, “Panginoon, ikaw na nakakaalam ng puso ng lahat, ipakita mo kung sino sa dalawang ito ang iyong pinili,
upang pumalit sa paglilingkod na ito at sa pagka-apostol na tinalikuran ni Judas, upang siya'y pumunta sa sarili niyang lugar.”
At sila'y nagpalabunutan para sa kanila at ang nabunot ay si Matias; at siya'y ibinilang sa labing-isang apostol.